Radio Bits (Jan2013)

Page 1

Issue No. 01 S/2013

Kalipunan ng mga impormasyong tinipon at sinulat para sa mga newscasters at broadcasters sa mga himpilan ng radyo sa buong bansa para sa kaalaman ng sambayanang Pilipino.

 Ilang tipid tips sa pagpasok ng 2013 Maraming pamilyang Pilipino ang gumastos nang malaki para sa Pasko at Bagong Taon. Ngayong tapos na ang holiday season, oras na para magtipid at mag-ipon. Narito ang ilang mga payo: • Isantabi ang mga bagay na di naman kailangan. Halimbawa nito ang patuloy at madalas na pagbili ng mga bagong damit, pagkain sa labas, at panonood ng sine. Ibahin ang perspektibo. Halimbawa, isipin na kung gumagastos tuwing weekend ng isanglibo sa mga di kailangang bagay, sa loob ng tatlong taon ay maaaring makaipon nang P36,000 na maaaring gamiting puhunan sa maliit na negosyo o pambili ng higit na mahahalagang bagay. • Gumawa ng planong pantatlong taon. Maaari rin namang higit pa sa tatlong taon; ang mahalaga ay mayroong goal upang malaman kung magkano ang kailangang ipunin. Halimbawa, sa loob ng limang taon, dapat ay may pampatayo na ng sariling bahay. Kung patuloy na mabubuhay sa kasalukuyan, pleasure principle lang ang iiral. • Maghanap ng produktibong pagkakalibangan. Kung dala pa rin ang nakagawiang malling noong kapaskuhan at Bagong Taon, humanap ng ibang pagkakalibangan na hindi magastos. Umiwas sa mga shopping malls na punumpuno ng tukso upang gumastos. Sa halip ay magbasa ng libro o mag-ehersisyo. • Maging organisado. Katulad ng mga meetings at lakad, itala sa kalendaryo ang pagbabayad ng bills. Magtakda ng buwan para sa pamimili ng regalo at pagbabayad ng buwis. Ibadyet ang kinikita at maglaan para sa ipon at pang-emergency. • Ibahagi ang plano sa iba. Maaaring ikwento ang mga plano sa kapamilya o kaibigan. Ang mahalaga, mayroong social reinforcement upang maisakatuparan ang mga balak. Isulat din ito para mas ma-visualize.

 Ilang payo sa pagnenegosyo Maraming Pilipino ang gustong magnegosyo pero hindi alam kung paano magsisimula. Mayroon namang mga nakapag-iimpok ng puhunan pero hindi alam kung anung negosyo ang itatayo. Narito ang ilang mga tips: • Magdesisyon kung gusto ba talagang magnegosyo. Hindi agarang nagtatagumpay ang lahat ng negosyo. Kung gusto talagang magnegosyo, kailangang maging matatag ang loob upang kayanin ang mga risks na kaakibat nito. • Isipin kung anung negosyo ang itatayo at kung saan. Mahalaga na interesado sa sariling negosyo para maging dedicated dito habambuhay. Huwag makiuso lang; mas mahalaga ang pangmatagalang interes kaysa makibagay. Mag-research din ukol sa kung saan magandang itayo ang negosyo.

Magdesisyon kung full-time o moonlight. Ang ibig sabihin ng moonlight ay nagsisimula lang ang negosyo pagkatapos ng regular na trabaho at kung walang pasok. May mga bentahe ito tulad ng hindi maapektuhan ang regular na kita maging ang retirement at health benefits, pero meron din itong disadvantage. Halimbawa, maaaring masakripisyo ang panahon sa regular na trabaho at baka labis ding mapagod. Bantayan ang sarili. Matyagan ang mga sumusunod: labis na pagkainip at labis na tiwala sa sarili. Huwag madaliin ang pag-unlad ng negosyo dahil hindi nagiging milyonaryo dito nang overnight. Maging matiyaga at hubugin ang sarili sa mga aspetong may kinalaman sa pagiging maunlad na negosyante.

