Radio Bits (Jan.2014)

Page 1

Issue No. 01 S/2014

Kalipunan ng mga impormasyong tinipon at sinulat para sa mga newscasters at broadcasters sa mga himpilan ng radyo sa buong bansa para sa kaalaman ng sambayanang Pilipino.

 Tips sa epektibong paggamit ng oras Mahalaga ang oras lalo na sa mga taong maraming ginagawa. Ang sabi nga nila kapag ang oras ay lumipas na, hindi mo na ito maibabalik. Ngayong bagong taon, marami ang nais magkaroon ng time management sa trabaho o maging sa personal na buhay. May iba’t ibang sistema upang magawa ang time management. Narito ang ilang tips: • Magkaroon ng “daily” o “weekly” to-do list. Epektibo itong gawin sa trabaho o maging ng mga magulang na maraming ginagawa. Ang paglilista ng mga gagawin ay magiging gabay mo sa buong araw o buong linggo. Lagyan ng adjustment ang mga oras ng gawain para kung may mabago man, hindi masisira ang kabuuang schedule. • Tukuyin ang pinakamahalagang gawain. Hindi lahat ng gawain na nasa to-do list ay may pantay na kahalagahan. Ilagay sa priority ang mga task na sa tingin mo ay pinakamahalaga. Alisin na ang mga gawaing hindi mahalaga o mga gawaing hindi naman importante ngunit nakasanayan mo na lang gawin. Lagyan ng tanda ang mga gawaing madali o kayang gawin nang mabilisan. Minsan kung ano pa ang sinasabing madaling gawin, ito pa ang nakaliligtaan dahil lagi itong hinuhuli. Ngayong taon, sanayin ang sarili na kung kaya nang tapusin agad ay gawin na. • I-review ang oras na nagagamit sa bawat gawain. Alamin kung gaano katagal o kabilis ang oras na nilalaan sa gawain. Dito malalaman kung nabibigyan ba ng sapat na oras ang bawat gawain.

 Tips para maging maayos ang personal finances Kung mayroong formula para hindi maging problema ng mga consumers ang pagbudget ng kanilang pera, siguro marami na ang pumila para rito. Ngayong 2014, dapat mas maging matalino na sa paghawak ng mga bagay na pampinansyal upang hindi ito maging suliranin sa hinaharap. Sundin ang mga sumusunod na tips: • Magkaroon ng goal. Isulat ang tiyak na mga plano sa buhay at sa pera. Ang pagpaplanong magkaroon ng sariling bahay, magsimula ng pamilya, o magbago ng career path ay may malaking impluwensiya sa pinansiyal na aspeto. Kapag nailista mo na ang mga goals mo, gawin mo na itong priority. Tukuyin mo na rin kung alin ang pinakamahalaga sa mga ito upang simulan mo nang pagtrabahuhan. • Gumawa ng plano at budget. Ang plano ay dapat naglalaman ng iba’t ibang hakbang upang maabot mo ang iyong goals. Mahalagang magkaroon din ng spending plan.

• •

Magstick sa budget. Laging i-check ang spending plan na ginawa. Malaking tulong ito upang malaman kung paano gagastusin ang pera mo. Iwasang umutang. Malaking hadlang ang pagkakaroon ng utang sa iyong financial goals. Bago pa man ang lahat, dapat ma-settle mo na ang iyong mga utang. Kapag natapos mo na itong bayaran, magkaroon na ng disiplina na hindi na mangungutang muli. Kung maaari ay huwag nang dalhin ang credit cards kung lalabas; mas makabubuti rin kung ipa-cut na lamang ito. Huwag matakot humingi ng financial advice. Siguraduhin lamang na ang taong hihingan nito ay may alam din sa mabuting paghawak ng mga bagay na pampinansiyal. Kung napalago na ang pera at naisna itong i-invest, maaari nang humingi ng tulong sa financial planner para iyong sa investment decisions.

 Mga nakasanayang gawain na kailangan nang iwasan sa 2014 Sa tuwing inuulit-ulit gawin ang isang bagay, nagiging habit na ito. Kasama na ito sa iyong behavioral pattern at mahihirapan ka nang tanggalin ito lalo na kung hindi ito positibo. Gayunpaman, bago simulan ang pagbabago dapat munang tanggapin sa sarili na mayroon kang mga bad habits. Narito ang ilang habits na dapat nang tanggalin sa sistema: • Pagstock ng mga pagkain na nalilimutan namang kainin. Likas na sa mga Pinoy ang bumili ng mga pagkain na ini-i-stock lamang. Dahil sa pagtatago ng mga ito, kung minsan ay nalilimutan ng kainin hanggang sa mag-expire at itatapon na lamang. • Paggastos nang mas higit sa kinikita. Isa ito sa madalas gawin ng mga consumers. Masyadong nabubulag ang iba sa mga materyal na bagay. Tandaan na ang mga magagandang materyal na bagay ngayon ay maaaring maging basura na sa mga susunod na taon. • Pagre-retail therapy sa tuwing malungkot o nadedepress. Huwag gawing dahilan ang lungkot upang gumastos nang malaki lalo na ang pagbili ng mga damit o sapatos na hindi mo pa naman kailangan. • Pagbili ng mga bagay na hindi naman kailangan. Madalas kapag namamasyal ang tao at may dalang pera, hindi naiiwasang bumili ng kung ano man ang makita. ‘Yung iba ay nakagawian na ang may mabili lang. Dapat magkaroon na ng disiplina.

 Tips para mas maging malusog ngayong 2014 Kasama sa pagpapaunlad ng sarili ang pagpapanatili ng magandang kalusugan. Simulan ang taon na may malusog at malakas na pangangatawan.


