Radio Bits (Nov.2013)

Page 1

Issue No. 11 S/2013

Kalipunan ng mga impormasyong tinipon at sinulat para sa mga newscasters at broadcasters sa mga himpilan ng radyo sa buong bansa para sa kaalaman ng sambayanang Pilipino.

 Mga dapat tandaan tungkol sa price freeze

Ang pamahalaan ay nagpapatupad ng ilang mga batas na angkop tuwing sasapit ang mga kalamidad. Ito ay upang maiwasan ang mga nananamantala at mapangalagaan ang karapatan ng mga mamimili. Kabilang dito ang pagpapatupad ng price freeze. Narito ang ilang mga kaalaman na dapat tandaan: • Ano ang price freeze? Ito ay ang pagpapanatili sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa mga lugar na nasa state of calamity sa presyo nito bago pa ang deklarasyon. Maaari itong tumagal hanggang 60 araw simula sa deklarasyon, maliban na lang kung bawiin ito ng Sangguniang Panlalawigan/Lungsod/Bayan o ng Pangulo. • Ano ang parusa sa mga lumalabag sa price freeze? Ang sinumang negosyante na hindi sumusunod sa price freeze na ipinatutupad ng pamahalaan ay may kaukulang parusa o multa na hindi bababa sa P5,000 hanggang P1M at/o pagkakakulong na hanggang 10 taon. • Ano ang Price Coordinating Council? Ito ang grupong gumagawa ng mga istratehiya upang mapanatili ang mga presyo ng mga pangunahing produkto o ipatupad ang price freeze kung kinakailangan. Ang Kalihim ng Department of Trade and Industry (DTI) ang tumatayo bilang Chairman. Kabilang naman sa mga miyembro ang mga Kalihim ng Departments of Agriculture (DA); Health (DOH); Environment and Natural Resources (DENR); Interior and Local Government (DILG); Transportation and Communications (DOTC); Justice (DOJ); at Energy (DOE). Kasama rin sa Council ang National Economic and Development Authority (NEDA) Director General at mga kinatawan mula sa sektor ng mga consumers, agricultural producers, trading, at manufacturers.

 Iba’t ibang uri ng typhoon scams Maraming lugar sa Visayas ang nangangailangan ng tulong dahil sa nagdaang Super Typhoon Yolanda. Libu-libong donasyon ang tinatanggap ng Pilipinas kaya dapat mag-ingat ang lahat sa mga institusyon na pagbibigyan ng tulong. Bukod sa pagbibigay ng tulong, dapat ding siguraduhin na makararating ito sa taong higit na nangangailangan. Narito ang ilang mga tips para masigurong tama ang pagbibigyan ninyo ng donasyon: • Text/SMS scams. Minsan ay makatatanggap ng text mula sa hindi kilalang number na nanghihingi ng donasyon. Sa una ay wala kang magiging ideya kung sino ang nagpadala nito. Maaaring magpakilala na siya ay isang abogado o social worker. Sasabihin nitong kabilang siya sa pinagkakatiwalaang institusyon ng gobyerno o kadikit niya ang isang prominenteng opisyal

ng gobyerno. Magtatanong ang scammer ng iyong bank account number. Mapapansin sa text ng scammer na para kang pinagmamadali sa kagustuhan nilang magbigay ka na agad ng donasyon. Bogus online charities. Madalas gamitin ng mga sindikato ang mga kilalang grupo o organisasyon para makapanloko ng mga tao. Gagamit ang mga scammers ng pekeng website na nakapaloob ang pangalan ng prominenteng foundation. Ang pekeng website ay halos kaparehas ng orihinal na website ng organisayon na pinaggayahan. Ang tanging iibahin lang na detalye ay kung saan ipadadala ang mga donasyon. Madalas ang pakikipag-usap nila ay hindi personal. May iba naman na gumagamit ng pekeng mga sulat at e-mails at mayroon din namang nakikipagkita para lamang makakuha ng malaking donasyon. Red flags. Kapag nagtanong tungkol sa charity, madalas ay wala silang masasagot. Hindi sila nagbibigay ng buong pangalan, tax status, address at phone number. Kung maging mapilit ka sa pagtatanong sa kanila ng mga kaukulang impormasyon, mas magiging defensive sila. Minsan ang mga taong gumagawa nito ay gumagamit reverse psychology upang makaramdam ka ng guilt at makapagbigay pa ng mas malaking donasyon. Hindi sila tumatanggap ng tseke; kung sakali man, mas nanaisin nilang ipangalan sa kanila ang tseke kaysa sa sinasabi nilang pangalan ng charity.

