Radio Bits (July 2014)

Page 1

Issue No. 07 S/2014

Kalipunan ng mga impormasyong tinipon at sinulat para sa mga newscasters at broadcasters sa mga himpilan ng radyo sa buong bansa para sa kaalaman ng sambayanang Pilipino.

 Mga personal tips sa pagtitipid ng mga Pinoy Madalas sabihin na mahilig gumastos ang mga Pilipino ngunit hindi lahat ay mahilig mag-ipon. May mga pagkakataon na pagdating ng sweldo ay ubos-ubos ang biyaya. Ikaw mismo tinatanong ang sarili kung saan nga ba napupunta ang iyong pera. Kung nais magkaroon ng financial security sa hinaharap, marapat lamang na simulan na ang pag-iipon. Narito ang ilang tips: • Aminin sa sarili na dapat nang mag-ipon. Tanggapin sa sarili na madalas kang gumagastos sa mga bagay na hindi naman kailangan. Kung minsan naman ay umuutang pa mabili lamang ang mga luho. Kung natanggap na sa sarili ang pagiging magastos, gumawa na ng mga paraan upang maihinto ito. • Huwag ikumpara ang sarili sa iba. Sa panahon ng teknolohiya at social media, madalas nakakikita ng mga bago at mamahaling gamit sa kapwa. Hindi mahalaga kung hindi ka makapagsuot ng damit na katulad nila o walang bagong gadget. Kung nais talagang makaipon, kailangan mong mamuhay ng simple at kung ano lamang ang kaya mo. Mas magiging masaya ka pa dahil hindi mo kailangan makipagkompetisyon kung anong meron ang iba. • Isipin ang hinaharap. Kailangan ikonsidera ang kinabukasan. Kailangan maging handa sa mga biglaang pagbabago na mangyayari sa iyong buhay. Kung magkaroon man ng problemang pinansiyal, alam mong may madudukot ka at makatutulong pa sa iba. Huwag din gamitin ang ipon sa mga hindi pinagplanuhang gastos. Magkaiba dapat ang pocket money sa savings. • Gumamit ng public transportation. Minsan nakasisilaw ang pagkakaroon ng sariling kotse. Kapag sapat lamang ang ipon, maaaring maging pahirap ang pagbabayad ng kotse buwan-buwan. Mas makatutulong pa sa kapaligiran kung uugaliin ang pagcommute. • Laging tandaan na ipon muna bago gastos. Ang 20% ng kinikita ay dapat nang ipunin o kung ano mang porsyento ng kinikita ang kayang itabi. Gumawa ng monthly budget upang malaman ang mga pinagkakagastusan.

 Money Tips para sa mga mag-asawa Ang paghandle ng pera at pagbudget ng pang-arawaraw na gastusin kapag dalaga o binata pa ay isang mahirap na gawain. Paano pa kaya kung kasal na at nagsisimula ng bagong pamilya. Kapag ikinasal na, ang mga assets ay magiging conjugated na. Ang pinansyal na aspeto ay isa sa dapat na mapag-uusapan ng mag-asawa kapag sila ay nagsisimula ng bagong pamilya. Narito ang ilang mga tips upang ma-manage nang maayos ang pinansya bilang mag-asawa: • Irespeto ang paraan ng bawat isa sa paghandle ng pera. Maaaring isa sa inyo ay galante o ang isa naman ay mahigpit sa paghawak ng pera. Subukin matutunan ang kahinaan at kalakasan ng isa’t isa,

hanggang sa mapagkasunduan kung ano ang magiging pamamaraan niyo sa paghawak ng pera. Magkaroon ng bukas na komunikasyon. Maging matapat at bukas sa pag-uusap tungkol sa mga aspetong pinansyal. Siguraduhing naiintindihan ng isa’t-isa ang inyong financial standing. Hindi lang dahil karapatan niyong malaman ito ngunit para rin makapagtulungan kung mayroon mang suliranin. Alamin ang mga nais gawin bilang mag-asawa. Noong single pa ay siguradong mayroong mga mithiin at ninanais. Ngayong may asawa na, hindi pa rin naman ito mawawala at madalas magkasama niyo na itong minimithi kaya marapat lamang na alam ito ng bawat isa. Pag-usapan kung ano ba ang gusto niyong gawin sa hinaharap o kailan niyo gustong magretire? Magtulungan sa gastusin. Pag-usapan kung sino ang magbabayad ng bawat bills ng household. Mas magandang naghahati kayo sa mga responsibilidad lalo na sa mga gastusin ng pamilya. Suportahan ang financial ups and downs ng isa’t isa. Alam ng lahat na ang pera ay mahalaga ngunit hindi dapat maging sentro ng isang relasyon. Mayroong kanya-kanyang pagkakaiba bilang indibidwal kaya dapat niyo itong galangin. Ang paglutas sa problemang pinansyal ay dapat makatulong sa pag-unlad ninyong mag-asawa.

 Money tips para sa mga modern nanay

Ang mga nanay ang kadalasang nagbabudget ng gastusin sa pang-araw araw. Ang gastusin sa bahay ay madalas na rin pinaghahatian ng pamilya. Marami na rin ang mga working moms ngunit kadalasan ay wala pa rin naiipon ang pamilya. Narito ang ilang tipid tips sa mga nanay upang makapagsimula nang makapag-ipon: • Sa palengke mamili ng pagkain o mga stock sa bahay. Kapag on-the-go ang mga ina, madalas silang sa grocery na lamang bumibili ng stock sa bahay. Mapadadali nga ang gawain ngunit hindi naman makatitipid. Mas mura at fresh ang mga bilihin sa palengke. Makahihingi pa ng discount lalo na kung ikaw ay suki na sa tindahan. • Magbudget muna o gumawa ng listahan bago mamili. Hindi na mapabibili ng mga bagay na hindi naman kailangan kapag nasa pamilihan na kung may listahan. Makaiiwas na sa dagdag pang gastos. Magkaroon din ng schedule sa pamimili upang hindi paunti-unti ang bibilhin. • Bayaran agad ang mga utang. Mas magandang mamuhay nang walang iniisip na utang ngunit kung minsan ay hindi talaga ito maiiwasan. Kapag nakaluwagluwag na, unahin itong bayaran upang hindi lalong lumaki at mabaon sa utang. • Iwasan bumili ng mga gamit na hindi naman kailangan.Kapag napadaan sa mall, may makikitang mga bagay na susubok sa pagtitipid. Kapag naiisip ng bilhin ang isang bagay, lagi munang tanungin ang sarili kung kailangan ba ito


o gusto lamang. Isiping mabuti ang mga bibilhin na bagay, kung minsan ay bumibili ng mga kagamitan na itatambak lamang at hindi naman gagamitin. Imbis na gumastos, idagdag na lang ang pera sa ipon. Maging bukas sa pamilya sa usaping pinansyal. Kung malalaman ng buong pamilya ang estado ng pinansya, mas maka-i-intindi ang bawat isa na hindi lahat ng oras ay mabibigay ang mga hinihingi.

 Tips sa pag-iwas sa mga scams May iba’t ibang klase ng scam tulad ng pagtanggap ng mensahe na nanalo sa lotto o makakukuha ng malaking gantimpala mula sa mga sinasabing foundation ng mga prominenteng tao. Kadalasan ay nakukuha ang impormasyong ito sa pamamagitan ng cellphone. Gayunpaman, ang mga websites ay maaring maging paraan din upang maloko ang ilan. Nakapagbibigay ang web ng mga impormasyon subalit hindi lahat ng nasa online ay may mabuting intensyon. Narito ang mga simpleng paraan upang umiwas sa mga scammers at manatiling ligtas sa web: • Mag-ingat sa mga hindi kilalang tao. Hindi totoo ang mga mensaheng bumabati sa iyong pagkapanalo dahil ikaw ang pang-isang milyong bisita ng isang website. Ito ay mag-aalok lamang ng mga gadgets tulad ng laptop at tablet kapalit nang pagkumpleto sa isang survey. • Huwag sagutan ang survey. Maaaring maipadala mo pa rin ang iyong impormasyon sa mga scammer kung sisimulan mong ilagay ang iyong data sa kanilang form. Iwasan ang pagbibigay ng iyong personal na impormasyon. • Huwag asahan ang biglaang pagyaman. Mag-ingat sa mga nag-aalok ng mga mabibilis at madadaling paraan upang kumita at magkaroon ng trabaho na sa loob lamang daw ng ilang oras kada araw ay makatatanggap ng malaking kita kahit nasa bahay ka lamang. • Tiyakin na nagmula sa kakilala ang mensaheng natanggap. Maging maingat sa pagtugon sa mga mensahe mula sa mga taong nagpapanggap na kakilala mo. Maaaring nakompromiso ang kanilang account ng isang cyber criminal na sumusubok na kumuha ng pera o impormasyon mula sa iyo. • Huwag magpapadala agad ng pera. Kasama sa mga karaniwang diskarte ang paghiling na magpadala kaagad sa iyong kakilala ng pera dahil hindi siya makaalis sa isang bansa o pagsasabing nanakaw ang kanilang telepono kaya hindi sila matatawagan. May ibang nanloloko kung saan magpapadala ng mensahe na i-click ang isang link upang makita ang larawan, artikulo, o video na magda-direct sa isang site na maaaring magnakaw ng iyong impormasyon. • Magsaliksik muna bago bumili sa online sites. Walang sinuman ang may gustong maloko sa pagbili ng mga pekeng produkto. Kilalanin ang nagbebenta. Mag-ingat sa mga kahina-hinalang murang presyo tulad ng gagawin mo kung may binibili ka sa isang lokal na tindahan.

