2 minute read

Hindi maliJUANag na katarungan

Hindi kakanta ang isang Juan kung ang kanyang karapatan ay hindi naapakan. Ito ang punto matapos hindi pinagkalooban ng due process ng Kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Benhur Abalos, Jr., ang umano ay sangkot na si Former PNP Deputy Chief for Operations Lt. Gen. Benjamin Santos, Jr. sa isyu ng malawakang cover-up sa isinasagawang imbestigasyon kaugnay sa P6.7 bilyong halaga ng shabu na nasabat sa raid noong Oktubre 2022. Masakit sa tengang pakinggan na panibagong pangalan na naman ang maililista sa pisara ng hindi binigyan ng pagkakataong ipaglaban ang kanyang sarili at patunayang wala siyang kasalanan.

Matatandaan na ang mga alagad ng mga batas na si Police Brig. Gen Narciso Domingo, Police Colonel Julian Olonan, at Police Lt. Col. Glenn Gonzales, kasama na si Santos ay pinagbakasyon ni Abalos dahil sa naturang isyu. Ani ni Santos na idinawit siya sa kaso dahil lamang sa kuha ng CCTV nang walang due process o karagdagang konsultasyon. Pahayag pa nito sa press briefing noong Abril 14, 2023 ay ika55 kaarawan niya ang Oktobre 8, 2022 na kung saan kasagsagan ng kanilang selebrasyon ay tumawag si PNP Chief Rodolfo Azurin Jr. ng 2:30 ng hapon at inutusan itong pumunta sa crime scene na may nasibat nang 600 kilo ng droga. Diin pa nito ay dumating na siya ng 6:20 ng gabi. Dahil dito, ayon sa abogado ni Santos na si Atty. Winston Ginez, wala ng impluwensya ito at wala na rin sa posisyon.

Advertisement

Gaano man katotoo o may bahid mang kasinungalingan ang mga pahayag ni Santos ay mahalagang matanto natin na siya ay pinagkaitan ng karapatan upang ipagtanggol ang kanyang sarili sa harap ng batas. Hindi maikakailang nilabag ni Abalos ang nasasaad sa Artikulo III, Seksyon 1 ng Saligang Batas 1987—hindi dapat alisan ng buhay, kalayaan, or ariarian ang sino mang tao nang hindi kaparaanan ng batas, ni pagkaitan ang sino mang tao ng pantay na pangangalaga ng batas.

Bilang mga batang mamamahayag, walang duda na suportado natin ang adhikain ni Secretary Abalos na lipulin ang talamak na iskalawag sa kapulisan. Subalit, mahalagang magninilay-nilay tayo sa dunong na aabutin natin ang layuning ito nang may transparensiya, pagkakapantay-pantay, katototohanan, at pananagutan. Tayong mga nasa larangan ng dyornalismo ay may tungkuling tumalima sa due process, protektahan ang pananaig ng batas, at labanan ang paglipana ng pagkalat ng maling balita, dahil kung hindi, sa ating giyera kontra halimaw, tayo mismo ay nanganganib nang maging halimaw.

Hangga’t hindi nauupos ang kandila ng hindi pantay na pagtrato sa katarungang-sistema sa bansa ay patuloy na masisindihan ang apoy ng marupok na katarungan sa lipunan. Harinawang bigyan si Santos ng pagkakataon na ipagtanggol ang kanyang sarili laban sa mga paratang sa kanya. Atin ding pagnilayan ang punto na ang due process ay dapat na ipagkaloob sa taumbayan—nagdaralita man o mayaman. Hindi man ngayon ngunit darating ang pagkakataon na ang sistemang panghudikatura sa bansa ay hindi papabor sa kadiliman sapagkat ngayon, ang patakarang pangkatarungan ay hindi pumapanig sa maliwanag na kinabukasan ni Juan.

Ang artikulong ito ay lumahok sa National Journalism Convention 2023 at nanalo ng pilak.

This article is from: