Issue No. 02 S/2013
Kalipunan ng mga impormasyong tinipon at sinulat para sa mga newscasters at broadcasters sa mga himpilan ng radyo sa buong bansa para sa kaalaman ng sambayanang Pilipino.
Ilang tips sa pagnenegosyo ngayong panahon ng Internet Nagbago na ang gawi ng mga konsyumer ngayong panahon ng Internet. Naging mas matalino na sila, dahil minsan, na-search na nila online ang isang kumpanya o establisyimento bago pa man nila ito mapuntahan. Narito ang ilang tips ukol dito: • Ugaliing i-search sa net ang negosyo. Regular na hanapin sa Internet ang pangalan ng negosyo para malaman kung anu-ano ang sinasabi ng mga tao tungkol dito. Hindi kinakailangang maging malaki ang negosyo para mabanggit ito sa mga blogs at websites. • Pangalagaan ang imahe. Dahil sa Internet, kapag may hindi magandang nagawa sa isang kliyente, maaari itong ipaskil online na magiging dahilan para malaman ito ng iba. Maaaring makasira sa imahe ng negosyo ang pagkakaroon ng bad review. Upang magkaroon ng magandang online image ang negosyo, tiyaking de-kalidad ang produkto o serbisyong ihahatid sa mga konsyumer. • Kung kakayanin, magsagawa ng bloggers’ promo. Kung may badyet, magsagawa ng event para sa mga bloggers kung saan mararanasan nila ang serbisyo o masusubok ang produkto. Malaking tulong ito sa promotion dahil maaari nilang isama sa kanilang mga blogs ang reviews ukol sa inyong serbisyo o produkto. • Gamitin ang Internet bilang isang advantage. Kung hindi naman malaki ang negosyo, gumawa ng pahina sa mga social networking sites sa halip na mag-abala sa blog. Mas madaling magkakaroon ng mga koneksyon at higit na mapadadali ang pagtataguyod ng negosyo.
Mga dapat gawin kung nawalan ng trabaho Hindi madali ang mawalan ng trabaho. Nakabababa ito ng kumpyansa sa sarili at maaari pang magdulot ng problema sa pamilya lalo na kung ikaw ang bread winner. Narito ang ilang tips kung paano harapin ang pagkawala ng hanapbuhay: • Huwag magsasabi ng masama tungkol sa dating trabaho. Huwag isapubliko ang mga saloobing hindi magaganda tungkol sa pinagtrabahuhang kumpanya, trabaho, mga kasamahan sa opisina, at maging sa boss. Hindi ito makatutulong at maaaring makasagabal upang makahanap ng bagong trabaho. • Kausapin ang pamilya. Kung ikaw ang bread winner, magiging mahirap ito para sa kanila. Ipaliwanag ang dahilan ng pagkawala ng trabaho. Ipaliwanag na kailangan mo ng kanilang tulong. Kung may maliliit na anak, mas maging dahan-dahan sa pagpapaunawa ng mga magiging pagbabago.
•
•
Mag-imbentaryo. Kung biglaan ang pagkawala ng trabaho, makabubuting alamin kung anu-anong assets ang mayroon. Kung may savings na inilaan para sa mga gadgets o kotse na balak bilhin, gamitin muna itong panggastos at para sa paghahanap ng trabaho. Kung talagang walang-wala, baka marami namang naipundar na mga gamit na hindi masyadong kailangan tulad ng labis na mobile units at mga alahas. Maaaring ibenta ang ilan sa mga ito. Magpahinga at magnilay-nilay. Huwag agarang pasukin ang unang trabahong darating lalo na kung hindi ito gusto. Magpahinga muna sandali at magnilay-nilay. Sa katagalan, mas mabuting pinag-isipang maigi ang papasukang bagong trabaho at hindi napilitan lang dahil sa pressure na pampinasyal o kaya para masabi lamang na hindi kabilang sa unemployed.
