Radio Bits (Aug2013)

Page 1

Issue No. 08 S/2013

Kalipunan ng mga impormasyong tinipon at sinulat para sa mga newscasters at broadcasters sa mga himpilan ng radyo sa buong bansa para sa kaalaman ng sambayanang Pilipino.

 Mga paraan ng paghahanda sa bagyo Hindi natin matitiyak kung kailan magaganap ang bagyo bagaman may mga ibinibigay na babala ang mga ahensya ng gobyerno. Higit sa lahat, hindi natin masasabi kung ano ang maaaring maging dulot nito tulad ng matinding baha at pagkasira ng ating mga ari-arian. Narito ang ilang mga paraan ng paghahanda anumang oras kinakailangan. • Iwasan ang panic buying. Huwag makipagsiksikan sa mga tindahan o supermarkets sa mga ganitong panahon. Ugaliin ang unti-unting pag-iimbak ng mga de-lata at iba pang pagkain na matagal ang petsa ng pagkasira o expiration. Dagdagan ang mga binibili na maaaring itago at magamit sa oras ng pangangailangan. • Ihanda ang iba pang kagamitan. Maliban sa mga pagkain tulad ng bigas, noodles, at de-lata, magtabi rin ng mga emergency supplies gaya ng baterya ng flashlight, gas, kandila, banig, at kumot. Tiyakin na madali rin itong madadala sa biglaang paglikas mula sa inyong lugar. • Abangan lagi ang mga anunsiyo o alerto. Mahalaga na abangan ang mga balita at babala sa anumang uri ng komunikasyon upang malaman ang mga dapat gawin at kung ligtas pa ang inyong lugar o nararapat nang lisanin ito pansamantala. • Magkaroon ng listahan ng emergency telephone numbers. Ilagay ito sa tabi ng inyong telepono pati na rin sa inyong cellphone o sa anumang lugar na alam ng bawat miyembro ng pamilya. Tawagan ang mga ito kung nais humingi ng tulong sa mga pampublikong ahensya at pribadong grupo o magbigay ng impormasyon laban sa mga mapagsamantalang tindahan. • Alamin ang istruktura ng inyong tirahan. Upang maiwasan ang kapahamakang dulot ng masamang panahon, tiyakin na matibay ang pagkakagawa ng inyong bahay. Bumili ng mga materyales na pasado sa quality standards. Bago pa man dumating ang tag-ulan, alamin kung may mga dapat kumpunihin o higit na pagtibayin pa sa inyong tahanan. • Pumili ng lugar na pagtatayuan ng bagong bahay. Alamin kung saan mas ligtas magtayo ng inyong tirahan. Ang tabi ng mga bundok ay malapit sa mga sakunang dulot ng landslides. Samantala, ang mga mabababang lugar naman ay madaling binabaha. Suriing mabuti ang lugar.

 Mga tips sa paghawak ng pera Iba’t iba ang halaga ng kinikita ng bawat indibidwal. Ang ilan ay nakatatanggap ng malaking halaga o higit pa sa pangangailangan. Samantala, ang iba naman ay maliit at sapat lamang o kulang pa sa pang-araw-araw na gastusin.

