1 minute read
PMO-SURIGAO NABIGYAN NG BAGONG RESCUE EQUIPMENT NG DOTR
Ni Venus L. Garcia
Isang brand new motor vehicle na pinasadyang gawing firefighting equipment at isang rescue boat naman ang natanggap ng Philippine Ports Authority - Port Management Office (PPA-PMO) Surigao mula sa Department of Transportation o DOTr.
Advertisement
Layon nitong palakasakin pa lalo ang search, rescue, firefighting at marine patrol na kakayahan ng PMO Surigao.
Ang nasabing firefighting vehicle ay may transport trailer para sa rescue boat na may 50 horsepower outboard engine at remote steering na kayang lusubin ang malalakas na agos ng tubig-baha at malalaking alon sa karagatan.
Maliban sa water tanks ay kumpleto rin ito sa iba pang kagamitan gaya ng bolt cutter, crowbar at sledgehammer na magagamit sa mga emergency at rescue operation.
“Malaking tulong itong firefighting vehicle at search and rescue boat hindi lang sa PPA kundi pati na rin sa ating community. Kaakibat ng BFP at Phil. Coast Guard, available ang kagamitang ito sa panahon ng sakuna kagaya ng sunog at pagbaha. kaya naman nagpapasalamat tayo kay Pangulong Rodrigo Duterte, kay Sec. Tugade ng DOTr, at kay general manager Jay Daniel Santiago ng PPA,” sabi ni Froilan Caturla, acting port manager ng PPA PMO Surigao.
Ayon kay Caturla, mahalaga aniya na laging maging handa upang makaiwas at maligtas sa peligro. (VLG/PIA-Surigao del Norte)