1 minute read
‘RUN FOR COMFORT’ PROJECT INILUNSAD SA TAGANA-AN, SURIGAO DEL NORTE
Isang fun run o bersyon ng ‘Color Me Run’ na tinaguriang ‘Run for Comfort’ na isang fund raising activity ang nagbigay daan para solusyunan ang kakulangan ng palikuran sa bayan ng Tagana-an, Surigao del Norte.
Sa pamamagitan ng nasabing fund raising activity, ilang kabahayan ng benepisyaryong napabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino program o 4Ps sa barangay Patiño, Taganaan ang nakinabang at nalagyan ng sanitary toilet facility mula sa kinita ng fun run.
Advertisement
Inisyatibo ito ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) - Surigao del Norte Provincial Operations Office, sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan Tagana-an, Department of Education (DepEd), Philippine National Police (PNP), at Bureau of Fire Protection (BFP).
“May 11 households na ang nakinabang sa nasabing proyekto o inisyatibo na Run for Comfort. Kaya maraming salamat kasi ‘yong LGU Tagana-an ay talagang sumusuporta para maisakatuparan ito. Kung wala lang sanang pandemic ay tuloy-tuloy sana an ating aktibidad para makalikom ng sapat na pondo para mas marami ang matulungan.,”) sabi ni Shalom Dapar Sumaguila, provincial link ng Surigao del Norte 4Ps.
Layunin din ng nasabing proyekyo na mahikayat ang mga 4ps beneficiary na gumawa ng sariling comfort room sa kanilang mga tahanan upang maiwasan ang masamang epekto sa kalusugan gawa ng unsanitary toilet at open defecation.
“Nang dahil sa initiative po na ‘yon may plano po ng provincial office ng DSWD Pantawid Pamilya na gawin yon provincialwide para mas malaki ang malilikom natin na pondo para masolusyunan ang problema ng open defecation lalo na sa mga coastal areas. So, siguro pagkatapos ng pandemic gagawin natin ‘yon, i-replicate natin para talagang mas marami pang pamilya ang matutulungan,” ani Sumaguila.
Pinapaalalahanan din ng DSWD ang mga 4Ps beneficiary na gamitin ang kanilang cash grants para tugunan ang pang arawaraw na pangunahin nilang pangangailangan.
Samanatala, nagpapasalamat naman si Mary Jane Digma, residente ng barangay Patiño at recipient ng toilet facility project dahil matagal na rin anya nila gusto ng kanyang pamilya na magkaroon ng komportable at malinis na palikuran.
Ang proyektong ‘Run for Comfort’ ay entry ng Tagana-an para sa 2021 Search for Best 4Ps Initiative ng DSWD Caraga. (SDR/VLG/ PIA-Surigao del Norte)