Ilang leadership tips Isang salik ang kakayahang mamuno o leadership sa mga isinasaalang-alang upang higit na mapatatag ang negosyo. Mahalaga rin ang leadership sa pagbubuo at pagsasagawa ng mga desisyon. Narito ang ilang payo na maaaring ikunsidera: • Hindi dapat laging nakasang-ayon o naka-“oo” lamang. Bago magdesisyon, makabubuti kung maging matanong at mausisa. Malaki ang maitutulong ng mga ganitong ugali para mas mapabuti ang mga binabalak. Magsisilbi itong pambalanse at makapagbibigay rin ng mga alternatibong paraan. Magagawa rin nitong makapagbigay ng dagdag inspirasyon sa buong grupo upang mas pagpursirgihan at higit na paghandaan ang pagpaplano. • Maging decisive. Kung hindi nagkakasundo ng opinyon sa maraming pagkakataon at kung madalas na dumadaan sa mahihirap na mga sitwasyon, marapat na ipakita sa mga kasama ang kakayahang makapaglatag ng magandang mungkahi. Dapat sa simula pa lang, aralin nang mabuti kung anu-ano ang mga mabubuti at masasamang dulot ng gagawing pasya. Timbangin ang mga ito. Tandaan, huwag tatapusin ang isang usapan nang walang napagdesisyunan o konkretong gagawin. • Pakisamahan nang maayos ang mga tauhan at empleyado at ituring silang hindi iba. Buuin ang imahe bilang isang taong madaling lapitan subalit larawan pa rin ng professionalism. Dapat ding pagpursigihang makabuo ng isang magandang samahan. May kakayahan dapat ang lider na pagbuklurin ang kanyang mga tauhan. Sa tamang pakikisama, makukuha niya ang angkop na respeto para sa kanya.
Ilang bagay na pagkukuhanan ng inspirasyon Mahalagang salik para sa pagbubuo at pagpapatakbo ng negosyo ang pagkakaroon ng “inspirasyon.” Marami itong aspeto na dapat bigyan ng kunsiderasyon, at maaaring makita sa maraming bagay. Kaya naman, narito ang ilang payo ukol dito: • Ilista kung anu-ano ang maaaring maging oportunidad. Mahalagang salik ang karanasan ng tao upang makakuha ng mga bagong ideya. Dahil dito, marapat lamang na ilista kung anu-ano ang mga bagong natutunan, mga posibleng oportunidad na maaaring pasukin, at mga bagay na maaaring pagkakitaan. • May kakayahang magbigay ng mga bagong kaisipan ang bawat lugar. Nangangailangan ng creativity at novelty ang mga bagong ideya. Kadalasan, makikita ito mula sa iba’t ibang kultura ng magkakaibang lugar. Kailangang palawigin ang ginagalawan upang higit na lumawak ang kaalaman at makakita ng makatutulong sa pagbuo ng isang maganda at orihinal na ideya. • Suriin at aralin ang mga istratehiya ng iba’t ibang tao. Walang masama kung hihiram o gagaya ng kaunti sa istratehiya ng ibang tao, lalo na kung naging matagumpay ang mga ito. Pero tandaan na angkop dapat ito sa uri ng negosyong itatayo, sa personalidad, at sa mga empleyado.
Mga payo upang madaling makaipon ng pera Mahalaga ang pagkakaroon ng ipon. Maaari itong magamit panimula ng isang negosyo o kung may emergency. Sa hirap ng buhay ngayon, mahirap makaipon ng pera. Kaya, heto ang ilang mga tips para makapag-impok: • Alamin kung anu-anong mga bagay ang dapat bilhin. Kung may mga bagay na “gusto,” isipin muna kung “mahalaga” ito. Isaalang-alang kung makatutulong ba ito para sa kalusugan at pamumuhay. Bigyang prayoridad sa paggastos ang basic needs, tulad ng pagkain, transportasyon at damit. Paglaanan din ng pera ang buwanang upa at gastusin sa bahay. • Gumawa ng listahan at plano bago mamili. Mainam kung may tamang budget sa pagbili. Sa paglilista ng mga paglalaanan, unahin halimbawa ang mga utility bills, pagkain, pambayad sa sasakyan, at credit card. • Ikumpara ang mga presyo sa ibang tindahan bago magshopping. Tingnan muna kung saan talagang makakamura. May pagkakataon kasing higit na napamamahal dahil sa pagmamadali. • Kung maraming lalakarin gamit ang sariling sasakyan, i-plano kung alin-aling lugar ang uunahin. Mas makatitipid kung uunahin ang pinakamalayong lugar. Sa pagbalik o pag-uwi naman, piliin ang pinakamalapit na daan sa bahay para makatipid ng oras, pera, at gasolina. • Iwasan ang shopping malls. Sa lugar na ito tiyak na matutuksong gumastos at bumili ng wala sa plano. Sa dami ng display na magaganda, nakakaakit maglabas ng pera. Kaya kung walang self-control, makabubuting umiwas na lamang.
