Radio Bits (Apr2013)

Page 1

Issue No. 04 S/2013

Kalipunan ng mga impormasyong tinipon at sinulat para sa mga newscasters at broadcasters sa mga himpilan ng radyo sa buong bansa para sa kaalaman ng sambayanang Pilipino.

 Tips para sa makakalikasan at pambatang summer Ang summer vacation ay mahabang panahon ng pahinga mula sa eskwela. Masasabing ito rin ay panahon para sa iba’t ibang recreational activities. Kaya naman, samantalahin ang bakasyon upang imulat ang mga bata sa usaping pang-kalikasan. Narito ang ilang tips kung paano ito isasagawa. • Green storytelling. Mamili ng mga kwentong tungkol sa pangangalaga ng kalikasan. Maaaring gumamit ng mga makukulay na drawing at i-impersonate ang mga karakter upang higit na makuha ang interest ng mga bata. • Magsagawa ng mga outdoor activities. Turuan ang mga bata ng mga larong Pinoy gaya ng patintero, piko, luksong baka, at iba pa. Makatutulong ito upang mabawasan ang oras nila sa paglalaro ng mga gadgets. Makababawas din ito sa konsumo ng kuryente. • Gawin silang mga bayani ng kalikasan. Gawing EcoScouts ang mga bata na magbabantay sa kalikasan. Magsagawa rin ng tree planting at clean-up drive. Maaaring bigyan ng mga “badges” ang mga bata kapag may nagawa silang mabuti para sa kalikasan. • Magsagawa ng EnviroArt class. Hikayatin ang mga bata na magpinta at humubog gamit ang clay na ang tema ay pagmamahal sa kalikasan. Pagamitin sila ng mga indigenous at natural na pangkulay gaya ng coffee beans, karots, duhat, at leaf pigments. • Maging music genius. Bumuo ng banda kung saan ang kanilang mga instrumento ay mula sa mga recycled na bagay. Halimbawa, gawing tambourine ang mga tansan, drum sets ang mga lata, gitara ang mga pisi, at flute ang tubo ng tubig. Isipan sila ng magandang pangalan gaya ng Toy Band, Trash No More o May Musika sa Basura. • Gumawa ng costume gamit ang mga recycled na bagay. Maaaring gumamit ng lumang dyaryo, plastics, at mga home decorations na di na ginagamit upang makagawa ng costume at headdress. • Magsagawa ng Green Parade. Upang higit na mapaigting ang makakalikasang kampanya, magsagawa ng parada kung saan ang mga bata ay nakasuot ng kanilang ginawang costume. Maaari ring i-eksibit ang kanilang mga art projects at bigyan ng mini-concert ang nabuong banda.

 Paano igagawa ng sariling P-R ang negosyo Ang public relations o P-R ay isa sa mahalagang salik para sa ikatatagumpay ng negosyo. Kaya naman, narito ang ilang tips kung paano magsasagawa ng sariling P-R para sa negosyo. • Step out of your comfort zone. Huwag matakot na sumubok ng ibang paraan upang higit na

mapagbuti ang P-R. Dapat ay regular na nakakaisip ng mga bagong ideya upang patuloy na maging “attractive” sa publiko. Ipakilala ang sarili sa mga events. Kung dadalo sa mga conference, seminars, at trainings, mainam na makipagkilala sa ibang participants. Maaari silang makatulong sa darating na mga panahon. Humanap ng katulad na produkto. Ipinapayong makipagkilala sa ibang entrepreneur na nasa kaparehong linya. Sa ganitong paraan, kapwa higit na mapapalawak ang kakayahan at magkakaroon ng pagkakataong makapagpalitan ng karanasan. Gumawa ng emotional connection. Ang pagkakaroon ng emotional connection ay isang mabuting paraan upang ipakita ang sinseridad. Makatutulong din ito upang maging madali ang pagbuo ng isang magandang relasyon.

