Radio Bits (May2014)

Page 1

Issue No. 05 S/2014

Kalipunan ng mga impormasyong tinipon at sinulat para sa mga newscasters at broadcasters sa mga himpilan ng radyo sa buong bansa para sa kaalaman ng sambayanang Pilipino.

 Tips sa matalinong pag-iipon Lahat ng tao ay nagnanais magkaroon ng magandang buhay. May ibang nais magkaroon ng maraming karanasan katulad na lamang ng pagbabakasyon o pagpunta sa iba’t ibang mga events. May iba namang masaya sa pangongolekta ng mga bagaybagay, pagbili ng mga gadgets, at may iba naman na nais magkaroon ng sariling bahay o makapag-aral sa ibang bansa. Karamihan sa mga ito, kundi man lahat, ay may katumbas na paggastos kung kaya kailangang pag-ipunan.Narito ang ilang mga mungkahi sa pag-iipon upang makamit ang mga minimithi: • Pagtukoy ng iyong mga ninanais. Tukuyin ang mga nais bilhin sa hinaharap. Kadalasan nagsasabi tayo ng mga gusto natin ngunit wala namang tiyak na halagang sinasabi. Sa halip na sabihing “Gusto ko ng bagong bag,” bakit hindi maging tiyak at sabihing “Gusto ko ng bagong bag na nagkahahalagang P1,500 na bibilhin ko sa loob ng tatlong buwan.” • Gumawa ng plano. Isiping mabuti kung kailan gustong bilhin at kung kailan maaari mo nang mabili o matupad ang ninanais na bagay, bakasyon, o kung ano pa mang minimithi. Kung hindi man maisasama ito sa budget ng iyong monthly income, gawan ng paraan kung paano mapaliliit ang gastos o kung paano mas mapalalaki ang income. • Mag-isip ng mga alternatibong pamalit sa mga gawi na mahal. May mga mahilig sa mga skincare essentials na mahal. Maaari namang gumawa na lamang ng sariling do-it-yourself (DIY) solutions. • Iwasan na ang paggastos nang hindi naman kinakailangan. Madalas kapag mayroong nakitang bagay na nagustuhan, bigla na lang bibilhin kahit wala naman sa budget. Gumawa na ng iyong budget at tukuyin din kung ano ang mga bagay na pwedeng tanggalin sa listahan. • Ibenta ang mga lumang gamit na magagamit pa. Maaaring makatulong pa ito sa iba at maaari ka ring kumita na maidadagdag sa ipon. • Gumawa ng savings account. Mas magiging effective ang pag-iipon kung magbubukas ng sariling account para sa iyong ipon lamang. Nakahiwalay na ang iyong gastos at minsan kung maisipan mang magwithdraw ay mapapaisip ka pa kung tama o mali ba ang panibagong paggastos.

 Tips sa paggamit ng credit card para sa online shopping Ang mga credit cards ay karaniwan nang ginagamit sa pagbili sa mga online shops. Matipid sa oras, madali, at masayang mag-online shopping lalo na kung hindi lalampas sa credit limit. Gayunpaman, maging disiplinado sa paggamit nito kung hindi ninanais na matabunan ng mga bills sa tuwing sasapit ang katapusan ng buwan.

Upang makaiwas sa mga posibleng problemang pinansiyal, ang mga sumusunod ay mahahalagang payo para sa mga online shopaholics na gumagamit ng credit card: • Gumamit lamang ng isa o dalawang credit cards. Iwasang gumamit ng marami at iba’t ibang klaseng credit cards dahil mahihirapang bantayan ang lahat ng binibili sa Internet. Pumili lang ng credit card na naiintindihan at kabisado ang mga terms. • Piliin ang credit card na may pinakamababang interest rate. Laging gamitin ang card na may pinakamababang interest rate kung hindi lang isa ang ginagamit dahil kung hindi man mabayaran ang mga bills sa tamang oras, mayroon kang matitipid kahit sa interes lang. • Subuking bayaran ang mga binili sa takdang oras. Karamihan sa mga bangko ay hindi nagpapataw ng interes sa loob ng 20-45 na araw matapos bumili gamit ang credit card. Ang tawag dito ay ‘interestfree period.’ Kung hindi mabayaran ang outstanding balance sa loob ng period na ito, ang mga natitirang kailangan bayaran ay mapupunta sa susunod na buwan at muli itong mapapatawan ng interes. Mas maaaring mag-enjoy ng interest-free online shopping kapag sinigurado na ang pagbayad ay hindi lumalagpas sa deadline nito.

 Mga solusyon kapag bigo sa pagbabayad ng minimum payment sa credit card Madaling sumobra sa paggastos gamit ang credit card kung hindi binabantayan ang mga gastusin. Maaaring hindi rin mabayaran ang required minimum payment na makapagdudulot ng dagdag na interes. Narito ang ilang mga hakbang na maaaring makatulong sa ganitong sitwasyon: • Tawagan ang iyong bangko. Ipaliwanag ang sitwasyon at mangakong ito ay isang beses lang mangyayari. Magbigay ng petsa kung kailan pwedeng makapagbayad. Maraming mga bangko ang nagdudugtong sa palugit ng pagbabayad sa credit card bills at ang iba ay hindi na naniningil ng multa sa nahuling pagbabayad. • Bayaran ang minimum payment hangga’t maaari. Magpapatung-patong ang maraming multa at masisira ang personal credit rating na magiging simula ng paglubog sa utang kung hindi babayaran ang minimum payment kada buwan. • Bantayan ang iyong gastusin. Gumawa ng listahan para mabantayan ang iyong araw-araw o lingguhang gastusin. Ang layunin ng listahang ito ay alamin kung may sapat na matitirang budget bago pa man dumating ang susunod na bayarin. • Gumawa ng iyong buwanang budget. Ang credit card ay nagbibigay sa atin ng kakayahang bumili bago pa tayo makaipon. Huwag masanay sa walang


pakundangang paggastos na resulta ng hindi pagkakaroon ng disiplina sa sarili. Sa paggawa ng buwanang budget, maaaring makontrol ang pananalapi. Isantabi ang halaga na kailangan hanggang sa katapusan ng buwan para ayusin ang mga bayarin sa credit card.

 Mga paraan upang mapanatiling ligtas ang credit card Dumarami na ang mga pangyayari kung saan nagagamit ng ibang tao ang credit card na hindi naman sa kanila. Nalalaman na lang ito ng may-ari ng credit card kapag dumating na ang billing statement niya o kung denied ang card niya sa sandaling gagamitin na niya ito gayong alam niyang hindi pa siya umaabot sa credit limit. Panahon na upang maging alerto, matalino, at maingat sa paggamit ng credit card. Narito ang ilang mga tips: • Pirmahan agad ang credit card sa oras na matanggap ito. Ang mga hindi napirmahan na credit cards ay maaaring magamit ng posibleng makakukuha nito sa pamamagitan ng paglalakip ng sarili niyang pirma. • Itago ang PIN o security code number. Ang security code ay karaniwang nakalagay sa likod ng credit card. Huwag ipagbigay-alam kaninuman ang huling tatlong numero ng credit card. Palitan naman agad ang PIN sa oras na matanggap ang bagong credit card. • Panatilihing pribado ang impormasyon ng credit card. Huwag ibahagi kaninuman ang mga impormasyon kung ninanais na maging ligtas ang credit card laban sa mga mapagsamantala. • Alamin ang numero ng bangko ng iyong credit card. Ipaalam agad sa bangko kung nawala ang credit card upang hindi ito magamit ng makakukuha nito. Iwasan din na ipahiram ito sa iba.