Kilalanin ang Philippine Shippers’ Bureau Nabuo sa pamamagitan ng Executive Order o E-O 519 ang Philippine Shippers’ Bureau o P-S-B ng Department of Trade and Industry o D-T-I. Sa simula, isa lamang itong attached agency na kilala bilang Philippine Shippers’ Council o SHIPPERCON bago tuluyang naging ahensya ng D-T-I. Ang P-S-B ay naatasang protektahan ang interest ng mga Pilipinong exporters, importers, at iba pang gawaing komersyal na gumagamit ng pangkatubigang transportasyon. Sinisiguro ng tanggapan na tama at maayos ang proseso ng kalakalan. Narito pa ang ilan sa mga programa ng P-S-B: • Konsultasyon at negosasyon sa mga internasyonal at rehiyonal na shipping at transport associations. Pinangungunahan ng P-S-B ang mga pakikipag-usap na may kinalaman sa interes ng mga shipping and transport associations sa mga exporters, importers, at iba pang mga kliyente. Pokus nito ang mga freight rates, sapat na serbisyo, at makatwirang terms and conditions ng pagdadala. • Supply Chain. Sinusuri ng tanggapan ang halaga ng distribusyon at paghahatid ng ilan sa mga basic at prime commodities. Nagbibigay rin sila ng mga rekomendasyon para sa mas epektibong paraan upang masigurong maihahatid ang mga ito nang maayos at mapababa ang gastusin. • Pag-alalay sa mga shippers. Pinangangasiwaan din nila ang freight booking, halaga ng transportasyon, freight forwarding, containerization, documentation, packing, marking, labelling, at ilang may kinalaman sa pag-facilitate ng transport cargo mula, patungo, o maging sa loob ng Pilipinas. • Mediation. Nagsasagawa rin ng mediation proceedings upang masolusyunan ang mga reklamo at di pagkakaunawaan sa pagitan ng mga shippers, freight forwarders, shipping lines, at iba pang transport service providers. Kasama sa mga ito ang non-delivery, loss and damage to cargo, overcharging, delay in delivery, unethical conduct, non-payment of fees and charges, at maritime fraud. • Pagpapatupad ng Presidential Decree o P-D 1466. Dapat may watawat ng Pilipinas ang lahat ng cargo, pagmamay-ari ng gobyerno o pribado subalit may government loan, credits, at guarantees. Kung sakaling wala, dapat may waiver ang mga ito mula sa P-S-B. • Akreditasyon sa mga freight forwarders. Ang tanggapan din ang naatasang mag-apruba sa mga sea freight forwarders na nasa kategoryang non-vessel operating common carrier, sa mga international freight forwarders, at domestic freight forwarders. Para sa karagdagang kaalaman ukol sa P-S-B, maaaring tawagan ang DTI Direct 751.3330 o bumisita sa www.dti.gov.ph. Maaari ring personal na magsadya sa kanilang tanggapan sa 361 Senator Gil J. Puyat Avenue, Makati City.
Produced by: Department of Trade and Industry -Trade and Industry Information Center. 2F Trade and Industry Bldg., 361 Sen. Gil J. Puyat Ave., 1200 Makati City. Telefax: (02) 895.6487. To subscribe, e-mail: publications@dti.gov.ph