 Pagsisimula ng negosyong pagkain Ang pagkain na marahil ay isa sa mga patok na maaaring i-negosyo, kaya naman narito ang mga hakbang kung paano ito sisimulan: • Isaalang-alang ang sariling kakayahan. Laging tandaan na kapag nagsimula ng negosyo, dapat ay tuluy-tuloy sa paghahanap ng mga oportunidad. Kailangan din na ipagpatuloy ang pagpupursigi at tiwala sa sarili. • Piliin ang lugar na pagtatayuan. Maging mabusisi sa magiging pwesto ng negosyo. Isaalang-alang ang mga posibleng kakumpitensya. Kumalap din ng mga impormasyon ukol sa industriya ng pagkain. Pahalagahan ang kultura, ugali, at gusto ng mga mamimili. Tingnan din kung angkop sa planong negosyong pagkain ang kapaligiran. • Pagpili ng mga produkto. Maging tiyak sa uri ng pagkaing ihahanda. Nakadepende ito sa lugar na pagtatayuan at kakayanan ng mga tao. Halimbawa, kung magtatayo sa isang business district, mainam ang karinderia o cafeteria, samantalang bakery at pre-packed na pagkain naman sa mga residential area. Kung malapit naman sa paradahan ng tricycle, jeep, o bus, pwede ang bulaluhan, gotohan, at mamihan. • Pagbubuo ng plano ng negosyo. Isaalang-alang ang pamamahala sa negosyo, produksyon, pagtitinda, at pinansiyal na aspeto. • Paglikom ng puhunan at mapagkukunan ng kapital. Maaaring ikunsidera ang mga kooperatiba, mga sanglaan, micro-finance institutions o M-F-Is, non-government organizations o N-G-Os, mga bangko, mga ahensya ng gobyerno, o maging sa lokal na pamahalaan. Siguraduhin din na magkakaroon ng maayos na iskedyul ng pagbabayad. • Pagrerehistro ng negosyo. Unang iparehistro ang pangalan ng negosyo sa Department of Trade


and Industry o D-T-I kung sole proprietor o sa Securities and Exchange Commission o S-E-C kung partnership at korporasyon. Isunod ang pagkuha ng barangay permit at Mayor’s Permit tulad ng business permit, sanitary permit, at health card mula sa munisipyo. Isunod ang pag-uupdate o pagpaparehistro sa Bureau of Internal Revenue o B-I-R para sa pagbabayad ng buwis. Ipinapayo rin na ipasuri sa Food and Drug Administration o F-D-A ang mga produktong pagkain. Kung lima o higit pa ang magiging tauhan, kumuha ng number sa Social Security System o S-S-S para sa kontribusyon at magpatala sa Department of Labor and Employment o DOLE. Pagpapalawak ng kaalaman at kakayahan. Makabubuti rin na bago simulan ang pagnenegosyo ay lumahok sa mga libreng seminars at trainings upang higit na mapalawak ang kaalaman at kakayahan. Ang ilan sa maaaring lahukan ay food micro-business management, food hygiene and sanitation, systems installation, meal planning and food processing, food presentation, packaging, at labelling.

 Paano mapapagbuti ang business plan Ang business plan ay isang mahalagang salik sa pagnenegosyo. Maganda rin itong balikan upang ipaalala ang mga bagay na maaaring nakalimutan. Narito ang ilang bagay tungkol sa paggawa ng business plan: • Alamin ang target market at ang dahilan nila ng pagbili. Dapat na malinaw sa business plan ang mission at vision ng serbisyo o produktong ilalatag sa pamilihan. Ang negosyo ay dapat tutugon sa pangangailangan ng kostumer. • Maging malinaw kung ano ang ibebenta. Maging tiyak kung saang linya ihahanay ang negosyo. Makatutulong din na alamin kung ano ang patok at bago. Kailangan din ng novelty upang higit na makaakit ng kostumer. Patuloy ring paunlarin ang serbisyo o produkto upang mapansin. • Huwag maging “Jack of All Trades”. Mahalagang maging malinaw kung ano ang ibinebenta. Mahirap ang maging jack of all trades and master of none dahil baka magkaroon ito ng negatibong impact sa paglago ng negosyo. Dapat ay magkaroon ng “specialty” kung saan ito ang magpapasikat sa negosyo.

