Issue No. 10 S/2014
Kalipunan ng mga impormasyong tinipon at sinulat para sa mga newscasters at broadcasters sa mga himpilan ng radyo sa buong bansa para sa kaalaman ng sambayanang Pilipino.
u Tips sa All Soul’s Day at All Saint’s Day Bilang paggunita sa All Soul’s Day at All Saint’s Day, nakaugalian na ng mga Pilipino ang pagpunta sa sementeryo upang dalawin ang mga mahal sa buhay na namayapa na. Nangangahulugan na ang mga lugar na ito ay napupuno ng maraming tao. Narito ang ilang mga tips upang mabawasan ang abala sa pagpunta sa sementeryo sa panahon ng Undas: • Ihanda na ang lahat ng kailangan sa pagpunta ng sementeryo. Ihanda na ang mga gagamitin at dadalhin sa sementeryo dalawang araw bago ang nakatakdang pagpunta upang walang makalimutan. Kung maaari ay magkaroon ng checklist. • Bumisita o pumunta ng maaga. Kung ayaw makisabay sa dami ng mga tao, mas mabuti na kung aagahan ang pagpunta. • Maghanda ng easy-to-pack na pagkain. Kung nagpaplanong magtagal sa sementeryo, higit na mabuti ang maghanda ng sariling pagkain upang makatiyak na malinis ito at hindi na rin mahirapan pang humanap ng makakainan. • Magdala ng mga inumin. Ihanda ang mga inumin lalo na ang tubig dahil madalas na nakauuhaw kapag marami ang mga tao at nagsisiksikan. Iwasan ang magdala ng mga alcoholic drinks dahil hindi naman ito pinapayagan sa sementeryo at upang mapanatili na rin ang kapayapaan sa pag-alala sa mga mahal sa buhay. • Magdala ng payong o kahit anong panabla sa ulan. Minsan ay maaaring umulan o kaya maging matindi ang sikat ng araw. Pabago-bago ang klima kaya mas mabuting handa at makaiwas sa sakit. • Magdala ng first aid kit. Hindi maiiwasan ang mga sakuna kung kaya maghanda na rin ng mga gamot. Maaaring mahilo o sumakit ang ulo kaya dapat may nakahandang mga gamot. Maghanda rin ng mga tissues at sanitizing sprays. • Huwag nang isama ang mga maliliit na bata. Kung maaaring iwan na lamang ang mga bata sa bahay ay mas makabubuti. Mas mahihirapan pang makipagsiksikan sa sementeryo kung iintindihin pa sila. Siguraduhin lamang na mapagkakatiwalaan ang pag-i-iwanan sa kanila. • Alamin ang mga emergency at police stations. Alamin agad pagdating sa sementeryo ang mga emergency stations upang alam agad ang dapat puntahan kung sakaling magkaroon ng problema. • Ingatan ang mga gamit. Huwag nang magdala ng mga gamit na hindi naman kailangan tulad ng mga gadgets na takaw tingin sa mga mapagsamantala. Isipin na lamang na ang pagpunta sa sementeryo ay paggunita para sa mga namayapa. Panatilihing makabuluhan ang paggunita ng araw na ito.
