6 minute read

Rekwerdo

quarantimes

COVID-19 Special Issue Volume 40, Issue 4 COVID-19 Special Issue Volume 40, Issue 4

Advertisement

quarantimes

Rekwerdo

ILLUSTRATION BY FAITH CACNIO

Elecyl CABALQUINTO Florianne Khaye GONZALES

Dos mil treinta

Isang matining na tunog mula sa despertador ang humila sa aking diwa mula sa pagkakahimbing. Kaunting unat at agad kong ginawa ang mga ritwal na sa siyang nagpasisimula sa aking araw. Hindi ko nakagawiang mag-agahan dahil tila ba umiikot ang aking sikmura kung agad na malalagyan ng laman hindi pa man din tuluyang nagsisimula ang maghapon. Sa pagkakataong ito, walang pinagkaiba.

Walang pagdadalawang-isip kong kinuha ang tasa upang isalin ang kape na tanging kailangan ng aking katawan bilang pampaningas. Isang paglanghap sa aroma’t isang higop ng pagtikim, agad na may naalala – ang inumin na ito ay walang pinagkaiba ngunit may alam akong pamamaraan kung paano ito gawing higit na espesyal. Gamit ang whisk, aking isinibad ang gatas at nang makuha na ang tamang timpla, inilagay ito sa ibabaw ng kape na kanina ay sinisimsim. Bahagyang natigilan nang maalala na maraming taon na rin ang lumipas nang huli ko itong nagawa. Ito ang naging bulong ko sa’king sarili: “Dalgona...”

Sa byahe papasok ng opisina, samu’t-saring tao sa kalsada ang aking nakasalamuha. Gaya nang nakagawian, ang mabigat na daloy ng trapiko ang kahaharapin gayun na rin ang hirap sa paghahanap ng masasakyan. Tila buwis-buhay pa rin ang pinagdaraanan ng mga tao makarating lamang sa paroonan. Anong bago? Ang tila piltrong nakaharang sa mukha ng mga ito. Tatlong wisik din ng alkohol sa sariling palad ang iginawad ng ale sa aking kaliwang dako. Maraming taon na ang lumipas ngunit mukhang tama sila nang sabihin na ito ang bagong normal. Halos lahat ay higit na naging malinis sa pangagatawan.

Agad akong napalingon sa sigaw na narinig ko mula sa labas ng dyip na kinasasakyan. Nang aking lingunin, ito’y nagmumula pala mua sa isang grupong nagtipon at nag-aaklas sa labas ng isang gusali. Hawak ang placard, nakita ko kung paano nila isigaw ang mga karapatan na tila ba nyuyurakan. “Hay, may mañanita na naman pala diyan?,” ani ng babae sa harapan ko. “Matagal din kasing halos kulang daw ang pasahod,” sagot naman naman ng isa pa sa tabi nito. Tama nga ako. Isa nga itong pag-aaklas. Isang mañanita. Ilang taon na ang lumipas, ngunit tila kapareho pa rin ng sa dati ang dinaranas ng mga manggagawang Pilipino.

Nang makaupo sa sariling luklukan, agad kong sinimulan ang mga gawaing nakaatas sa akin para sa naturang araw. Hindi nagtagal nang tumunog ang telepono ng isang katrabaho. Hindi ko naitago ang bahagyang pagtawa nang marinig iyon dahil sumagi sa isipan ang paraan kung paano ko noon sinabayan ang indayog ng tugtog nito. Sa pagnanais na makawala sa pagkabagot na dala ng ilang buwan na pananatili sa bahay, ilang bidyo rin sa Tiktok ang aking pansamantalang pinagkaabalahan. At sa tuwing naririnig ko ito at ang mga kagayang kanta, walang ibang naglalaro sa aking isipan kung hindi ang naranasang home quarantine sa kasagsagan ng pandemya.

Sa pagtakbo ng araw ay nadaanan ko ang isang karinderya. Katakam-takam na ginisang sardinas na aking nadatnan. Habang kumakain kasabay ng mga katrabaho, hindi mawaglit sa aking isipan ang mga pagkaing pinagtyagaan ng masa noong mga naturang panahon. Karamihan, sa mga delata lamang umasa upang mairaos ang kanilang pang araw-araw. Paanong hindi kung tiyak ang pagdaan sa butas ng karayom upang makahanap ng mapagkakakitaan noong nasabing panahon? Bagamat hindi maganda sa kalusugan, wala naman nang iba pang mapamimilian.

Ilang minuto bago bumalik sa trabaho, aking pinasadahan ng tingin ang telepono. Isang post mula sa matagal nang kaibigan ang pumukaw ng aking pansin. Isa itong larawan ng sikat na artista na kanyang iginuhit. Muling gumuhit sa aking alaala ang naturang paraan upang makahanap ng pagkakakitaan noong panahon ng quarantine. Maraming tao ang humiling na gamitin ang kanilang talento upang isabuhay anuman ang nais ipaguhit ng mga ito.

