Issue No. 05 S/2013
Kalipunan ng mga impormasyong tinipon at sinulat para sa mga newscasters at broadcasters sa mga himpilan ng radyo sa buong bansa para sa kaalaman ng sambayanang Pilipino.
Balik-eskwela tips Ang pagbabalik eskwela ay paghahanda para sa panibagong taon ng pag-aaral. Narito ang ilan sa mga bagay na dapat isaalang-alang sa pagbabalik eskwela: • Maging organisado. Iwasang maging pabaya sa mga gamit. Makatutulong ang pagkamasinop upang higit na maging maayos ang pag-aaral. Maiwasan din ang karagdagang gastos sanhi ng madalas na pagbili ng mga gamit. • Ihanda ang talaan ng mga gawain. Pag-aralan ang tamang paggamit ng oras o time management. Bigyan ng higit na pansin ang mga mahahalagang bagay upang maraming tungkulin ang matapos . • Tumulong sa gawaing-bahay. Hindi lamang ang mga takdang-aralin ang dapat bigyan ng pansin kundi maging ang pagtulong sa mga gawaing-bahay. Ito ay makapagpapasaya rin sa mga magulang, kapatid, at iba pang mga kasama sa tahanan. • Matulog nang maaga. Unti-unti nang bawasan ang panonood ng telebisyon sa gabi. Hindi lamang para makatipid sa kuryente, kundi upang higit na maging alerto sa klase. Ang maaga at sapat na pagtulog ay maganda rin sa kalusugan.
Maging isang mabuting mamimili Ang pamimili ay dapat na may panuntunang sinusunod. Kaya naman, narito ang ilan sa mga dapat tandaan upang maging isang mabuting mamimili: • Panatilihin ang pagiging matalas at alerto. Iwasang mamili nang maraming iniisip, masyadong masaya, o malungkot. Nakaaapekto kasi ang mood upang maging padalus-dalos sa pagbili. • Suriing mabuti ang produkto bago bilhin. Kilatisin ang kalidad at kaligtasan ng produktong bibilhin. Halimbawa, lalo na sa mga pagkain, tingnan ang expiration date na siyang nagtatakda kung hanggang kailan maaaring magamit ang isang produkto. Tingnan din ang mga sangkap o raw materials at alamin kung may kemikal itong hindi maganda sa kalusugan. • Sumunod sa badyet at listahan ng bibilhin. Dapat ay kontrolado ang perang ginagastos. Iwasang sumobra sa nakatakda, overspending, over consumption, at pamimili ng higit sa kailangan. • Alamin kung ano ang mga pangunahing karapatan bilang isang konsyumer. Ang pagkakaroon ng tamang kaalaman tungkol sa mga karapatan ng isang mamimili ay malaking tulong upang makaiwas sa panlalamang at pandaraya. • Maglaan ng alternatibo. Kung sakaling hindi available ang produkto, humanap ng magandang pwedeng ipalit na hindi makasisira sa badyet. Kung sakali namang kapusin ang pera, alam din ng isang magaling na mamimili kung saan hahanap ng katulad na produkto sa mas mababang halaga.
•
•
Maging palangiti at makitungo nang maayos sa mga kapwa mamimili at tindero o tindera. Maging palakaibigan sa mga kapwa mamimili, maging sa mga tindero o tindera. Dito pumapasok ang konsepto ng “suki”. Maaaring mabigyan ng diskwento mula sa suking tindahan. Isipin ang kabutihan ng kalikasan. Bilang konsyumer, tungkulin mo ang pagkakaroon ng pananagutan sa kalikasan na unti-unting nasisira dahil na rin sa patuloy na pagkonsumo. Kaya naman, bilang isang mabuting mamimili, alamin kung anong mga produkto ang nakabubuti sa kalikasan.