Narito ang ilang mga paraan para sa tamang paghawak ng pera: • Pagpaplano sa paggamit ng pera. Lahat tayo ay konsyumer. Anuman ang makita natin na sa ating palagay ay kailangan natin ay ninanais nang bilhin. Sa aspetong ito, maging mapanuri sa pag-alam kung ang bibilhin ay pangunahing pangangailangan o kagustuhan lamang natin. • Alamin ang mga ginagastos at pumapasok na pera. Alamin kung ilan ang natatanggap kada buwan at tukuyin ang mga permanenteng gastos sa bawat araw. Mahalaga ito upang mabantayan kung saan nailalaan ang kinita at kung ito ba ay nagagamit sa mas kapaki-pakinabang na bagay kaysa sa mga di-gaanong mahahalagang bagay. • Mag-impok. Bago pa man gamitin ang regular na sahod o anumang kita, itago na ang ilang bahagi nito para sa ipon. • Ilagak ang ipon sa bangko. Higit na makabubuti na magbukas ng isang savings account upang mapanatiling ligtas ang pera. Maaari pa itong magkaroon ng interes. • Gamitin ang pera sa paraang produktibo. Tiyakin na ang ipon ay nakalaan lamang para sa oras ng kagipitan. Pinapayong dapat may ipon na katumbas ng anim na buwan na sweldo para sa emergency fund. Kung ito ay gagamitin para sa investment o pamumuhunan, nararapat din na sumali sa mga libreng trainings o seminars bago gamitin ang ipon. • Dagdagan ang kaalaman. Makinig sa radyo; manood ng telebisyon; o magbasa ng anumang babasahin tulad ng pahayagan, libro, o magasin tungkol sa mga usaping pinansiyal.

 Tips sa pagkakaroon ng home-based business Ang home-based business ay malaking tulong sa pamilyang nangangailangan ng karagdagang kita. Ang mga karaniwang negosyong naiisip ay sari-sari store, barbeque stand, water station, at marami pang iba. Mas makatitipid kapag nag-home-based business. Narito ang ilang mga tips upang magkaroon ng matagumpay na home-based enterprise: • Piliin ang parte ng bahay na magiging business area. Mahalaga na matukoy kung anong parte ng bahay ang gagamitin para sa negosyo. Ipaalam ito sa buong pamilya upang manatili pa rin ang privacy. • Gumawa ng business plan at pumili ng business name. Hindi kailangang pormal ang business plan na gagawin. Magsisilbi lamang itong gabay upang magkaroon ng motivation at mas maging buo ang loob sa pagpapatuloy ng negosyo.


Ang pipiliing business name ay dapat irehistro sa Department of Trade and Industry (DTI) bago gumawa ng signage. Kumuha ng business permit. Kahit nasa tahanan lang ang negosyo, kailangan pa ring kumuha ng business permit upang magkaroon ng legal identity. Kumuha nito sa inyong munisipyo o barangay. Lumapit sa Home Owner’s Association para sa mga requirements at iba pang prosesong dapat sundin kung ang bahay ay nasa loob ng subdivision. Ihanda ang kakailanganing kapital. Ilista lahat ng mga gagastusin para malaman kung magkano ang kapital na magagamit. Maglaan din ng contingency para sa mga biglaang gastusin. Mag-inventory. Alamin kung may mga bagay na matatagpuan sa loob ng bahay na maaari pang magamit upang hindi na bumili pa. Maaari ring may mapagkukunan o mabibilhan sa mas murang halaga. Magkaroon ng sistema sa negosyo. Maliit man o malaki ang negosyo, kailangan pa rin nito ng sistema upang maging maayos ang operasyon. Magtalaga ng record keeping, costing, at presyo ng produkto o serbisyo, at imbentaryo. Mag-aral ng manpower requirements. Madalas na ang may-ari rin ang tauhan sa home-based business. Gayunpaman, habang lumalaki ang negosyo, nangangailangan ito ng iba pang empleyado. Maging mapili sa pagkuha ng tauhan dahil malaki ang magagawa at maitutulong nila sa ikatatagumpay ng negosyo. Umisip ng mga oportunidad kung paano makikilala ang negosyo. Kahit home-based lang ang negosyo, hindi dapat mawala ang marketing effort. Ito ang magiging life force ng negosyo kung kaya dapat mas magkaroon ito ng malaking impresyon sa magiging mga mamimili. Alamin ang oras na magugugol sa negosyo. Linawin ang oras na itatakda para sa negosyo upang maipalam at maipaintindi rin sa mga kasama sa bahay.