 Mga pwedeng ibigay sa mga biktima ng bagyo Likas na sa mga tao ang pagbibigay ng mga bagay na hindi na nila kailangan o hindi na madalas gamitin. Ang mga biktima ng Super Typhoon Yolanda ay lubos na nangangailangan ng mga donasyon dahil karamihan sa kanila ay nawalan ng tahanan. Mayroon namang iba na mas gusto magbigay ng pera ngunit maaari rin namang magbigay ng mga lumang gamit na maaari pang mapakinabangan. Narito ang ilan sa maaaring ibigay: • Canned goods, noodles, bigas. Mahihirapang magluto sa panahong kapos sa mga gamit ang mga biktima ng bagyo. Mas mapadadali ang sitwasyon kung hindi na nila poproblemahin kung paano sila magluluto. Kung mas malapit ka naman sa lugar ng mga nasalanta ng bagyo, maaaring magluto ng pagkain at ipadala ito sa kanila. Siguraduhin lamang na hindi ito masisira agad. • Bottled water. Isa sa mga pangunahing pangangailangan ng tao ang malinis na tubig kung kaya ito dapat ang unahing ibigay sa mga nasalanta.


• •

Mga t-shirt, shorts, daster, atbp. Isipin muna kung magagamit pa ba ang ibibigay. Huwag mag-donate ng hindi naman nila magagamit katulad ng magagarang damit, gowns, at iba pa. Mas makatutulong kung magbibigay ng mga pambahay na maisusuot nila sa pang-araw araw. Mga bagong underwear. Isa ito sa madalas na hindi naiisip na ibigay sa kanila ngunit alam natin na isa ito sa mga pangunahing pangangailangan. Mga kumot o mga masusuot panlaban sa lamig. Dahil nawalan na sila ng tahanan, madalas ay nakikisilong lang sila sa mga evacuation center o pinagtagpi-tagping mga kahoy at tarpaulin. Mas kailangan nila ang mga pangontra sa lamig lalo na kapag sapit ng gabi. Mga laruan at libro para sa mga bata. Mas mapadadali ang paggaan ng kanilang kalooban kung makapagbibigay sa kanila ng mga aktibidad na makatutulong makalimot kahit sandali sa nagdaang trahedya. Dahil wala pa silang mga pasok, ang mga laruan ay magiging libangan nila kahit panandalian lamang.

 Mga paalala sa pagkakawanggawa Ang mga tao ay likas na matulungin sa panahon ng kalamidad at iba pang mga pagsubok. Ang pagkakawanggawa ay isang kaugalian na dapat panatilihin. Gayunpaman, hindi maiiwasan ang ilang mga nagsasamantala. Narito ang mga tips sa ligtas na pagtugon at pagbibigay ng tulong sa kapwa: • Uri ng suporta. Ang pinakamagandang ibahagi sa mga organisasyon na tumutulong na sa mga apektadong lugar ay ang pinansiyal na donasyon. Huwag magpadala ng mga relief goods maliban na lamang kung ito ay hinihiling. • Kilalanin ang organisasyon. Iwasan na maging emosyonal sa pagbibigay ng tulong. Siguraduhing mapagkakatiwalaan ang mapipiling organisasyon. Alamin kung ito ay kilala sa pagsasagawa ng mga lehitimong operasyon. Mag-ingat sa pagbibigay ng donasyon sa mga kompanya na gumagamit ng mga kilalang pangalan subalit nagpapanggap lamang. • Pag-aralan kung saan nais gamitin ang iyong donasyon. Ito ay maaaring magbigay ng mabilis na tugon sa pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, gamot, at damit. Samantala, pwede rin ang pagtulong sa pagtatayo ng mga imprastraktura tulad ng paaralan, ospital, at iba pa. Ipagbigay-alam sa organisasyon ang gusto mong paraan ng pagtulong. • Hikayatin ang mga kaibigan. Higit na masaya kung marami ang tumutulong at natutulungan. Tanungin o ipagbigay-alam sa mga kaibigan ang mga paraan na maaaring gawin para makapagpasaya ng mga nangangailangan.

 Mga tips ngayong Kapaskuhan Ang pagtitipid sa pagsapit ng Pasko at Bagong Taon ay hindi nangangahulugan na tinitipid din ang kasiyahan sa mga panahong ito. Narito ang mga paraan sa pagpaplano ng abot-kaya at masayang panahon ng Kapaskuhan:

Ayusin ang budget. Simulan ang pagpaplano. Tingnan ang sariling kakayahan sa paggastos at alamin kung ilan ang halaga na kayang gamitin. Hatiin ito sa iba’t ibang gastusin gaya ng mga panregalo, pagkain, at dekorasyon. Gumawa ng listahan. Maglaan ng panahon sa paglilista ng pagbibigyan ng mga regalo. Maaaring bawasan ang nakaraang listahan kung hindi na ito kaya ng budget upang maiwasan magkaroon ng utang at dagdag na alalahanin. Magtakda ng limitasyon sa pagbili para sa bawat isa. Isulat muna ang mga naiisip bilhin bago pa man pumunta sa napiling tindahan. Maging matalinong konsyumer. Ang pagbili ng mamahaling regalo ay hindi nangangahulugan na ito ay mas mabuti o mas makapagpapasaya sa pagbibigyan nito. Tingnan ang kalidad at tiyakin na ang presyo nito ay naaangkop sa klase ng produkto. Simulan ang pagbili ng mga pangregalo bago pa man sumapit ang -ber months upang maiwasan ang dagsa ng mga mamimili. Maging malikhain. Maaaring magdulot ng higit na kasiyahan ang iba pang bagay lalo na kung ito ay ginawa ng mismong nagbigay ng regalo. Gamitin ang malikhaing kaisipan sa pagbabalot ng regalo. Iwasan ang paggamit ng mga mamahaling gift wrappers. Huwag bumili ng para sa sarili. Iwasan ang kaugalian na bumili ng para sa sarili dahil gusto rin ang mga bagay na ibibigay sa iba. Tiyak na magiging doble ang gastusin kung ipagpapatuloy ang nakasanayan na.

 Tips sa pagbili ng Christmas lights Isa sa mga mahahalagang palamuti tuwing Pasko ay ang mga Christmas lights. Malaking tulong ito sa pagpapalamuti sa bahay kaya dapat tiyaking ligtas itong gamitin. Narito ang ilang tips para sa pagbili ng ligtas na Christmas lights: • Tiyakin na may Import Commodity Clearance (ICC) mark ito. Kapag nakita ang mark ay siguradong ligtas itong gamitin dahil pumasa ito sa mandatory safety test ng Department of Trade and Industry (DTI). • Tiyaking hindi peke and ICC mark. Foil-like hologram sticker ito na may ICC seal at may kaakibat na serial number at year of certification. • Suriing mabuti ang packaging. Dapat nakapaloob sa lalagyan ang buong pangalan at address ng distributor, rated voltage at wattage ng lamps, batch/lot code at bar code, brand name, standard used (PNS 189:2000), at pinagmulang bansa ng package. Kailangan ding makita ang markang “for indoor use” sa packaging. • Suriin ang outside diameter na sukat ng wire. Dapat ito ay 1.5 mm in diameter. • Iwasan ang connecting multiple sets ng Christmas lights. Tandaan na hanggang tatlong sets lamang ang pwedeng ikonekta para sa 50-bulb set at dalawang sets naman para sa 100-bulb set ng mga ilaw. Kung sosobra rito ay delikado na at maaaring pagmulan pa ng sunog.

Produced by: Department of Trade and Industry -Trade and Industry Information Center. 2F Trade and Industry Bldg., 361 Sen. Gil J. Puyat Ave., 1200 Makati City. Telefax: (02) 895.6487. To subscribe, e-mail: publications@dti.gov.ph


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.