Nakatutuwa lang balikan na karamihan din sa mga ito ay ginawa ang nasabing paraan upang makalikom ng pondo para sa mga naisagawang donasyon na layong tulungan ang mga nangangailangan sa gitna ng krisis. Hindi lamang ito ang naging plataporma bagkus ang ilan ding mga musikero, mananayaw, o maging mga komedyante ay nagsagawa ng palabas sa birtwal na pamamaraan. Maging ang nasa industriya ng showbiz ay ganito ang ginawa upang maipagpatuloy ang pagbibigay ng aliw sa madla. Dito napatunayan na kung gusto, tunay na maraming paraan.

Matapos tanawin ang pag-aagaw ng liwanag at dilim mula sa bintana, napagpasyahan kong buksan ang telebisyon upang malibang. Ang nais ko lang ay ipahinga kapwa ang utak at katawan matapos ang isang nakapapagod na araw sa trabaho. Isang pelikula ang nakita na agad nanamang nagpaalala ng mga gawing naisabuhay sa panahon ng pananatili sa tahanan noon. Ang bidang lalaking ay nakabihis ng isang pansundalong damit samantalang ang babae ay may kasuotang nagsusumigaw ng pagiging propesyunal nito. “Parang si Capt. Ri at Se-ri”. Wala sa sariling naibulalas ko ang mga naturang salita.

Ilang sandali pa at natapos na rin akong maghapunan at ngayon ay naghahanda na upang matulog. Isang musika mula sa radyo ang aking narinig habang nagsisipilyo. “Magkahawak ang ating kamay at walang kamalay-malay.” Napasabay pa ako sa kanta ng aking paboritong banda. Gayunpaman sa halip na ang mga musikerong tumutugtog ang maisip, ang mga bida sa isang pagtatanghal na sina Joy, Anthony, Hector, at Emman ang naalala. Isama pa rito ang masalimuot nilang karanasan na bumuo sa kwento ng isang dula-dulaan na ipinalabas sa Youtube habang ang lahat ay abala sa pananatili sa kanilang mga tahanan. Wala nga yatang makalilimot sa kakaibang karanasan na ito sapagkat ang nasabing industriya ay hindi naman madalas na mabigyan ng pagpapahalaga at nararapat na pagkilala rito sa ating bansa.

Tuluyan ko nang inilapat ang aking likod sa malambot na kutson alinsunod sa pagaayos ng mga unan at kumot sa pagnanais na makatamasa ng isang kumportableng pamamahinga. Naging mahaba ang aking araw at napuno ito ng mga alaala na bagamat ilang buwan ko lamang naranasan, alam kong habambuhay na tatatak sa aking isipan.

Isang pikit at bigla muling may naalala. Akala ko tapos na ngunit heto at may pahabol. Dahil sa pagdilim ng aking paligid ay s’ya ring alaala ng isang madilim na bayan. Isang bayan kung saan ang mga mamamayan ay napupuno ng pangamba para sa sariling mga buhay hindi lamang dahil sa banta na dala ng pandemya bagkus maging ang mga isyung panlipunan na higit pang lumala. Ang pag-atake sa mga karapatang pantao, lalong higit sa malayang pamamahayag ay tila bangungot na pilit kong iwinawaglit sa isip sa takot na muli itong maransan. Sa takot na muling masadlak sa kaguluhan ang bayang sinilangan.

Isang sigaw ang aking pinakawalan at pasasalamat dahil nakayanan kong dumilat. Muling nagising ang aking diwa at nakakita na ng liwanag. Ngunit isang tanong sa aking isipan ang namutawi: Totoo bang liwanag ang aking nasisilayan?

Sa patuloy na pagbabalik-tanaw, aking natanto na maaaring mayroong iilang magagandang memorya ang iniwan ng pandemya. Ngunit kung iisiping mabuti, isang masalimuot na alaala ang itinanim nito sa puso at isipan ng bawat Pilipino. Isang sugat na nakuha nating lahat mula sa madilim na nakaraan. Isang sugat na tiyak mahihirapan sa paghilom. Isang sugat na nagpamulat sa ating lahat.

Taong dalawáng libó’t tatlóng pû.

Maraming taon na ang nagdaan mula nang mabalot ng pandemya ang Pilipinas dulot ng COVID-19. Dahil dito, napilitan ang mga mamamayang manatili sa sariling mga tahanan. Ang mga naunang nabanggit ay ilan lamang sa mga bagay na nakapagpapaalala ng naturang panahon sa mga taong nakaranas nito. Taon-taon man ang lumipas, wala pa ring kasiguraduhan kung tunay ngang liwanag ang ating nasisilayan gaya ng walang kasiguraduhan kung tuluyan na nga bang nakabangon ang bayan mula sa mga dating hindi kanai-nais na kaganapan na patuloy binabaharin maging ang kasalukuyan.

This article is from: