Issue No. 06 S/2013
Kalipunan ng mga impormasyong tinipon at sinulat para sa mga newscasters at broadcasters sa mga himpilan ng radyo sa buong bansa para sa kaalaman ng sambayanang Pilipino.
Uri ng negosyo ayon sa pagmamay-ari
May iba’t ibang klase ng negosyo ayon sa pagmamay-ari. Kadalasan, nakahanay ito ayon sa bilang ng nagtatag at namuhunan. Narito ang mga uri nito: • Solong pagmamay-ari o sole proprietorship. Ito ang pinakamadaling itatag na negosyo. Ang may-ari mismo ang gumagawa ng lahat ng desisyon. Dahil isa lang ang may-ari, siya lang ang mag-iintindi sa oras, atensyon, at pananalapi na kailangan sa negosyo. • May kasosyo o partnership. Mula dalawa hanggang limang katao ang magkasosyo sa ganitong uri ng negosyo. Sa partnership, magkakaroon ng check and balance ang magkasosyo kaya maiiwasan ang pang-aabuso. Magkatuwang din na haharapin ng magkasosyo ang mga problema. Sila rin ang magkasama sa tagumpay o pagkalugi nito. • Korporasyon. Hindi dapat bababa sa lima ang mga miyembro o shareholders sa pagtatatag ng korporasyon. Mas malaki rin ang oportunidad nito sa paglago. Ang pananagutan din ng shareholder ay limitado sa puhunang nilagak o limited liability. May pagkakataon din upang magkaroon ng propesyonal na pamamalakad ang negosyo at mas madalas na mahirap buwagin. • Kooperatiba. Kagaya ng korporasyon, ang pananagutan ng shareholder ay limitado lamang sa puhunang nilagak. Sa ganitong uri ng pagmamay-ari, mas marami ang mga miyembro at makikinabang. Maaari ring kumuha ang isang kooperatiba ng professional manager para mamahala. Higit sa lahat, ang mga kasapi ay hinihingan ng partisipasyon sa pagpapasya.
Ilang uri ng maaaring gawing negosyo Bago simulan ang pagnenegosyo, alamin muna kung anong klase ng produkto o serbisyo ang ihahatid sa pamilihan. Narito ang ilang ideya kung anong uri ng negosyo ang maaaring itayo: • Paggawa ng produkto. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang de lata, laruan, damit, preserved foods, at handicrafts. Pwede ring ihanay sa kategoryang ito ang paglalako ng mga kakanin at pagtatayo ng karinderya. Maaari rin namang maging supplier para sa mga natatanging pangangailangan o specialized markets tulad ng mga kagamitang pang-industriya, makinarya, at mga spare parts. • Pagbibigay ng serbisyo. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang pagkukumpuni, pag-iimprenta, pananahi, at barberya o beauty parlor. Gayundin ang catering, boutique, videoke, sports club, fitness gym, massage at wellness spa, Internet shop, call center, web designing, tutorial center, at business programming.
•
•
Pagpoproseso o paghahanda sa paggawa ng produkto. Sa pagpoproseso, hindi nangangahulugang gagawin ang kabuuang hakbang sa paggawa ng produkto; maaaring ilan lamang sa mga ito. Halimbawa nito ang paghahanda sa mga raw materials gaya ng paggigiling ng mais, palalagari ng kahoy, o pagpuputol ng yero. Maaari rin namang ilang finishing gaya ng pagbabarnis, pagpapakinis, pagbabalot, o pagtatali. Maisasama rin sa kategoryang ito ang pagbuburda, pag-uukit, at ang testing sa quality control. Pagiging subcontractor. Ito ay ang pagbibigay ng produkto o serbisyong kailangan ng ibang negosyo. Kadalasan, ang mga malalaking negosyo ang nangangailangan ng subcontractor. Ilan sa mga halimbawa ay manpower services at construction agency. Dapat may isa o dalawang kompanya na kukuha sa negosyo upang maging subcontractor upang matiyak ang pagkakaroon ng kita.
Rewards ng pagiging isang entrepreneur Nakasanayan na sa Pilipinas na kapag sinabing trabaho ay tumutukoy lamang sa pagiging bahagi ng kompanya kung saan ang isang indibidwal ay may boss at dapat sumunod sa mga patakaran. Naging kagawian na sa pagtukoy ng stable na buhay ang pagkakaroon ng trabaho sa opisina. Dahil dito, natatakot ang mga potensyal na entrepreneurs na sumugal sa kapalaran. Narito ang mga positive sides ng pagiging isang entrepreneur: • Magkakaroon ng malaking oportunidad na mapalago ang pera. Kapag nagtayo ng sariling negosyo, mas makikita ang paglabas at pagpasok ng salapi. Hindi limitado ang paraan upang kumita at mapalago pa ito. Ang pagkakaroon ng malaking kita ay depende sa panahon at pagsisikap na igugugol sa negosyo. • Mas may panahon na mapalawak ang abilidad at pagkamalikhain. Ang negosyo ay madalas nagsisimula sa mga ideya na nakakalap sa iba’t ibang karanasan. Sa pagtatayo ng negosyo, gumagawa at umiisip ng mga paraan ang negosyante upang makilala ang kanyang negosyo ng nakararami at hindi siya titigil hanggang ito ay maging matagumpay. • Pagkakaroon ng matibay na loob sa pagharap sa mga pagsubok .Ang pagsisimula ng negosyo ay isa ring kasiyahang hindi mapapantayan. Mas magkakaroon ng lakas ng loob na humarap sa mga hirap at problemang dala ng negosyo. • Pagkakaroon ng sense of fulfillment. Sa paghawak ng malaking responsibilidad, mas makikilala at magkakaroon ng respeto sa sarili.
•
Pagkakaroon ng pagkakataon na makatulong sa iba. Ang pagkakaroon ng sariling negosyo ay magiging malaking tulong sa kapwa dahil makapagbibigay ito ng mga bagong oportunidad. Kapag naging matagumpay ang negosyo mangangailangan ito ng maraming tauhan kung saan makapagbibigay ng kabuhayan sa mga tao.
Mga tips para sa estudyanteng entrepreneur Mayroong iba’t ibang uri ng negosyante. Ang ilan sa mga ito ay mas pinili ang mamuhunan kaysa sa pumasok sa isang kompanya bagaman maganda ang tinapos na kurso sa kolehiyo. Hindi rin lahat ng negosyante ay nakatapos ng pag-aaral. Ang iba ay mga estudyante pa lamang na nagnanais na makatanggap muna ng diploma bago higit na paunlarin ang negosyo. Narito ang ilang tips para sa mga estudyanteng entrepreneur: • Alamin ang tunay na saloobin. Higit sa lahat ng aspeto, ang unang hakbang para sa pagsisimula ng negosyo ay ang alamin ang sariling kasiyahan. Piliin ang interes at hilig dahil ang pagmamahal sa isang gawain ang magbibigay ng inspirasyon para tumagal ito. • Matuto ng time management. Ang pagsabayin ang pag-aaral at pamamalakad ng negosyo ay hindi biro. Kailangang bigyan ng pansin ang tamang paghahati sa oras upang mabalanse ang mga gawain at maging parehong matagumpay sa pag-aaral at pagnenegosyo. • Maging higit na palakaibigan. Ang mga guro at kamag-aral ay hindi lamang nagsisilbing mga mamimili, sila rin ay makatutulong sa pagbibigay ng mga payo para sa ikagaganda ng negosyo. Gamitin ang kanilang mga komento, positibo man o negatibo, upang higit na mapaunlad ang nasimulan na. • Gamitin ang mga libreng resources. May mga libreng resources na makikita sa library gaya ng libro, magasin, at kompyuter. Gamitin ang mga ito upang madagdagan ang mga kaalaman sa pagpapaunlad ng negosyo. • Maging agresibo, maparaan, at malikhain. Gamitin ang batang kaisipan sa pagtuklas ng mga bagong produkto at serbisyo na maaaring ihatid sa mga konsyumer. Huwag matakot sa paggawa ng mga kakaibang bagay na wala pa sa merkado. Sikapin na madaling makita ang mga materyales at mayroong sapat na supply nito sa sariling lugar. • Sumunod sa mga patakaran. Hindi ligtas sa mga alituntunin ang pagiging estudyante sa pagtatayo ng isang legal na negosyo. Mas maayos ang pamamalakad sa isang negosyo kung ito ay dumaan sa tamang proseso. Dapat itong irehistro sa mga ahensiya ng gobyerno para sa mga kaukulang permits. • Alagaan ang sarili. Ang pag-aalaga sa kalusugan ay isa sa mga puhunan na dapat ingatan lalo na kung isang tao lamang ang namumuno sa pagpapalakad ng negosyo. Hindi lamang ang negosyo ang dapat bigyan ng pansin kundi maging ang mga libro at pagsusulit sa paaralan. Kaya kailangan na laging masigla at malusog ang pangangatawan.