 Checklist sa pagbabakasyon Sa pagdami ng mga local airline companies na nagbibigay ng murang pamasahe o vacation package, marami na rin ang naeengganyong magbakasyon sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas. Gayunpaman, isang aspeto lang ang paggastos sa pamasahe kung magbabakasyon. Kapag hindi nabadyet nang maayos ang gastos, maaari talagang gumastos nang malaki. Narito ang mahahalagang aspeto na dapat paglaanan ng budget habang pinaplano ang bakasyon: • Transportasyon. Laging magresearch tungkol sa mode of transportation ng pupuntahang lugar. Mas mura kapag gagamit ng mga public transportations ngunit kung malaking grupo ang aalis, mas maganda kung umupa na lamang ng sasakyan. Mas makatitipid pa at hindi kailangan magmadali kung kapos sa oras. • Accommodation. Hindi kailangan maging sobrang mahal ang titirhan. Kung nais lang naman ay may matulugan at mapag-iwanan

ng mga gamit habang namamasyal, hindi kailangan maghanap ng mamahaling hotel. Maraming mga murang accommodation na makikita sa pinaplanong pagbakasyunan. Tiyakin lamang na maayos ang security sa matutuluyan. Dapat ding magpareserba nang mas maaga lalo na sa panahong marami ang bakasyunista. • Pagkain. Maraming lugar sa mga bakasyunan na may murang makakainan. Magresearch o magtanung-tanong sa mga kakilalang nakapunta na sa mga lugar na nais pagbakasyunan. Mas makapag-e-explore ka pa ng iba’t ibang kultura dahil sa pagkakaroon ng pagkakataong makasalamuha ang mga locals. • Activities. Bago pa man ang bakasyon, maghanap na ng magagandang activities na maaaring gawin sa pagbabakasyunan. Mas makapagpaplano pa ng budget at itinerary kung alam na ang ganitong mga bagay.

 Tips sa back-to-school shopping Malapit na naman ang pasukan kaya ang mga consumers ay naghahanda na ng mga gamit ng mga estudyante. Sa panahon ngayon, mas dapat maging praktikal at wais sa pamimili. Narito ang ilang mga tips: • Gumawa ng listahan. Maghanda ng listahan ng mga gamit na pangunahing kailangan sa eskwelahan. Hindi kailangang magtabi ng marami dahil baka ang iba ay hindi rin magamit. Ang listahan ay makatutulong din upang hindi magkadoble-doble ang gamit na bibilhin. • Piliin ang ilang gamit na mapakikinabangan pa. Wala namang masama kung gamitin ulit ang mga lumang supplies. Siguraduhin lamang na maayos pa ang mga ito. • Magkumpara ng mga presyo. Piliing mabuti ang bibilhin at tingnan kung saan mas makatitipid. • Mamili nang maaga. Upang hindi na mahirapan, huwag nang sumabay sa dagsa ng mga tao para mas makapamili pa nang maayos ng mga kagamitan pang-eskwelahan. • Gumamit ng mga lumang papel sa pagbabalot ng mga libro at kwaderno. Gumamit ng lumang dyaryo o manila paper kaysa plastic upang ipantakip sa mga kwaderno at libro. Makatutulong pa ito sa kalikasan. • Bumili ng mga de-kalidad at matitibay na gamit. Huwag gawing batayan ng pagbili ang mga designs lamang. Suriing mabuti kung matibay ang bibilhing gamit tulad ng bag at sapatos upang mas mapakinabangan nang matagalan. • Samantalahin ang mga Diskwento Caravan na pinangungunahan ng Department of Trade and Industry. Mas makatitipid at makasisigurong de-kalidad ang mga gamit kung dito bibili. Tumawag sa DTI Direct 751.3330 o bumisita sa www.dti.gov.ph upang malaman ang schedule nito sa inyong lugar.

Produced by: Department of Trade and Industry -Trade and Industry Information Center. 2F Trade and Industry Bldg., 361 Sen. Gil J. Puyat Ave., 1200 Makati City. Telefax: (02) 895.6487. To subscribe, e-mail: publications@dti.gov.ph


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.