 Mga dapat tandaan sa dealership venture Ang mga taong magaling makisalamuha sa iba at mahilig makipagkwentuhan ay madalas nababagay na maging dealer at nagiging matagumpay rito. Gaano man kaganda ang mga inaalok na dealer schemes, huwag maging padalus-dalos sa pagpasok dito. Mabuting alamin muna ang kumpanyang papasukan bago ang lahat. Narito ang mga dapat tandaan upang maging matagumpay sa ganitong scheme: • Saliksikin ang kumpanyang gustong salihan. Alamin ang legal history, performance, feedback, at personality sa kumpanyang interesado ka. Maaari itong malaman sa mga existing dealers. • Alamin at pag-aralan ang ibebenta. Bilang dealer, dapat naniniwala ka sa iyong produkto upang mabenta ito nang mas mahusay. • Maging wais sa benefits at mga kikitain. Huwag lamang isipin ang malaking kikitain para mas maintindihan ang iba pang mga impormasyon sa pagiging dealer.

Alamin din kung magkano ang magiging kabuuang puhunan para maging isang accredited dealer. Intindihing mabuti ang dealership agreement. Upang malaman ang iyong obligasyon bilang isang dealer, basahing mabuti ang dealership agreement form. Siguraduhing sang-ayon ka sa bawat stipulation na nakalahad.

 Marketing Tips Ang pagkakaroon ng maganda, matibay, at de-kalidad na produkto ay hindi lamang batayan ng isang matagumpay na negosyo.Mahalaga pa rin ang matalinong pag-promote nito sa target market. Dapat alam mong magbenta ng produkto sa tamang pwesto at presyo. Kailangan din na mayroon kang tamang marketing skills. Alamin ang mga sumusunod: • Tama ba ang produkto mo? Subuking magbenta ng produkto sa mga kamag-anak o kaibigan at hingin ang opinyon nila ukol dito. Pwede ring sumali sa mga trade fairs. Gumawa rin ng iba’t ibang uri ng presentasyon na naaayon sa iyong target market. Sumubok ding mag-venture ng ibang produkto. Halimbawa, sa pagtitinda ng buko pie ay maaari ring gumawa ng buko tart o iba pang produkto na ang sangkap ay buko. • Tama ba ang pwesto mo? Isa sa pinakamahalagang batayan ng pagkakaroon ng matagumpay na negosyo ang pagtukoy ng lugar na pagtatayuan nito. Iangkop ang pagbabagsakan ng produkto sa tamang target market. Dapat ding alamin ang mood ng mga taong dumaraan. Sila ba ay nasa lugar para mamili, kumain, o dumaraan lang? • Tama ba ang presyo mo? Dapat affordable sa target market mo ang presyo ng iyong produkto upang mas maging mabenta ito. • Tama ba ang promotion mo? Anu-ano ba ang iyong mga gimik para ma-ipromote ang negosyo? Mayroon ka bang flyers, radio o display ads, brochures, at kung anu-ano pa?

 Mga tips sa pagbabalanse ng oras Ang pagbibigay ng panahon sa negosyo ay mahalaga upang mapaunlad ito. Subalit, higit na makabubuti kung magkakaroon din ng sapat na oras para sa pamilya. Narito ang ilang tips upang maging balanse ang dalawang ito: • Sundin ang work routine. Hatiin ang oras habang tinitiyak na mabibigyan ng angkop na panahon ang negosyo at pamilya. Maaaring itaon ang pagtatrabaho sa panahong nasa paaralan ang mga anak. • Maghati ng mga responsibilidad. Kung mag-asawa ang nagpapatakbo ng negosyo, ang isa ay dapat full-time dito. Samantala, ang isa naman ay salitan sa pag-aalaga ng mga miyembro ng pamilya at pagtulong sa negosyo. • Turuan ang mga anak. Ang paghubog sa munti nilang kaisipan, tulad ng pagiging matulungin, ay magbibigay daan upang lumaking responsable ang mga bata. Makatutulong din sila sa pagpapatibay sa negosyo.

Produced by: Department of Trade and Industry -Trade and Industry Information Center. 2F Trade and Industry Bldg., 361 Sen. Gil J. Puyat Ave., 1200 Makati City. Telefax: (02) 895.6487. To subscribe, e-mail: publications@dti.gov.ph


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.