Issue No. 07 S/2013
Kalipunan ng mga impormasyong tinipon at sinulat para sa mga newscasters at broadcasters sa mga himpilan ng radyo sa buong bansa para sa kaalaman ng sambayanang Pilipino.
Mga tips para sa pagbuo ng plano
sa pagnenegosyo Ang pagpaplano ng isang negosyo o business planning ay mahalaga sa pagtatayo at pagpapatakbo ng negosyo. Ang isang business plan ay nahahati sa iba’t ibang bahagi. Maaaring hindi naaangkop sa lahat ng sitwasyon ang gagawing plano subalit ang pagsasaalang-alang sa mga sumusunod ay tiyak na makatutulong: • Organizational plan. Ito ang pagpaplano kung paanong organisahin ang mga tauhan. Alamin kung sinu-sino sila at kung ilan ang mga kailangang empleyado. • Financial plan. Ito ang pagpaplano sa pananalapi at puhunan. Alamin ang pangangailangan sa aspetong ito. Gumawa ng budget. Hatiin ito sa tatlong bahagi: budget sa pagbebenta, sa paggawa ng produkto, at sa pangkalahatang pamamalakad. Maaari rin na tukuyin kung saan ilalaan ang puhunan. Hatiin din ito sa tatlo. Una, ang permanenteng puhunan na karaniwang inilalagak nang minsanan lamang para sa mga gagamitin sa negosyo nang pangmatagalan. Pangalawa, ang puhunan para sa aktwal na operasyon ng negosyo ay para naman sa pang-araw-araw na pagpapatakbo nito. Pangatlo, ang puhunang kailangan bago pa man magsimula ang negosyo. • Production plan. Ito ang pagpaplano kung paano gagawin ang produkto. Alamin ang mga materyales na kakailanganin at mga mapagkukuhaan nito. Alamin din ang proseso at mga kagamitan na kakailanganin sa paggawa ng produkto. • Marketing plan. Ito ang pagpaplano kung paano ibebenta ang produkto. Magbigay ng detalyadong paliwanag kung ano ang produkto o serbisyong iaalok at kung ano ang mga kabutihan at paggagamitan nito. Ipaliwanag kung sino ang posibleng bibili sa produkto. Alamin kung ilan ang mga kakumpetensiya. Isulat kung magkano ang magiging presyo ng produkto at ipaliwanag kung paano ito maibebenta.
Mga tips para sa paghahanap at pagsasanay ng mga tauhan Maliit man ang sariling negosyo sa unang yugto nito, hindi magtatagal ay lalago rin ito sa pamamagitan ng pagsisikap at pagtitiyaga. Sa una, maaaring kayanin ng isang tao lamang ang pagpapatakbo nito. Ngunit habang lumalago ito ay maaaring kailanganin na ng tulong ng iba. Bilang may-ari ng negosyo, tiyakin na may sapat na kakayahan at kaalaman ang sariling mga empleyado upang higit silang makatulong sa paglago ng negosyo. Laging isaisip na ang mga tao ang pinakamahalagang bahagi ng anumang organisasyon, kabilang na ang negosyo.
Kung nais maging mas mabuting employer, narito ang mga dapat tandaan: • Pantay na oportunidad at patakaran para sa lahat. Lalaki man o babae ay pantay sa batas – sa pasahod, pagsasanay, at promotion. Labag sa batas ang diskriminasyon sa mga babaeng empleyado. • Security of tenure. Ito ang katiyakan na makapagtatrabaho ang isang tao nang pangmatagalan. Lahat ng empleyado ay dapat na mabigyan nito o hindi maaaring tanggalin nang walang sapat at matibay na dahilan at kailangang dumaan sa tamang proseso kung sakaling may kinakaharap na kaso. • Regular na araw at oras ng trabaho. Ang araw ng trabaho ay tumutukoy sa anumang araw na kailangang regular na nagtatrabaho ang isang empleyado. Karaniwan, ito ay mula Lunes hanggang Biyernes o Sabado. Walong oras ang normal na oras ng trabaho. Kasama ang 15 minuto na meryenda sa umaga at ganoon din sa hapon. May karagdagan din na isang oras para sa tanghalian. • Pasahod at iba pang mga benepisyo. Ang isang empleyado ay sumasahod bilang kabayaran ng kanyang paglilingkod. Nararapat din na makatanggap ang mga empleyado ng iba pang mga benepisyo tulad ng overtime pay, night differential, rest day, holiday at 13th month pay ayon sa isinasaad ng batas. • Ligtas at maayos na lagay ng pagtatrabaho. Ang bawat empleyado ay dapat bigyan ng sapat na proteksyon sa sakit, aksidente o kamatayan sa lugar ng trabaho. Ang workplace ay dapat ligtas, maayos, at kawili-wili. • Araw ng pahinga at bakasyon. Ang bawat empleyado ay dapat may araw ng pahinga at panahon sa pagbabakasyon.
Mga tips para sa Buwan ng Nutrisyon Muling ipinagdiriwang ng bansa ang Buwan ng Nutrisyon ngayong Hulyo. Bilang mga konsyumer, tayo ay mayroon ding responsibilidad sa pagpili ng mga wastong pagkain na magbibigay ng sapat at angkop na lakas para sa ating mga katawan. Narito ang ilang mga tips: • Gumawa ng listahan. Ang isa sa mga kabutihang dulot ng pagdadala ng listahan ay upang maiwasan ang labis na pamimili ng mga hindi inaasahang bagay. Sa paggawa ng listahan, nagkakaroon ng karagdagang oras na makapag-isip ng mga nararapat bilhin na tiyak na makatutulong sa kalusugan. • Pumili ng bibilhin. Ang mga prutas at gulay ay nagbibigay ng sustansiya sa atin. Subalit, ang iba sa mga ito ay madaling malanta o masira. Alamin ang mga paraan sa tamang
pag-iimbak nito upang maiwasan ang pag-aaksaya. Bumili lamang ng sapat para sa ilang araw na pagkonsumo. • Alamin ang tema ng nutrisyon sa bawat taon. Ang pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa tema ng nutrisyon sa bawat taon ay magbibigay ng gabay sa paghahanda ng mga pagkain na ihahain sa bawat mesa. Makatutulong din ito sa pagpapayo sa mga kasama sa tahanan at maging sa paaralan at trabaho. • Magbigay ng karagdagang kaalaman sa media. Ang media ay tumatanggap ng mga mungkahi na maaari nilang ibahagi sa kanilang mga target audience. Maging aktibo sa bagay na ito.
Kahalagahan ng trademark sa negosyo Ang Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL) ay isang ahensiya ng Department of Trade and Industry (DTI) na nangangasiwa ng mga intellectual property rights. Ito ang gumagabay at nangangalaga sa karapatan ng mga siyentipiko, imbentor, at artists kasama ng kanilang mga intellectual properties, lalo pa kung ito’y nagbibigay tulong din sa nakararami. Mahalaga ang trademark dahil sa mga sumusunod: • Business Distinction. Ito ay tumutukoy ng pinagkaibahan ng produkto at serbisyo sa isa’t isa. Ang trademark ay kadalasang isang salita or grupo ng mga salita, simbolo, logo o kombinasyon ng lahat. • Pagkakakilanlan. Epektibong paraan ang trademark upang maalala ng tao ang serbisyo o produktong ibinebenta. Kapag tumatak na sa mamimili ang produkto o serbisyo patuloy ka na nilang suportahan at maaari pa nila itong irekomenda sa iba. • Angat sa kumpetisyon. Kahit maraming kaparehas na serbisyo o produkto, mas makakaangat sa iba ang pagkakaroon ng trademark dahil na rin sa quality standard na makapagbibigay sa negosyo ng competitive distinction na hindi makikita sa iba. • Asset ng negosyo. Ito ay maaaring pinakamahalagang asset ng negosyo. Ang may-ari ng negosyo ay maaaring makakuha ng revenues sa paggamit ng ibang tao ng kanyang mark o kapag nagkaroon ng franchising agreements.
