2 minute read
MSU-GSC Jeepney Driver nagpalabas ng saloobin hinggil sa jeepney phaseout; MSUans hindi pabor sa panukala
“Masakit sa kalooban namin.” Ito ang naging pahayag ni Insih Omar, isa sa mga 40 jeepney drivers na namamasada sa Mindanao State University-General Santos City (MSU-GSC), hinggil sa pagpapatupad ng Public Utility Vehicle (PUV) Modernization program ng gobyerno.
Ayon kay Omar na miyembro ng Fatima Transport Cooperative, mabigat at masakit sa kanilang kalooban ang nasabing programa dahil kinakailangan nilang magpa-consolidate ng sasakyant upang makapagpatuloy sa pag-ooperate hanggang Disyembre ngayong taon.
Advertisement
Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ang franchise consolidation ay ang unang parte ng programa na nag-uutos sa mga jeepney drivers o individual franchise holders na bumuo ng kooperatiba na hindi bababa sa 15 na miyembro upang mas madali silang makapasok sa mga financial institutions upang makahiram ng pera pangsuporta sa bibilhing bagong unit.
Kapag consolidated na ang jeep, nangangahulugang ang operator nito ay nasa ilalim na ng pangagasiwa ng kooperatiba, at hindi na sila mag ooperate nang kanya-kanya. Nakatakdang magtatapos ang franchise consolidation ngayong December 31.
Bye, sasakyan; hello, utang!
Tila hindi na anak ni Omar ang magaabang sa kanya pag-uwi mula sa byahe kundi ang milyong utang na posibleng nyang haharapin kaakibat ng modernization program.
Bagamat consolidated na ang mga driver na nakatoka sa MSU-Gensan, haharapin naman ngayon ng mga tsuper ang posibleng magiging utang nila para makakuha ng e-jeepney na pumapalo sa 2.8 million kada-isa.
“Papalitan yung sasakyan tapos magbibigay yung national government ng subsidy. Napapayag kami, nagconsolidate, pero masakit pa rin sa kalooban namin, kasi hamakin mo ‘yan, wala kang utang tapos papautangin ka ng milyon-milyon na kantidad ng sasakyan, napakasakit ‘yun,” sambit ni Omar.
Nasa 260,000 pesos na subsidiya ang ibibigay sa mga tsuper na bibili ng e-jeep, ayon kay Transportation Undersecretary Mark Steven Pastor.
Ngunit sa kabila ng nasabing sabsidiya mula sa gobyerno, anila ay masakit pa rin sa loob nila ang panukala gayong karamihan sa kanila ay nagbenta ng ari-arian upang makakuha lamang ng saksayang pinapasadahan nila ngayon.
“Yung iba nagbenta ng mga ari-arian upang makakuha ng sasakyan, ngayon magkakaroon ng desisyon ang gobyerno, bigla na lang papalitan yung sasakyan namin kahit maayos pa,” dagdag pa nito.
MSUans umalma sa phaseout
Sa kabilang banda, suportado ng mga komyuter na MSUans ang hinanaing ng mga tsuper tungkol sa posibleng pag phaseout ng traditional jeepney kapag hindi sila makasabay sa programa.
Sa isinagawang online survey ng Bagwis, 93.4% ang hindi pabor sa panukalang pag phaseout, habang nasa 6.6% naman ang nagsabing nararapat lamang na palitan na ang traditional jeepneys ng e-jeepney. Ayon naman kay Jerico Garay, estudyante ng College of Business
Administration and Accountancy, lubha makaaapekto sa mga komyuters lalong lao na sa mga estudyante kung sakaling hindi kakayanin ng Fatima Transport Cooperative na palitan ang kanilang mga unit ng bago, na maaring maging dahilan upang hindi sila makapag-operate. Aniya, mas nakakamura sila kung jeep ang kanilang sinasakyan kumpara sa tricycle.
“Mas convenient ang jeepney dahil isang babaan lamang ang mangyayari at fixed na ang pamasahe kung kaya mas nakakatipid ako sa pamasahe sa halagang P30 kumpara sa tricycle na 40,” wika ni Jerico.
Patuloy pa rin ang panawagan ng transport groups at mga komyuter na dinggin ang kanilang hiling na isang makataong PUV modernization program.
MSUans sa tanong na Pabor ka ba sa jeepney phaseout na ipinatutupad sa bansa?
JASMINE JOY PANES AND HERKURT TAMBA