Narito ang ilang tips upang mas mapaunlad ang sarili: • Mag-ehersisyo. Marami na ngayong iba’t ibang workout na pwedeng pagpilian. Mamili kung saan mas magiging kumportable at mapabubuti ang sarili. Maaari ring kumunsulta sa health experts upang malaman ang tamang workout para sa iyong katawan. Maganda rin kung kasama mo ang pamilya o mga kaibigan sa pagwo-workout. • Kumain ng mas masusustansyang pagkain. Iwasan na ang mga pagkaing nakakasama sa katawan. Iwasan na rin ang pagkain sa mga fast food. Ugaliin na ang pagkain ng prutas at gulay. • Iwasan na ang mga bisyo. Panahon na para tumigil sa paninigarilyo at labis na pag-inom. Hindi kailangang biglain ang sarili sa pagtanggal agad nito sa iyong sistema. Ang sabi nga nila one step at a time. • Iwasan ang stress. Parte ng buhay ang pressure at mga problema. Ngunit ang sobrang stress ay nakasasama sa kalusugan. Huwag masyadong maging subsob sa trabaho, iwasan na ang pagpupuyat, at lumayo sa mga taong nagdudulot sa ’yo ng stress.

 Mga tips sa pagpapalago ng pangarap na negosyo Karamihan sa gumagawa ng “New Year’s Resolutions” ay nais ng pagbabago sa sarili. Tulad nito, maaari ring subukan at simulan ang pag-iisip ng mga paraan sa pagtatayo o pagpapatibay ng mga pangarap na negosyo. Hindi lamang ang mga katangian ang mababago; maaaring mabago rin nito ang pamumuhay. Narito ang ilang mga tips sa pagpapalago ng negosyo: • Alamin ang iyong pangarap. Hindi ba’t libre lang ang mangarap? Malay mo, sa simpleng negosyo na iyong naiisip, mapabilang ito sa isa sa mga malalaki at kilalang negosyo sa darating na mga panahon. Sa kabilang banda, maaari rin naman na isaalang-alang ang kagustuhan mong higit na makatulong sa mga nangangailangan kahit na maliit lang ang kita ng iyong negosyo. • Isulat ang iyong mga bisyon, misyon, at layunin. Ang pagbuo ng mga ito ay magbibigay ng mas malinaw na mga paraan sa pagsasakatuparan ng iba’t ibang mga pangarap. Nagsisilbi rin itong gabay sa paggawa ng mga hakbang upang ipagpatuloy ang mga positibong gawain na magpapaunlad sa negosyo. • Alamin ang saligan ng iyong negosyo. Mayroon ka bang libangan o sapat na kaalaman? Alin man sa dalawang aspetong ito ay makatutulong upang maitaguyod ang sariling negosyo. Mas makabubuti kung pagsasamahin ang dalawa upang mapanatili ang nasimulan na dahil ang mga bagay

ay nagtatagal sa atin kung gusto at kaya nating hawakan. Ipunin ang lahat ng kita ng negosyo. Paikutin ang iyong nasimulang puhunan at isama rito ang mga naipon mong kita. Ang dagdag na kita ay hindi nangangahulugan na dagdag sa panggastos ng pamilya. Maaaring itabi rin ang malaking bahagi ng iyong kita kung nais mong magtatag ng karagdagang tindahan o iba pang uri ng negosyo. Turuan ang iba pang miyembro ng pamilya. Ito ay nangangahulugan na kasali ang bawat isa sa pagtupad ng pangarap na negosyo. Mas marami ang mga ideya kung mas marami ang nag-iisip ng mga magagandang paraan. Tiyak din na tatagal ang negosyo sa mga susunod pang taon kung ito ay kayang ipagpatuloy ng mga nakababatang miyembro ng pamilya.

 Mga tips sa pagpaplano ng tagumpay Ngayong alam mo na ang mga tips sa pagpapalago ng pangarap na negosyo, narito naman ang mga paraan sa pagpaplano ng tagumpay: • Alamin ang business model ng iyong negosyo. Ito ay naglalarawan kung saan at paano mo ito patatakbuhin, mga pamamaraan sa pag-abot o pagkuha ng iyong mga konsyumer, at kung paano kikita ang iyong negosyo. • Bumuo ng business plan. Alamin ang mga hakbang sa pagbuo ng isang maayos at organisadong business plan. Sa ganitong paraan, magkakaroon ng direksyon ang bawat hakbang na tatahakin. Gumawa ng iba’t ibang klase ng plano upang madaling matugunan ang kahinaan ng naunang plano. • Gumawa ng marketing plan. Alamin ang mga paraan upang magkaroon ng mga mamimili at suki. Gawing layunin na mapasaya at makuntento ang mga konsyumer upang naisin nila na bumalik o hanapin ang produkto o serbisyong hinahatid sa kanila nang maayos. • Gumawa rin ng production plan. Alamin ang mga hakbang sa pagkuha ng mga mas murang materyales at mga paraan kung paano makatitipid. Dahil dito, maliit lamang ang mababawas sa puhunan at mas malaki ang kikitain. • Isaalang-alang ang oras. Ang bawat minuto ay mahalaga. Gamitin ang mga ito sa mga kapaki-pakinabang ng mga gawain sa pagpaplano ng tagumpay. • Tiyakin na legal ang negosyo. Higit na magtatagal ang negosyo kung ito ay nasimulan sa maayos na pamamaraan. Irehistro ang pangalan ng negosyo upang hindi na mapunta pa sa iba. Magbayad din ng mga kailangang permit at buwis.

Produced by: Department of Trade and Industry -Trade and Industry Information Center. 2F Trade and Industry Bldg., 361 Sen. Gil J. Puyat Ave., 1200 Makati City. Telefax: (02) 895.6487. To subscribe, e-mail: publications@dti.gov.ph


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.