u Tips sa pagpapahinga sa buhay-teknolohiya Normal na ang paggamit ng teknolohiya sa bawat minuto sa modernong panahon tulad ngayon. Madalas itong maging unang kaharap sa paggising pa lamang sa umaga at kahuli-hulihang tinitingnan bago naman matulog. Hindi naman masisisi ang iba dahil ito ay nakatutulong lalo na kung marami ang trabaho. Ngunit sa lahat ng mga tulong na nagagawa nito, minsan ay maganda rin kung pinagpapahinga natin ang ating mga sarili sa paggamit ng teknolohiya. Higit na makabubuti rin ito sa kalusugan ng bawat isa. Kahit gaano pa kadami ang ginagawa, maiintindihan naman ng mga katrabaho ang pagkakaroon ng technology free day kahit isang Sabado o Linggo lang. Narito ang ilang mga tips na maaring isaalang-alang: • I-disiplina ang sarili na hindi hahawak ng kahit ano mang gadget paggising sa umaga. Simulan ang umaga na walang binubuksang telebisyon o computer. Minsan kahit ang mga napapanood na mga balita sa telebisyon ay nakagagawa ng malaking impact sa pagsisimula ng iyong araw lalo na kung puro negatibo ang nakikita dito. Tiyak na mas marami pang magagawang makabuluhan kung hindi uunahin ang panonood at pagcheck ng mga facebook notifications. • Maglaan ng isang oras na hindi gumagamit ng teknolohiya. Isara ang cellphone at computer. Itago ang iba pang mga gadgets. Magbasa ng libro o magazine. Mas maganda rin kung personal na makikipag-usap sa mga kasama sa bahay, miyembro ng pamilya, o mga malapit na kaibigan. • Magplano ng panandaliang downtime. Isa itong mahirap na gawain lalo na sa mga workaholic. Isa sa magandang halimbawa ang paglabas ng opisina tuwing break time at maglakad-lakad sa malapit na parke o lugar kung saan makahahanap ng katahimikan. Ang pansamantalang pag-disconnect ay nakapagbibigay minsan ng mas malawak na kaalaman at nagkakaroon ng peace of mind. • Bigyan ng bedtime ang mga gadgets. Ibahin ang mga gawain na nakagawian bago matulog. Imbes na magcheck ng viber messages at twitter mentions, itago muna ang mga gadgets, magbasa ng libro, mag-workout, o kaya makipagkwentuhan sa mga kasama sa bahay. • Isipin na sa isang araw ay walang urgent na gawain. Iwasan muna ang e-mails, phone calls, o text messages, maliban na lamang kung sobrang importante ito. Upang hindi maabala, mag-set-up ng temporary automated e-mail response. I-enjoy ang araw na walang ginagamit na teknolohiya.
u Tips sa pagpunta sa mga restaurants Kaakibat ng pamamasyal ang pagkain sa mga restaurants. Paminsan-minsan ay masarap din kumain sa labas lalo na kung hindi ikaw ang maghahanda. Panahon ito upang makapag-relax lamang ngunit minsan iniisip pa rin ng mga konsyumer na dapat nasa budget ang paggastos. Narito ang ilan sa mga tipid tips na maaaring gawin: • Maghanap ng mga discounts at promos. Marami na ngayon ang nagbibigay ng ganitong mga promos. Kadalasan ang mga bagong bukas na kainan ay mayroong mga ganitong pakulo. • I-avail ang group meals. May mga promo ang mga kainan na nag-o-offer ng group deals. Minsan ay mas makatitipid dito dahil kumpleto na ito at may kasama pa kung minsan na inumin at panghimagas. • Magtanong kapag mayroong hindi maintindihan sa menu. Huwag mahiyang magtanong kapag may nais pang malaman sa mga ingredients na nasa isang recipe. Maaari rin itanong kung ang ibang mga meals ay pwedeng i-order na ala carte lamang lalo na kung maliit na grupo lamang ang kakain. • Magsaliksik ng mga reviews. Sa pamamagitan ng mga reviews, malalaman ang mga bestseller na maaaring orderin o kaya ano ang mga possible orders na makatitipid.
u Mga negosyong maaaring simulan sa Kapaskuhan Pagsapit ng –ber month nagsisimula na ang iba sa paghahanap ng ma-i-reregalo at ang iba naman ay namimili na ng mga iluluto sa para sa Noche Buena. Nag-dedecorate na rin ang iba ng kani-kanilang mga bahay para sa darating na Pasko. Para sa mga business-minded, mag-iisip na sila ng mga bagong mapagkakakitaan. Narito ang ilang mga suhestiyon na maaaring simulan: • Pagbenta ng mga sweets at goodies. Mabenta ng mga cupcakes at cookies kapag Kapaskuhan. Karamihan ay ginagawa din ang mga ito na giveaways sa mga party. • Paggawa ng mga office giveaways. Kapag mga office giveaways, kadalasan ay gusto ang mga personalized items katulad ng notebooks, notepads, pens, at mga kalendaryo. • Mag-design at magbenta ng mga Christmas cards at scrapbooks. Sa panahon ngayon, ang mga greetings ng mga tao ay sa online na lamang ngunit kung makagagawa ng mga kakaiba at magagandang designs, maaaring makakuha rin ng mga customers. Nagiging sentimental ang mga tao tuwing Kapaskuhan kung kaya mas nagugustuhan nila ang pagbati na taos-puso at bukal sa kalooban. Hindi ito mapapantayan ng online greeting lamang. • Magkaroon ng garage sale. Matatapos na muli ang taon. Marami na namang mga kagamitang hindi ginagamit ang nakatambak sa mga kwarto, bahay, o bodega. Panahon na ulit upang magbenta ng mga ito kaysa masira ang mga bags, sapatos, damit, at iba pa. Maaaring magkaroon ng dagdag na kita at ito ay mapakikinabangan pa ng iba. • Magbigay ng catering services. Magluto ng iyong mga specialties para sa mga kaibigan at iba pang
kakilala. Gawin silang mga kliyente at kapag nagustuhan nila ang iyong mga niluto, pakiusapan sila na irekomenda ka sa iba. Pag-aralan din ang pag-table set-up at pag-decorate ng venue.