 Tips sa paggamit ng Internet Ang Internet ay nag-aalok ng napakaraming pagkakataon upang magsaliksik, gumawa, at makipagtulungan o ugnayan sa sinuman. Gayunpaman, magsimula nang ligtas at panatilihin secure ang iyong sarili upang masulit ang mga

benepisyo ng web. Makatutulong sa iyo ang sumusunod na mga payo at tools sa pag-navigate ng web kung ikaw man ay isang bagong user ng Internet o isang eksperto: • I-secure ang iyong mga passwords. Matuto nang higit pa tungkol sa kung paano lumikha ng malalakas na passwords at panatilihing ligtas ang iyong impormasyon. Gumamit ng mga kombinasyon gaya ng pagsasama ng mga letra at numero. Huwag ibigay ito sa sinuman, palitan ito palagi, at huwag isulat sa kahit saan. • Pag-sign in at pag-sign out. Simple at kapaki-pakinabang ang pag-sign in sa iyong mga accounts at mahalaga rin na mag-sign out. • Pamamahala ng maraming accounts. Sinusuportahan na ngayon ng iba’t ibang devices ang maraming online accounts. Matuto nang higit pa sa pag kontrol ng account na iyong gagamitin. • Suriin ang iyong mga settings. Alamin kung gaano katagal na napananatiling naka-sign in ang iyong account kahit di mo ito ginagamit. Piliin ang setting na awtomatikong nasa-sign out makalipas ang ilang minuto o oras na hindi na ito ginagamit. • Gumamit ng mga secure na network. Dagdagan ang pag-i-ingat sa tuwing mag-o-online ka gamit ang isang network na hindi mo kilala. Matuto tungkol sa secure na pagse-set up ng iyong router at WiFi network sa bahay o maaari rin kumonsulta sa eksperts. • I-lock ang iyong screen o device. Hindi natin inaasahang mawala ang ating mga gamit o mapakialaman ng iba subalit nangyayari ito kung minsan. Protektahan ang mga personal na impormasyon na nakalagay sa gadgets.

 Tips sa pag-iwas sa panic buying

Ang panic buying ay gawain ng mga tao na bumibili ng hindi karaniwang dami ng produkto sa pag-aakalang tataas ang presyo o mauubos ang mga produkto matapos ang isang kalamidad. Narito ang ilang mga tips sa pag-iwas sa panic buying: • Magstock ng iba’t ibang supplies. Siguraduhin na mayroong mga pangunahing pangangailangan sa iyong tahanan bago pa man dumating ang kalamidad. • Bumili ng sobrang supplies. Paunti-unting magdagdag ng mga ekstrang supplies sa tuwing mamimili ng iyong groceries. Siguraduhing ito ay gagamitin lamang sa panahon ng emergency. Pumili ng mga items na matagal pa ang expiration date. • Huwag makipagsabayan sa ibang mamimili. Tandaan na kapag mataas ang demand ng mamimili ay mataas din ang presyo ng mga bilihin. Bumili sa panahong salungat sa pamimili ng iba. • Makipag-ugnayan sa mga ahensiya ng gobyerno. Ang mga ahensiya ng gobyerno tulad ng Departments of Trade and Industry (DTI), Agriculture (DA), at Energy (DOE) ay nagpananatiling stable ang mga presyo ng bilihin at sinisigurado nilang sapat ang mga supplies sa merkado. Alamin sa mga tanggapang ito kung may pagbabago sa alin mang aspeto ng presyo ng bilihin.

Produced by: Department of Trade and Industry - Knowledge Management and Information Service 2F Trade and Industry Bldg., 361 Sen. Gil J. Puyat Ave., 1200 Makati City Telefax: (02) 895.6487. To subscribe, e-mail: publications@dti.gov.ph


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.