1 minute read
FOREST NURSERY, CHAIR FACTORY PLANONG ITATAYO SA SURIGAO DEL SUR
By Raymond Aplaya Kasado na ang itatayo na Permanent Forest Nursery at isang Chair Factory Building dito sa lalawigan ng Surigao del Sur. Sa isang panayam, kinumpirma ni Thelma Alcoberes, hepe ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) nitong lalawigan, na kasalukuyan ngayong isinasagawa ang redesign at re–computation para sa itatayong Forest Nursery sa Brgy. Balibadon, Bayan ng Cortes, Surigao del Sur. Ayon pa kay Alcoberes, natapos na sila sa kanilang coordination meeting kasama ang mga barangay officials sa nasabing barangay pati na ang joint ocular verification survey at reconnaissance survey sa lugar na tatayuan ng nabanggit na mga proyekto . Dahil dito, aasahan na hindi tatagal at maisasagawa na ang bidding at MOA signing para sa itatayong proyekto. Samantala idinagdag naman ni Alcoberes na ang itatayong chair factory ay isang joint project ng Provincial Government ng Surigao del Sur at ng Environmental Management Bureau (EMB). Ang lalawigan ay siyang magpapatayo ng building, magbibigay ng manpower at lugar na tatayuan ng nasabing proyekto habang ang EMB naman ang siyang magbibigay ng mga kagamitan. Ang nasabing mga proyekto ay isa lamang umano sa mga naaprubahang mga panukalang proyekto para sa taon na ito. (DXJS-RP Tandag/PIASurigao del Sur)
Advertisement