Kabutihan ng pagnenegosyo Ang pagnenegosyo na siguro ang pinakamainam na paglaanan ng malaking perang hawak. Hindi rin naman maitatangging marami na rin ang nagnanais magtayo ng sariling negosyo. Narito ang ilan sa mga kagandahan nito: • Maaaring kumita nang malaki. Walang limitasyon ang maaaring kitain sa pagnenegosyo. Nakadepende na lamang ito sa pagsisikap, pagtitiyaga, at panahong igugugol. Malaki ang posibilidad ng pagyaman, lalo na kung mayroong tamang produkto sa tamang panahon. • Trabahong walang amo. Sa sariling mga kamay nakasalalay kung saan papunta ang negosyo. Ikaw ang magiging responsable sa mga desisyong gagawin. Ang tagumpay o pagkalugi ay depende sa tama o maling pagpapasyang gagawin. • May pagkakataong maging malikhain. Kadalasan, ang pagnenegosyo ay nagsisimula sa pagiging malikhain at mga mumunting creative ideas. Ang ganitong katangian ay patuloy rin na maipamamalas sa mga produktong ilalabas, maging sa mga advertisement at promotion. • Masusubok ang talas ng kaisipan at diskarte. Dahil nasa sariling kamay ang hinaharap ng negosyo, dito masusubok ang diskarte upang patuloy itong umarangkada. Sa mga panahong haharap sa mga problema, maipakikita ang katalasan ng isip upang makapagbigay ng angkop na solusyon para maiwasan ang pagbagsak ng negosyo. • Matutupad ang sariling hangarin. Masasabing isang accomplishment ang pagkakaroon ng negosyo. Sa simula pa lang ay may sarili ng hangarin kung bakit magnenegosyo at nasa sariling mga kamay nakasalalay kung matutupad ang mga ito. • Makatutulong sa kapwa. Natural na sa pagnenegosyo ang pagkuha ng empleyado o katuwang na tao. Sa paglago ng negosyo ay mangangailangan na ng mga supplier, kontratista, at iba pang may kaugnayan dito.
•
Makapagbibigay ng natatanging pamana sa pamilya. Maganda at katangi-tanging pamana para sa pamilya ang negosyo. Magiging daan ito sa isang matatag na hanapbuhay. Maaari ring matutunan ng pamilya ang buhay at pananaw ng isang entrepreneur na pwedeng isalin at ipamana sa mga susunod na henerasyon.
Gabay sa pagpili ng lugar ng negosyo Maraming magagandang negosyo ang hindi nagtagal dahil sa maling lugar na pinagtayuan nito.Kaya naman, narito ang ilang tips kung paano pipili ng angkop na lugar sa balak na negosyo: • Komunidad. Isaalang-alang ang mga polisiya ng lokal na pamahalaan. Alamin kung suportado ba nito ang mga maliliit na negosyo. Tingnan din ang populasyon at ang mga pangunahing pasilidad gaya ng supply ng kuryente o tubig lalo na kung mahalagang bahagi ito ng itatayong negosyo. Halimbawa, kung negosyong pagkain ang balak itayo, dapat may malinis at sapat na suplay ng tubig ang komunidad. Alamin din kung binabaha ang lugar. Dapat ay malapit din ito sa target na mamimili at wala sa isang tago o liblib na pook. • Tukuyin ang mga kakumpitensya. Alamin kung anong katangian mayroon ang magiging kakumpitensya, gaano ito katagal, at puntahan ba ito ng mga tao. Ito ang magsisilbing senyales upang matukoy kung ideal ba ang lugar sa pinaplanong tindahan. Halimbawa, kung magtatayo ng music shop, alamin kung ano ang kulang sa kabilang tindahan at tiyaking mayroon nito sa itatayong negosyo. Gusto kasi ng mga tao ang maraming pagpipilian at magkakalapit na mga tindahan. • Mga raw materials. Bigyang konsiderasyon ang produksyon. Alamin kung mayroong malapit na pagkukuhanan ng raw materials. Common ba ito at madaling hanapin o baka naman kailangan pang i-import sa ibang bansa o malayong lugar? • Transportasyon. Pag-aralan ang magiging gastos sa pagkuha at paghatid ng mga materyales at produkto. Dapat ay mayroon ding sapat na transportasyong pampubliko para sa mga empleyado at mga mamimili. • Tauhan. Dapat ay may makukuhang tauhang malapit lamang o nasa mismong lugar na pagtatayuan ng negosyo. Mas makabubuti ito dahil magiging mas malaki ang tulong nila sa negosyo. Maganda rin ito para sa mga kukuning tauhan dahil makatitipid sila sa pamasahe pagpasok. • Mismong pagpupwestuhan. Kung lote ang kailangan, sapat dapat ang laki nito. Alamin kung pasok sa bulsa ang halaga ng upa nito at ang gastos sa pagpapaganda nito. Kung sa loob ng gusali, isaalang-alang ang mga pangunahing kailangan gaya ng air conditioning at parking space. Pag-aralan din kung gaano katagal ang magiging kontrata at upa. Tiyakin din na mataas ang foot traffic sa lugar na pagtatayuan ng negosyo upang mas malaki ang tsansa na kumita ito.
Pagbibigay ng kaalaman tungkol sa tamang paggastos Maaaring gamitin ng mga magulang ang bawat araw upang turuan ang mga anak sa tamang paggastos. Narito ang ilan sa mga paraan: • Pag-aralan ang sariling kaugalian tungkol sa pera. Karamihan sa mga bata ay hindi nasusundan ang tinuturo ng kanilang mga magulang dahil iba ang tinuturo nila sa nakikita sa kanila ng kanilang mga anak. Tandaan: Ginagaya ng mga bata ang mga katangian na kanilang nakikita. Dahil dito, tiyakin na nakikita ng mga bata kung ano ang itinuturo sa kanila. • Maging bukas sa usaping pinansiyal. Sa murang gulang pa lamang ay ibahagi na sa mga bata ang wastong paggamit at halaga ng pera. Bagama’t may mga pamilyang hindi kinakapos, higit na mabuti kung ituturo sa mga bata ang aspetong ito. • Maglaan para sa pag-iipon. Turuang mag-impok sa alkansiya ang mga bata dahil nagpapaunlad ito sa munting kaalaman nila ukol sa pagsisinop. Kung may sapat nang naimpok, ipagbukas sila ng bank account at doon ilagay ang naipon. • Maging masinop. Ang pagiging maayos sa gamit ay nakatutulong upang mabawasan ang mga gastusin tulad ng muling pagbili ng mga bagay na hindi naingatan. • Ipaunawa sa mga anak ang kaibahan ng gusto sa kailangan. Habang bata pa sila, ipamulat na sa kanila na mas dapat unahin ang mga bagay na kailangan kaysa sa mga bagay na gusto lang.
Mga tips para sa mga magulang sa darating na pasukan Maraming bagay na isinasaalang-alang ang mga magulang tuwing darating ang buwan ng pasukan. Narito ang ilang tips upang makatulong sa pagbabadyet, pagpapanatili ng kalusugan hindi lamang ng mga anak kundi ng mga magulang din at maging ng kalikasan: • Paghahanda ng pagkain. Ang tamang pagpili ng mga pagkain ay higit na kailangan upang mapanatili ang kalusugan ng bawat miyembro ng pamilya. Kaya naman, ipinapayo na pabaunan ang mga bata ng prutas at gulay sa eskwela. • Gumawa ng listahan ng mga bibilhin. Bilhin lamang ang mga lubhang kailangan ng mga bata. Suriin kung ito ba ay kailangan o gusto lamang. Tingnan din kung may mga bagay na maaari pang pakinabangan mula sa nakaraang schoolyear. • Isaalang-alang ang kalikasan. Pumili ng mga eco-friendly na produkto. Makatutulong ito sa kalikasan at mabibigyan pa ng aral ang mga bata kung paano pahalagahan ang kapaligiran. • Pag-iwas sa stress. May mga posibilidad na makaramdam ng karagdagang pagod at tensyon sa nalalapit na pagbubukas ng klase. Subuking sa gabi pa lamang ay isulat na ang mga gawain ayon sa pagkakasunud-sunod upang hindi malito sa umaga. Tiyak na makatitipid sa enerhiya ng katawan, gayundin sa kuryente, tubig, at iba pang mga bagay.
Produced by: Department of Trade and Industry -Trade and Industry Information Center. 2F Trade and Industry Bldg., 361 Sen. Gil J. Puyat Ave., 1200 Makati City. Telefax: (02) 895.6487. To subscribe, e-mail: publications@dti.gov.ph