Mga rason bakit hindi maaprubahan ang trademark Dapat matukoy ng gagamiting trademark ang pagkakaiba ng sariling negosyo sa ibang negosyo. Kailangan din masunod ang mga patakaran ayon sa Sec. 123.1 ng Intellectual Property Code. Hindi maaaprubahan ang trademark kung ito ay: • Descriptive. Ibig sabihin, kung ang pangalan ng negosyo ay direktang pangalan ng katangian.Katulad ng Courier Service, (ito mismo ang katangian ng ihahatid mong serbisyo) o Sala na nagbebenta ng mga gamit sa sala (kung ang pangalan ng trademark ay mismong intended purpose ng negosyo).
• Misleading. Ito ang trademark na maaaring
•
•
•
•
•
•
•
makapagbigay ng maling impormasyon sa mga konsyumer ng tamang gamit ng produkto o serbisyo katulad ng Gising-gising na brand ng kape (maaaring isipin ng tao na pangalan ito ng pagkain). Generic. Mga pangalan ng produkto o serbisyo na binabago lamang ang spelling katulad ng KEYK na tumutukoy sa pagbenta ng mga cake at pastries. Masyadong ordinaryo sa pang-araw-araw na gamit. Ang mark na katulad ng Skin Whitening (mga produktong nakapagpapaputi) ay hindi maaaring maaprubahan dahil halos araw-araw na itong ginagamit sa mga normal na pag-uusap. Labag sa panuntunan ng moralidad. Ito ay ang mga marks na maaaring makaapekto sa moral ng iba. Halimbawa, ang pagbigay ng pangalan sa brand ng damit na Anti-women; maaaring may creative explanation ito ngunit maaaring hindi ito maging katanggap-tanggap sa mga kababaihan dahil sa negatibong ideya na kaakibat ng ganitong uri ng trademark. Nagtataglay ng pangalan, larawan ng tao, mapa, bandila, at iba pang simbolong politikal. symbols. Halimbawa nito ay mga pangalan o portrait ng nabubuhay na tao, maliban na lang kung ito ay pangalan ng may-ari ng produkto o serbisyo o may pahintulot ng indibidwal sa pamamagitan ng written consent. Halimbawa, hindi maaaring gamitin ang pangalan o larawan ni Manny Pacquiao bilang isang trademark kung hindi siya mismo ang gagamit nito. Hugis o kulay lamang. Ang pagbibigay ng hugis ng mark ay maipapahintulutan kung may distinct form sa hugis o lagayan ng produkto o serbisyo. Makapagdudulot ng kalituhan. Ibig sabihin, kung ang mark ay may kaperahas ng registered mark o mas naunang filing date, hindi na ito maaaring maaprubahan. Kilalang-kilala na. Kung ang mark na iparerehistro ay kilala na sa buong Pilipinas o maging sa ibang bansa, hindi na rin ito maaaring maaprubahan.
Mahalagang maprotektahan ang trademark at magagawa lamang ito kung ito ay iparerehistro. Ang pagpaparehistro nito ay magbibigay sa may-ari ng solong karapatan na magamit ito at mapigilan ang iba sa paggamit ng katulad na trademark sa kaparehong produkto o serbisyo. Ang karapatan sa pagmamay-ari ng trademark ay ipinagkakaloob sa kung sino ang unang makapagparehistro nito sa Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL). Kaya nga ipinapayo na kung nagbabalak magparehistro ng trademark, magsagawa muna ng pagsasaliksik sa trademarks database upang malaman kung may kapareho ng trademark na magiging dahilan upang hindi maaprubahan ang naiiisip na sariling trademark. Maiiwasan din nito ang pagkakaroon ng legal na usapin sa hinaharap.
Produced by: Department of Trade and Industry -Trade and Industry Information Center. 2F Trade and Industry Bldg., 361 Sen. Gil J. Puyat Ave., 1200 Makati City. Telefax: (02) 895.6487. To subscribe, e-mail: publications@dti.gov.ph