1 minute read
COVID-19 VACCINATION ROLLOUT SA LUNGSOD NG BISLIG, MAGPAPATULOY NGAYONG ARAW
Nagpapatuloy ngayon ang isinasagawang COVID-19 Vaccination Rollout sa dito sa lungsod.
Batay sa ipinalabas na impormasyon mula sa pamahalaang lungsod ng Bislig, napag-alaman na magkakaroon ng pagbabakuna simula ngayong araw, Lunes, Setyembre 20, hanggang sa araw na Huwebes, Setyembre 23, para sa 1st at 2nd dose ng Sinovac at AstraZeneca Vaccines. Target umano na mabakunahan ang mga nasa Priority Group A1, A2, A3, A4, at A5. Isasagawa ito sa may Bislig City Cultural and Sports Center mula alas – 8 ng umaga hanggang alas – 5 ng hapon. Wala namang nakatakda na vaccination sa darating na Biyernes.
Advertisement
Kaugnay nito, inabisuhan ang lahat na gustong magpabakuna na magdala ng sariling alcohol, ballpen, pagkain, at tubig. Maliban dito, muli rin silang pinaalalahanan para sa mahigpit na pagsunod sa mga minimum public health protocols sa kanilang pagpunta sa vaccination center.
Samantala, batay naman sa pinakahuling COVID-19 Update ng nasabing lungsod kahapon, Setyembre 19, aabot na sa 189 ang bilang ng mga aktibong kaso sa nasabing sakit ang naitala ngayon matapos madagdagan ng 18 na mga bagong kaso at apat na recoveries.
Dahil dito, umakyat na sa 1,670 ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso ang naitala nito habang 1,389 naman ang recoveries. Nananatili naman sa 92 ang bilang ng mga nasawi. (DXJS RP-Tandag/PIA-Surigao del Sur)