Mga kapakinabangan ng pagdalo sa mga trade fairs Ang mga trade fairs ay tinatawag ding trade shows, trade expo, o exhibitions. Maraming tulad nito ang matatagpuan sa mga kilalang malls. Kung ikaw ay isang negosyante, ang pagpunta sa mga trade fairs ay maaaring makatulong sa pagsisimula ng isang negosyo. Narito ang ilang mga kapakinabangan: • Batayang kaalaman. Ang pagdalo sa mga trade shows ay nagbibigay ng mga ideya upang mahanap ang ninanais na negosyo. Maraming malalaman mula sa mga exhibitors na handang magbahagi ng mga kaalaman tungkol sa kanilang mga produkto at serbisyo. • Mababang halaga ng produkto. Maraming murang halaga ang mabibili sa mga trade fairs sapagkat karamihan sa mga sumasali rito ay ipinakikilala pa lamang ang mga kanilang mga bagong tuklas na produkto. • Pagkilala sa mga suppliers. Ang ibang mga exhibitors ay maaaring mga suppliers din. Alamin kung sino ang higit na makatutulong upang mapanatili ang daloy ng supplies sa sariling tindahan.
Mga dapat tandaan kapag tag-ulan Tag-ulan na naman at kailangang maghanda dahil hindi natin alam kung kailan ito bubuhos nang malakas. Marami ang nagkakasakit sa tuwing tag-ulan kaya kailangang magkaroon ng malakas na pangangatawan bago ito sumapit. Narito ang ilang paalala sa panahon ng tag-ulan: • Ihanda ang payong, kapote, jacket, o kahit anong panangga sa ulan. Huwag kalimutan ang mga ito lalo na ang payong na gagamitin kapag bumugso ang malakas na buhos ng ulan. • Kumain ng mga pagkaing mayaman sa vitamin C. Ang vitamin C ay nakapagpapatibay ng ating immune system. Maiiwasan ang pagkakaroon ng sipon at ubo kung madalas na kumakain ng mga citrus fruits katulad ng dalandan at lemon. • Uminom ng maraming tubig at juices. Sanayin ang sarili sa pag-inom ng tubig at mga inuming mayaman din sa vitamin C. Sa pamamagitan nito, maiiwasan ang pagkakasakit dahil lilinisin nito ang katawan upang matanggal ang mga mikrobyo at bakterya. • Maligo agad kapag naulanan o pagkatapos lumusong sa baha. Ang ating katawan ay nakasasagap ng sakit dahil sa biglaang pagbabago ng temperatura.Ang pagligo ay makatutulong sa katawan sa pag-akma sa malamig na temperatura at malilinis nito ang katawan laban sa mga impeksyon at mga bagay na maaaring magdulot ng sakit. • Iwasang magsuot ng sapatos na madaling masira kapag nabasa. Ugaliin ang pagsusuot ng sapatos na matibay kapag tag-ulan. Gumamit din ng bota upang maiwasan ang mga sakit na dulot ng maruming tubig kung bumabaha. Uso na ngayon ang mga botang natutupi kaya mainam na magbaon nito upang maging handa kapag kinailangang lumusong sa baha.
Produced by: Department of Trade and Industry -Trade and Industry Information Center. 2F Trade and Industry Bldg., 361 Sen. Gil J. Puyat Ave., 1200 Makati City. Telefax: (02) 895.6487. To subscribe, e-mail: publications@dti.gov.ph