 Pangkalikasang payo ngayong 2013 Sa panahon ngayon, tungkulin na rin ng responsableng konsyumer ang pagkonsumo o pagbili nang may malasakit sa kalikasan. Narito ang ilang mga paalala: • Bawasan ang paggamit ng plastik at plastic bag. Humanap ng ibang option kung saan makababawas sa paggamit ng plastik. Alam naman ng lahat na matagal ito bago ma-decompose at dahil dito, tumatambak ito sa ating mga landfills. Maraming alternatibo na maaaring ikonsidera gaya ng bayong at re-usable bags. • Iwasan ang paggamit ng household cleaners na mataas ang toxic level. Sa pagpili ng mga panlinis sa bahay, ikonsidera ang mga produktong may mababang lebel ng toxicity. Hindi malayong sa darating na panahon, kailangan na nating magbayad para sa malinis na hangin at laging may nakasukbit na oxygen tank sa ating likuran kung patuloy tayong magiging pabaya sa mga ginagamit natin. • Sikaping maging maayos at masinop sa gamit. Mainam ang masinop sa gamit upang maiwasan ang mahabang oras nang paghahanap kung may kailangan. Makaiiwas din sa gastos sa pagbili ng bago kung sakaling may hindi makita dahil sa magulong mga gamit. Mas makatutulong din ito sa kalikasan dahil mababawasan ang konsumo ng mga raw materials at carbon footprints. • Ugaliing mag-compost at mag-recycle. Malaki ang maitutulong ng pagko-compost upang mabawasan ang mga solid wastes at maging mataba ang lupa. Samantalang ang pagre-recycle naman ay makatutulong upang muling mapakinabangan ang mga hindi agad nabubulok na mga basura. • Promote green consumerism. Ipinapayo ring tangkilikin ang mga produktong green at tumulong na ipalaganap ang green advocacy. Sa ganitong paraan, mas magpupursigi ang mga kumpanya upang higit nilang paigtingin ang mga pamamaraan na makakalikasan.


 Tips sa matipid na house party Para sa iba, mas convenient magpa-party sa labas dahil wala na nga namang iintindihin pa. Pero hindi lahat ay kaya ang pampinasyal na aspeto nito. Mas matipid pa ring maghanda sa bahay. Narito ang ilang mga tips ukol dito: • Ihanda ang bahay. Mag-isip ng paraan kung paano i-maximize ang mga gamit sa bahay upang maiwasan ang pagrenta o pagbili. Halimbawa, kung kulang sa upuan, maaaring maglatag ng banig sa sahig upang doon sumalampak at kumain. Mainam din kung itatabi muna ang mga dekorasyon gaya ng figurines at center table upang mas lumawak ang espasyo. • Maghati-hati sa mga gawain. Kung may mga maliliit na anak, maaari silang bigyan ng simple at magaang na trabaho gaya ng pagpapalit ng punda ng throw pillows, pagpupunas ng mga kabinet, at pagpapalit ng mga pamunasan ng kamay at basahan. • Paghandaan ang overnight stay. Kung sakaling may mag-overnight stay, dapat na malaman ito nang mas maaga upang mapaghandaan. Alamin kung sinu-sino ang manggagaling sa malayo at kung sinu-sino ang posibleng hindi makauwi kapag inabot ng dis-oras ng gabi. • Maglaan ng isang lugar para sa mga bata. Maghanda ng isang ligtas na laruan para sa mga bata upang hindi sila mainip. Makatutulong din ang paglalaan ng children’s area upang makasalamuha nila ang mga kapwa nila bata at magkaroon ng bagong mga kaibigan. • Gawing simple ngunit makabuluhan ang handaan. Ihanda ang mga pagkaing hindi makakamantsa sa mga damit. Maglaan din ng pagkakataong makapagkuwentuhan ang mga bisita.

