1 minute read
Mapanlinlang na Sining
Perpektong tingnan nang iyong sinimulan, Ang administrasyong inakalang kalugmukan ay matatahan, Sabi nila, isang obra maestra ang magiging resulta, Ngunit sa proseso ng paglikha’y balde- baldeng dugo pala ang dadanak
Isa ka talagang mahusay na manghahabi, Pinagsalit-salit mo ang paayon na mga pangako at pahalang na sabi- sabi, Ipinakita mong hawak mo ang magkabilang dulo ng sinulid, Sa likod pala’y nakakubli ang putol na daan patungo sa matuwid.
Advertisement
Inilatag mo sa harap ng karamihan, Ang magarbong produkto na ni walang bahid ng karumihan, Puno ng masisilaw at makukulay na mga disenyo, Naakit nga ako, ngunit bakit nang sinubukan kong hawakan ay biglang naging abo?
Hindi habang buhay matatago mo ang mga butas, Matatagpian mo pa sa ngayon ngunit may pangil ang batas. Sabihin mo mang may hawak kang malakas na kapangyarihan, Pero alalahanin mo rin, hindi lang ikaw ang marunong manghabi dito sa bayan.
Cera Angely Rizardo