Radio Bits (November 2014)

Page 1

Issue No. 11 S/2014

Kalipunan ng mga impormasyong tinipon at sinulat para sa mga newscasters at broadcasters sa mga himpilan ng radyo sa buong bansa para sa kaalaman ng sambayanang Pilipino.

 Tips para sa stress-free at masayang holiday season Ang pagsalubong sa Pasko ay dapat nakapagbibigay ng saya sa ating mga damdamin. Hindi ito nararapat na magdulot ng stress, pagkataranta, pag-aalala, at iba pang mga negatibong emosyon. Ang bilang ng mga nagkakasakit ay tumataas din sa pagsapit ng holiday season na maiuugnay sa maling lifestyle. Narito ang ilang mga tips upang masiguro ang pagdiriwang ng isang stress-free at masayang Kapaskuhan: • Magkaroon ng sapat na pahinga o tulog. Maiiwasan ang pagkakasakit kung husto ang pahinga at tulog. Mabuti rin ito upang magampanan nang mas maayos ang mga gawain. • Panatilihin ang kalusugan. Iwasan ang mga bisyo na nakapagdudulot ng masamang kalusugan tulad ng labis na pag-inom ng alak at paninigarilyo. Kumain din ng mga pagkaing may sapat na nutrisyon subalit nararapat din na hindi labis sa pangangailangan ng katawan. Ang regular na pag-eehersisyo ay bigyan din ng sapat na panahon bagaman maraming aktibidad na gagawin o pauunlakan. • Huwag uminom ng alak at magmaneho ng sasakyan pagkatapos. Hindi inaasahan ang mga sakuna kaya dapat ay laging mag-iingat. Kung sakaling magkaroon ng pagkakataon na magkonsumo ng alak, iwasan ang pagmamaneho. • Disiplinahin ang sarili. Dumalo sa mga handaan ngunit siguraduhin na sapat lang ang kakainin. Iwasan ang mga pagkain na matataba o nakapagpapataas ng cholesterol level, matatamis, at maaalat upang manatiling malusog. • Sundin ang mga tips sa pagbibigay ng mga regalo. Ang pamimili ng regalo ay maaaring magdulot ng stress. Maaari namang maging mapagbigay at maalalahanin na hindi kailangang maaapektuhan ang iyong kalusugan.

 Tips sa pagreregalo ngayong Pasko Ang pagdiriwang ng Pasko ay maaaring maging makabuluhan kahit na simple lamang ang magiging plano para sa araw na ito. Ang pag-alala sa mga mahal sa buhay sa pamamagitan nang pagbibigay ng kahit na munting regalo lamang ay magbibigay na ng saya sa kanila. Ang kailangan lamang ay maging matalino at malikhain sa pagpili ng ibibigay. Narito ang ilang mga tips na maaaring gawin: • Siguraduhin na ligtas ang mga bibilhin na laruan. Tiyak na magugustuhan at magagamit ng mga bata ang mga laruan. Gayunpaman, alamin munang mabuti kung ano ang mga materyales na ginamit sa paggawa nito upang masigurong ligtas ito para sa kanila at naaayong gamitin para sa kanilang edad.

Maging alerto sa mga anunsiyo sa telebisyon at radyo. Ang mga ahensiya ng ating pamahalaan tulad ng Department of Trade and Industry (DTI) ay nagbibigay ng babala kung sakaling may masamang dulot ang mga laruan sa mga batang gagamit nito. Ang iba namang mga ahensiya ay nagbibigay rin ng impormasyon kung may mga negatibong dulot ang produktong sakop nila. Humanap ng ibang alternatibo. Hindi lamang mga laruan ang maaaring ibigay sa mga bata. Maaaring bigyan sila ng libro at iba pang gamit na makapagpapaunlad ng kanilang kaaalaman sa literatura at kasanayan sa sining. Mapalalawak ang kanilang mga kaalaman sa pamamagitan ng mga naiibang uri ng regalong ibibigay sa kanila. Gamitin ang pagiging malikhain. Ang mga regalo na ginawa ng sariling kamay ay magbibigay ng karagdagang saya sa pagbibigyan nito. Alamin kung ano ang talentong mayroon ka at gamitin ito sa paglikha na iyong personalized gift. Planuhin ang pamimili. Maglaan ng sapat na oras at panahon sa pamimili ng mga regalo sa Kapaskuhan. Ilista ang lahat ng mga bibilhing regalo bago pa umalis sa inyong tahanan. Hatiin ito sa iba’t ibang araw kung hindi kayang gawin nang minsan lamang. Umiwas sa last-minute shopping. Pwede itong iwasan kung paghahandaan ang pamimili ilang buwan bago pa sumapit ang Kapaskuhan. Simulan ang pamimili na paunti-unting mga regalo kung ikaw ay laging pumunta sa mga malls, lalo na sa pagkakataong may mga sale items.

 Tips sa pagbabakasyon ngayong holiday season Maraming araw na walang pasok ngayong panahon ng Kapaskuhan. Higit na magiging kapakipakinabang ang pagbabaksyon kung magagamit ito sa mga makabuluhang bagay. Narito ang mga tips na maaaring gawin: • Maglinis ng bahay o sariling silid. Maglaan ng ilang oras o araw sa paglilinis ng iyong mga kagamitan na maaaring hindi mo na nagagamit. Mas maayos ang pagpasok ng Bagong Taon kung organisado ang iyong mga kagamitan. • Magtayo ng garage sale. Ibenta ang mga bagay na hindi na kailangan kung ninanais mong mapakinabangan ng iba ang iyong mga gamit o kung gusto mong magkaroon ng dagdag na ipon. Subukin mong maging entreprenyur kahit minsan lang sa isang taon. • Maglaan ng sapat na oras sa pamilya. Magkaroon ng isang maayos na pagpupulong kasama ang bawat miyembro ng pamilya. Ang pakikipag-usap sa kanila ay maaaring makabuo ng isang magandang plano para sa pagpapaunlad ng inyong kabuhayan sa susunod na taon.

Produced by: Department of Trade and Industry - Knowledge Management and Information Service. 2F Trade and Industry Bldg., 361 Sen. Gil J. Puyat Ave., 1200 Makati City.



Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.