1 minute read
MGA IP LEADERS SA SURSUR NANAWAGANG ITIGIL NA NG CPPNPA-NDF ANG PANG-AABUSO AT PAGKAKALAT NG MALING IMPORMASYON SA KANILANG TRIBU
Ni Jennifer P. Gaitano
Matapang na humarap ang mga Indigenous People-leaders ng Surigao del Sur sa isang virtual press conference kasama ang mga bumubuo sa National Task Force – Ending Local Communists Armed Conflict (NTF-ELCAC) at mga media practitioners.
Advertisement
Ibinahagi ng mga ito ang kanilang tunay na sitwasyon sa ginagawa ng Communist Party of the Philippine – New People’s Army – National Democratic Front (CPPNPA-NDF) sa kanilang lugar.
Nanawagan si Datu Constancio Duhac, municipal tribal chieftain ng Lianga, Surigao del Sur na bigyang hustisya ang pagkamatay ng tatlong IPs na pinaniniwalaang miyembro ng teroristang grupong NPA, kung saan isa dito ay menor de edad.
“Mayroon din kaming sariling imbestigasyon para malaman talaga kung ano ang totoong nangyari maliban sa mga nakuha naming impormasyon mula sa
social media. Kasama ang Provincial Tribal Council, magtutulungan kami para malaman ang totoo,” ani ni Duhac.
Ayon naman kay Datu Rico Maca, ang Indigenous People’s Mandatory Representative (IPMR) ng San Miguel, dapat itigil na aniya ng CPP-NPA-NDF ang pangrerecruit, paggamit at pangbibiktima sa mga IPs lalo na sa mga kabataan para sa kanilang personal na interes laban sa pamahalaan.
“Sana naman tigilan na nila ang pagkalat ng mga maling impormasyon kasi kami na nga po ang namatayan, kami pa ‘yung parang inaapi sa sitwasyon na ito. Irespeto po sana nila ang customary laws ng tribu,” tugon ni Maca.
Nagpasalamat din si Maca sa 3rd Special Forces Battalion sa kanilang pagtulong sa lahat ng gastusin ng mga namatayan at sa maayos na pagembalsamo sa mga biktima.
Binigyang-diin naman ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Undersecretary Lorraine Badoy, National Task Force – Ending Local Communists Armed Conflict (NTF-ELCAC) spokesperson ang masamang idinudulot ng mga paglabag ng CPPNPA-NDF sa International Humanitarian Law.
“Madami pang mga batang katutubo na pinaghahanap ngayon dahil sa kagagawan ng mga grupong terorista. Maraming mga magulang ang hanggang ngayon, hindi nakakatulog ng maayos sa gabi dahil pinaghahanap pa nila yung anak nila na ginagamit ng mga New People’s Army para sa kanilang katiwalian,” banggit ni Badoy. (JPG/ PIA-Agsuan del Sur)