1 minute read

PINSKER’S HAWK EAGLE, PINALAYA SA SURIGAO DEL SUR

Ni: Nida Grace P. Barcena

Matagumpay na pinalaya ang isang Pinsker’s hawk eagle kasabay ng pagdiriwang ng “Araw ng mga Puso” noong Pebrero 14, na isinasagawa sa San Padre Pio Devotional Chapel nitong lungsod.

Advertisement

Ang nasabing okasyon ay pinangunahan mismo ni Diocese of Tandag bishop Raul Dael, na siya ring nanguna sa pagsasagawa ng misa bago pa naganap ang pagpapalaya ng agila. Napag-alaman na ang naturang agila na pinangalanang “Padre Pio Hawk Eagle”, ay nasagip ng mga tauhan ng Diocese sa loob ng kanilang poultry sa may San Padre Pio Devotional Chapel, Brgy. San Jose, lungsod ng Tandag noong Disyembre 8, 2021, at nanatili ito sa kanilang pangangalaga. Agaran ding ipinaalam ng Diocese ang tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa lalawigan.

Kinumpirma ng kinatawan ng DENR na ang nasagip na agila ay isang endangered species.

“This is an endangered species. This eagle is a raptor family (Isa itong endangered species. Kabilang ang agilang ito sa raptor family),” tuwirang sinabi ni Cliff Abrahan, hepe ng

City Environment and Natural Resources Office (CENRO) ng Lianga na kumatawan sa DENRSurigao del Sur.

Sa pagpapalaya sa agila, nais iparating ng ng simbahang Katoliko ang mensaheng “Care for Our Common Home”, kung saan binibigyangdiin ng simbahan na bawat isa ay may responsibilidad na pangalagaan ang Inang Kalikasan.

Ayon kay Bishop Dael, nakikiisa ang diocese sa pangangalaga ng kalikasan.

“As a Diocese, we really stand for the truth, and for peaceful environmental protection (Bilang isang Diocese, kami’y patuloy na tumatayo para sa katotohanan at sa mapayapang pangangalaga ng kapaligiran),” giit niya. Dagdag ng obispo, hindi tumatanggap ang simbahang Katoliko ng donasyon mula sa katas ng mina.

Hinikayat din ni Bishop Dael ang publiko na ugaliing makipag-ugnayan sa kinauukulang awtoridad o kaya sa mga opisyal ng gobyerno na makakatulong kung meron mang masagip na endangered species gaya ng agila.

Sinaksihan ang pagpapalaya ng agila nina Governor Alexander Pimentel, Tandag City Mayor Roxanne Pimentel, representante ng DENR, mga lider ng simbahan, at ng publiko. (NGPB/PIA-Surigao del Sur)

This article is from: