Radio Bits (Apr.2014)

Page 1

Issue No. 04 S/2014

Kalipunan ng mga impormasyong tinipon at sinulat para sa mga newscasters at broadcasters sa mga himpilan ng radyo sa buong bansa para sa kaalaman ng sambayanang Pilipino.

 Mga patok na activities ngayong tag-araw Hindi na lamang mga kabataan ngayon ang nahihilig sa mga bagong gawain ngayong summer. Maging ang mga matatanda o mga nagtatrabaho na ay dapat mayroon ding mga extra curricular activities o ibang pagkakaabalahan bukod sa trabaho upang mas mahasa ang kanilang pakikipagkomunikasyon at magkaroon sila ng mga bagong kaalaman o skills. Narito ang ilang mga tips: • Mag-enrol sa cooking o baking class. Halos lahat ng tao ay mahilig kumain. Kung kabilang ka sa grupo ng hindi pa rin marunong magluto, maaari mo na itong paglaanan ng oras ngayong summer. Patok ngayon ang pag-bake ng mga cookies at cupcakes. Maaari pa itong pagkakitaan. Kung kapos sa budget, maaari namang magpaturo sa kapamilya o kaibigan na marunong magluto. Magiging mas masaya rin ito kung mag-iimbita ng iba pang mga kaibigan. • Mag-aral ng arts and crafts. Ang pagbuo ng proyekto na mula sa mga maliliit na bagay na akala ng iba ay hindi na mapakikinabangan ay nakapagbibigay rin ng saya. Isang paraan din ito upang magkaroon ng sariling negosyo at kumita mula rito. Ang pag-aaral tungkol sa arts and crafts ay makatutulong din upang mas maging artistic. • Subukin ang mga pisikal na mga activities. Maaaring subukin ang swimming, boksing, yoga o mga workouts na makatutulong upang mas maging masigla at malusog ang katawan.

 Tips para sa mga may balak magfreelancer Ang pagsabak sa freelance na mga trabaho ay tulad ng entrepreneurship. Maaaring maging matagumpay sa pagtanggap ng freelance na mga trabaho; may iba naman na nahihirapan dahil hindi kayang pagsabayin ang mga gawain. Narito ang ilang mga tips para kumita at maging kumportable sa pagtanggap ng mga freelance jobs. • Alamin at hanapin ang iyong market. Karamihan sa mga sumasabak sa mga freelance na trabaho ay mga artists, manunulat, designers, at iba pa. Magsimula sa gawain na alam mong eksperto ka at mabibigyan ng kredibilidad ang iyong trabaho. Halimbawa, kung ikaw ay isang manunulat na maraming alam sa technology at gadgets, humanap ng posibleng kliyente sa ganitong industriya. Kapag naging stable na, mag-invest para sa sarili at subukin maging eksperto sa iba pang larangan. Mas makabubuti rin sa isang freelancer ang pagkakaroon ng kaalaman sa iba’t ibang bagay dahil magiging mas malawak ang market. • Maging makatwiran sa rate na ibibigay. Tiyaking sang-ayon sa kagustuhan ng customer ang rate na ibibigay ngunit hindi rin naman ito dapat sobrang baba na lugi ka naman. Maging makatwiran sa iyong rate at matutong makipag-negotiate kung kinakailangan.

Matutong magbudget. Magkaroon ng monthly goal sa kikitain at siguraduhin na may kikitain galing sa mga proyekto. Magkaroon ng target savings kada buwan at pagtrabahuhan upang maabot ito. Iwasan ang mga sagabal at manatiling focused sa trabaho. Piliin ang mga posibleng kliyente at maging mabait sa kanila. Ang kadalasan sa mga nagsisimulang freelancers ay hindi pa masyadong namimili ng mga proyekto. Ngunit kung nagkaroon na ng mga stable na kliyente, maaari nang tumanggi kung hindi talaga kaya ng schedule. Maging matapat sa mga customers. Sa simula pa lang ay sabihin na ang kayang deadline sa ibinibigay nilang trabaho.

 Tips sa pagkakaroon ng customers Marami ang kakumpitensiya sa pagnenegosyo kaya nararapat lamang na marunong manghikayat at makapagpanatili ng mga tapat na customers lalo na ang mga kumpanyang nagsisimula pa lang. Narito ang ilang tips na maaaring makatulong dahil isa sa buhay ng negosyo ang mga kliyente at mamimili: • May mataas na kalidad ang produkto. Kailangan sigurado ka na mapakikinabangan, maayos, at maganda ang mga produkto o serbisyo na ilalabas. Isipin ang kalidad at standard nito. • Huwag gumawa ng pangako na hindi naman matutupad. Iwasan ang pagsisinungaling upang makakuha lamang ng mas maraming kliyente. Ang pagiging tapat sa kanila ay maaari pang makadagdag sa pagkakaroon ng mga mas loyal na customers. • Alamin ang target market. Mas magiging madali sa negosyo kung may specific target audience ang mga produkto at serbisyo. • Makinig sa mga customers. Mas makabubuti ang pagkakaroon ng mga comments at suggestion boxes upang malaman mula sa mga customers kung sila ba ay natutuwa pa sa inyong mga produkto o serbisyong inihahatid sa kanila. • Gamitin ang social media upang mas makilala ang mga produkto o serbisyo. Maganda ito sa pagkakaroon ng brand awareness at pagkakakilanlan. • Gamitin nang mabuti ang pera. Huwag maging pabaya. Sa tuwing nagkakaroon ng kita ang negosyo, gamitin ito nang maayos. Kung mayroon mang sosobra rito ay gamitin sa pag-invest para sa marketing ng kumpanya. • Mag-explore, magresearch, o mag-aral pa ng mga bagay na makatutulong sa pag-unlad. Sa mabilis at modernong panahon, dapat mag-aral at matutong mag-innovate. Walang kasiguraduhan na ang pinakamabentang produkto ngayon ay magiging pinakamabenta pa rin sa mga susunod na buwan. Matutong magventure ng bagong mga ideya na hindi pa rin mawawala ang pagkakakilanlan ng orihinal na produkto.


 Mga tips upang maiwasan ang pyramiding scams Dapat na maging alerto ang publiko at huwag magpapadala sa mga kaibigan at estranghero upang hindi mabiktima ng iba’t ibang uri ng panloloko o scam. Karaniwang ang panloloko tulad ng pyramiding scam ay nagtataglay ng nakasisilaw na mga pangako tulad ng malalaking interes sa ilalagak na mga puhunan at mabilis din ang kita. Narito ang ilang mga tips upang hindi mabiktima ng mga scams: • Alamin kung nakarehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC) ang entity. Maaaring magtanong sa SEC upang masiguro kung legal na nakarehistro ang negosyo. Basahing mabuti ang SEC registration dahil maaaring ibang produkto o serbisyo ang inirehistro at hindi ang mismong pyramiding scheme. • Kilalanin ang Direct Selling Association of the Philippines (DSAP). Ang mga kumpanyang nabibilang sa asosasyon na ito ay mga halimbawa ng mga maaari nating maging gabay upang maiwasan ang scam. Ang kanilang sistema ay legal at naaayon sa batas. • Tandaan na hindi sa dami ng na-recruit ang paraan upang kumita nang malaki. Ang mga miyembro ng isang legal na kumpanya ay maaaring kumita nang malaki sa pagbebenta ng mga produkto kahit na walang naipapasok na mga recruits o mga bagong miyembro. • Maging mapanuri. Hindi na mahalaga sa mga pyramiding scams ang pagpapakilala ng kalidad ng produkto na inihahain sa kanilang mga kliyente o mga hinihikayat nilang isali kaya alaming mabuti ang sistema ng kumpanya upang matiyak na hindi scam ang sasalihan. • Huwag tularan ang iba o huwag magpadala sa inggit. Isa itong dahilan kung bakit marami ang nahuhumaling na sumali. Pag-aralang mabuti ang iniaalok ng mga kakilala o kaibigan bago tanggapin ang imbitasyon na sumali rito. • Iwasan ang kumapit sa patalim. Marahil ang iba ay nagmamadaling kumita nang mas malaking pera lalo na kung kinakailangan. Gayunpaman, huwag isugal ang naipon para sa isang bagay na hindi siguradong maibabalik ang puhunan.

 Tips sa matalinong pagbili online Sa modernong panahon ngayon, mas marami na ang sumusuporta sa online shopping. Karamihan sa mga mamimili ay masyadong abala kung kaya wala na silang panahon upang pumunta at mamili sa mga malls. Mas madali ang pamimili dahil hindi na kailangang pumila nang mahaba sa mga kahera. Gayunpaman, kasama ng convenience dulot ng online transactions ang mas maraming oportunidad na maloko. Narito ang ilang mga tips sa matalinong pagbili online: • Bumili lamang sa mga trusted websites. Mas magandang mamili sa mga online sites na kilala na sa larangan ng online shopping. Siguraduhin din na tama ang website na pagbibilhan dahil maraming mga pagkakataon ang mga bogus websites ay gumagamit ng mga pangalan at disenyo na halos katulad ng mga pinagkakatiwalaang websites.

Huwag magbigay ng mga pribadong impormasyon. Bago bumili ng kahit anong bagay sa online, siguraduhin muna ang mga impormasyon na ibibigay sa seller. Huwag din ibibigay ang mga impormasyon na nakalagay sa iyong credit card sa pamamagitan lamang ng e-mail. Hindi rin dapat ibigay ang petsa ng kaarawan o ano pang security numbers dahil maaaring mahack nila ang iyong credit card. Magresearch. Bilang mamimili, tungkulin mong maging mapanuri sa mga websites na nais mong pagbilhan. Huwag magpadala sa sinasabi ng nakararami. Magtanong sa mga kaibigan o kakilala na alam mong madalas na nag-o-online shopping. Huwag maakit sa murang bilihin online dahil may posibilidad na ito ay peke. Ikumpara ang presyo ng iba’t ibang sellers at isiping mabuti kung saan ka makatitipid na hindi mababalewala ang kalidad ng produkto. Huwag bumili gamit ang mga pampublikong computers. Gamitin ang sariling computer sa pagbili online dahil mas madaling makakuha ng mga impormasyon ang mga masasamang loob sa mga Internet shops/cafés. Kung hindi naman maiiwasan, maging higit na maingat na lang sa bawat impormasyon na ibibigay.

 Ilang paraan para makatipid sa pagbili ng mga produkto Ang mga matataas na presyo ng bilihin ay hindi nagbibigay ng katiyakan na higit na maganda ang kalidad ng produkto. Mayroong mga kagamitan na mabibili sa mas mababang halaga ngunit kayang tapatan o kung minsa’y higitan pa ang kakayahan ng kapareho ngunit mas mahal na produkto. Narito ang ilang mga tips para makatipid sa pagbili ng produkto: • Bumili nang maramihan. Subukin ang wholesale discount upang mas makatipid. Gayunpaman, gawin lamang ito kung may mataas na pangangailangan sa produkto upang mapakinabangan ang mga ito at masulit ang discount. • Magtanong sa iba’t ibang tindahan. Ang halaga ng mga produkto ay depende sa tindahan. Magtanong muna sa ilang tindahan bago bumili. Maaari ring alamin ang presyo nito sa mga websites para sa dagdag na gabay. • Alamin ang mga freebies at discount programs. Tingnan at basahin nang mabuti kung ano ang mga libreng promo ng bibilhin. Maraming kumpanya ang nagbibigay ng mga promotions para makilala ang kanilang mga produkto. • Hanapin ang Import Commodity Clearance (ICC) o Philippine Standard (PS) marks. Patuloy na pinaaalalahan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga konsyumer na bumili ng mga produkto na mayroong ICC o PS marks dahil ang mga produktong ito ay siguradong pumasa sa safety standards kaya sigurado rin na mas matagal ang panahon na mapakikinabangan ang mga ito. Kung nagdududa na peke ang ICC o PS mark, mag-report sa DTI Direct 751.3330.

Produced by: Department of Trade and Industry -Trade and Industry Information Center. 2F Trade and Industry Bldg., 361 Sen. Gil J. Puyat Ave., 1200 Makati City. Telefax: (02) 895.6487. To subscribe, e-mail: publications@dti.gov.ph


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.