 Para sa abot-kayang bakasyon ngayong tag-araw Sa tindi ng init ngayong tag-araw, karamihan ay naghahanap ng mapagbabakasyunan. Kasabay ng isang nakakarelaks na bakasyon ay ang nakaka-stress na gastos. Kaya naman, narito ang ilang tips para sa mas matipid na bakasyon: • Isama sa listahan ang mga kaibigan. Samantalahin ang summer upang makipagkita sa mga kaibigang matagal nang hindi nakakasama. Uso rin ngayon ang reunion

ng mga dating magkakaklase kaya huwag mag-atubiling pumunta at sumali. Pag-ipunan ang bakasyon. Dapat na pinag-iipunan ang bakasyon upang hindi masakit sa bulsa. Makatutulong din ito upang maiwasan ang paggamit ng credit cards at hindi manghihinayang sa magiging utang. Iwasan ang mga matataong resort. Mag-explore sa mga lugar na hindi pa masyadong dinarayo tuwing bakasyon. Maaari ring subukin ang mga hotel na mayroong mga facility kagaya ng swimming pool, gym, at recreation areas. Ikunsidera ang mga cruises. May mga cruising company na nagbibigay ng all-inclusive packages kung saan kasama na ang meals at board and lodging sa discounted price. Ang ibang promo naman ay nagbibigay ng freedom sa mga pasahero para sumubok ng ilang programa upang maging mas relaxing ang cruise. I-maximize ang mga discount na maaaring makuha. Kung may kasamang senior citizen o estudyante, maaari silang maka-avail ng discount sa hotel at transportation cost. Kung nakakuha naman ng promo o gift certificate, maaari itong gamitin upang lalong makatipid.

 Tips sa telemarketing Hindi madali ang maging isang telemarketer dahil nangangailangan ito ng mahabang pasensya at matalas na memorya. Kaya naman narito ang ilang tips kung nasa ganitong industriya: • Ang bawat araw ay bagong simula. Huwag hayaang bumaba ang fighting spirit dahil sa mga hindi magagandang karanasan sa trabaho. Maaaring mahirap sa simula, subalit huwag hayaang makaapekto ito sa future. • Makipag-usap sa kliyente nang maayos. Maging kalmado at patuloy na maging magalang. Kung sa una ay tumanggi ang kliyente, maglatag ng bagong proposal. Subalit huwag ng maging mapilit kung talagang ayaw ng kliyente. Linawin ang paliwanag sa mga dapat nilang malaman. • Iwasan ang magpaliguy-ligoy. Ipagpalagay na ang kliyente ay maraming ginagawa, kaya naman iwasan ang mahahabang usapan. Sabihin agad ang pakay at gawing maiksi ang paglalatag ng sales process. • Laging i-clarify ang napag-usapan. Dahil mahirap ang pakikipag-usap sa telepono, hindi maiiwasan ang miscommunication. Bago i-close ang deal, i-verify muna ito upang higit na makasiguro. • Ang telemarketing ay umiikot din sa numero. Asahan nang hindi lahat ay makukumbinsing mag-yes. Kadalasan ay mas marami ang “no” o tumatanggi. Mas mainam kung marami ang tatawagan upang makakuha ng mas maraming order.

Produced by: Department of Trade and Industry -Trade and Industry Information Center. 2F Trade and Industry Bldg., 361 Sen. Gil J. Puyat Ave., 1200 Makati City. Telefax: (02) 895.6487. To subscribe, e-mail: publications@dti.gov.ph


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.