 Susi sa matagumpay na pagsagot ng pagtawag Marami sa mga Pilipino, lalo na sa mga kabataan, ang bahagi na ng mga contact centers. Narito ang ilang mga tips para sa magandang pakikipag-usap at pagsagot ng tawag: • Huwag maging impersonal. Madalas agarang natatapos ang mga tawag mula sa telemarketers dahil naasiwa na ang konsyumer sa impersonal na boses at nilalamang mensahe. Tunog pare-pareho na kasi ang mga ito. Dahil dyan, ibahin ang estilo at maging emphatic para hindi agarang magpaalam ang tinatawagan. Hinahayaan dapat ng mga kumpanya ang mga representatives na ma-engage sa lively at hindi tunog scripted na pakikipag-usap. • Maglatag ng magandang offer. Kunin ang interes ng tinatawagan sa pamamagitan ng pag-aalok ng offer na higit na maganda kaysa sa ibang kumpanya. I-emphasize ito, subalit huwag lolokohin ang tinatawagan o i-exaggerate ang inaalok. • Magpakilala. Ipakilala ang kumpanya, pangalan, at kung ano ang inaalok matapos bumati sa tinatawagan. Makipag-usap nang may ngiti sa tinig dahil nararamdaman ito ng tao sa kabilang linya.

• •

Tawagan ang mga tamang tao. Isaalang-alang ang nilalaman ng database bago gumawa ng tawag. Piliin ang mga taong aalukin ng offer. Gamitin ang golden rule sa sales. Huwag mong gawin sa iba ang ayaw mong gawin sa iyo. Kung ikaw ang tinawagan, nanaisin mo bang scripted at tila binabasa ang sinasabi ng sales representative sa iyo? Ilagay ang sarili sa katayuan ng nasa kabilang linya para magkaroon ng ideya ukol sa mahusay na pakikipag-usap.

 Paghandaan ang job interview Paparating na naman ang Marso at madaragdagan na naman ang mga maghahanap ng trabaho dahil sa dami ng magsisipagtapos. Narito ang ilang mga tips sa pagharap sa job interview: • Paghandaan ang isusuot. Hindi ka na estudyante kaya huwag na huwag magsusuot ng jeans o t-shirt sa interview. Huwag din namang maging overdressed. Hindi naman kailangang naka-tuxedo at stiletto kung mag-a-apply na tila ba tinalbugan na ang boss ng kumpanya. Sa halip, maging simple at appropriate. Pumili ng damit na bukod sa maganda at disenteng tingnan ay kumportable ring suotin. • Magresearch ukol sa kumpanya. Ipinagpapalagay na nag-a-apply ka sa kumpanya dahil pasok sa interes at kakayanan mo ang ginagawa, serbisyo, at produkto nila. Magresearch pa ukol sa kumpanya. Alamin kung sino sa kasalukuyan ang head nito at anu-ano ang mga bagong proyekto. Kailangan ito upang maipakita sa interviewer na sinsero ang intensyong magtrabaho sa kumpanya. • Magpraktis. Magsanay na sumagot sa mga tanong para tumaas ang kumpyansa sa sarili pagdating ng aktwal na interview. Manood din ng videos online na nagpapakita kung paano ang tamang pagsagot. • Ihanda ang mga dadalhin. Magdala ng resume o curriculum vitae, depende sa kailangan ng kumpanya. Ihanda rin ang ilang dokumentong maaaring kailanganin gaya ng transcript of records o T-O-R o kaya ay copy of grades. Kung writer o artist ang posisyong ina-apply-an, magdala ng portfolio sa interview bilang paghahanda.

 Kilalanin ang Bureau of Product Standard Ang Bureau of Product Standard o B-P-S ng Department of Trade and Industry o D-T-I ay kinikilala bilang National Standards Body of the Philippines sa ilalim ng Pambansang Kautusan 4109 o Philippine Standardization Law at Executive Order 133. Tungkulin ng B-P-S na pamahalaan ang pagpapaunlad, pagpapatupad, at pagsusulong ng standardization activities ng buong bansa sa pamamagitan ng standards development, product certification, at standards implementation o promotion. Layunin ng B-P-S na maiangat ang kalidad at global competitiveness ng mga lokal na produkto habang nagbibigay proteksyon sa mga konsyumer at negosyo.

Produced by: Department of Trade and Industry -Trade and Industry Information Center. 2F Trade and Industry Bldg., 361 Sen. Gil J. Puyat Ave., 1200 Makati City. Telefax: (02) 895.6487. To subscribe, e-mail: publications@dti.gov.ph


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.