u Tipid tips sa pag-organisa ng house party Ang paghahanda sa bahay ay madalas ginagawa kapag sumasapit ang Pasko. Madalas ay nagkakaroon din ng mga reunion ang mga magkakamag-anak at magkakaibigan. Maaaring mag-party sa mga kainan o restaurants at ibang mga function rooms ngunit marami pa rin ang gustong mas makatipid kaya gustong maghanda na lamang sa bahay. Narito ang ilang mga tipid tips para sa paghahanda sa bahay: • I-maximize ang mga gamit sa bahay. Para maiwasan ang pagbili ng mga bagong gamit, tingnan muna ang mga kagamitan na maaari pang gamitin para sa house party. Kung malaki ang bakuran, maaaring doon na lamang maglagay ng mga mesa at upuan para sa kainan. Makabubuti rin kung itatago muna ang ibang mga furnitures na hindi naman magagamit para sa house party upang maiwasan ang pagsisiksikan. • Ipagkatiwala ang mga gawain sa bawat miyembro ng pamilya. Hatiin at huwag akuin lahat ang mga gawain. Bigyan ang bawat isa nang magagawa. Kung ang pagluluto ay gagawin ng nanay, maaaring si tatay at mga anak na ang maglinis at mag-ayos ng bahay. • Maglaan ng lugar para sa mga bata. Magkaroon ng isang area sa bahay kung saan pwedeng maglaro ang mga bata upang hindi maistorbo ang kwentuhan ng mga matatanda. Hindi rin magkakaroon ng mga aksidente kapag naglaro na ang mga bata kung mayroon silang sariling area. Magiging maganda rin itong karanasan sa mga bata upang makipaglaro at makasalamuha ang mga kasing-edad nila. • Maging simple ngunit hindi malilimutan. Ang mga kasiyahan na ganito ay dapat manatiling simple at memorable. Hindi kailangan ng magagarbong pakulo lalo na kung ang mga bisita ay malalapit na kapamilya at kaibigan. Maghanda ng pagkain na hindi madaling mapanis dahil siguradong ang kasiyahan ay madalas tumagal ng maraming oras. Maglaan din ng oras ng pakikipagkwentuhan sa bisita dahil ang dahilan naman ng pag-organisa nito ay para makapagsama-sama muli ang mga magkakapamilya.
u Sikat Pinoy: National Furniture and Furnishings Fair Ang kauna-unahang National Furniture and Furnishings Fair ay magaganap sa Filinvest Tent, Spectrum Midway, Filinvest City, Alabang, Muntinlupa City, ika-5 hanggang 9 ng Nobyembre 2014. Ang event ay inorganisa ng Department of Trade Industry (DTI) sa pamumuno ng Bureau of Domestic Trade Promotion at sa tulong ng mga DTI Regional at Provincial Offices. Ang limang araw na pagtitipon ay isang retail at order taking event na magtatampok ng iba’t ibang furniture at furnishings mula sa mga local manufacturers sa Pilipinas.
Produced by: Department of Trade and Industry - Knowledge Management and Information Service (KMIS) 2F Trade and Industry Bldg., 361 Sen. Gil J. Puyat Ave., 1200 Makati City