Issue No. 09 S/2013
Kalipunan ng mga impormasyong tinipon at sinulat para sa mga newscasters at broadcasters sa mga himpilan ng radyo sa buong bansa para sa kaalaman ng sambayanang Pilipino.
Business opportunities sa pagpasok ng kapaskuhan Kapag sumapit na ang –ber months lahat ay abala na sa pamimili ng regalo at mga kaliwa’t kanang reunion. Para sa mga taong business-minded, ang Pasko ay panahon ng oportunidad. Bata man o matanda ay maaaring magsimula nang maliit na negosyo o dagdag na pagkakakitaan tuwing kapaskuhan. Narito ang ilan lamang sa mga oportunidad upang magkaroon ng “extra money” sa Pasko: • Baking. Isa sa mga nauusong libangan at negosyo ngayon ay ang pag-bake. Marami na ring nagsulputang baking lessons/short courses para sa gustong matuto. Maaaring magsimula sa mga pastries at cupcakes o magbenta ng iba’t ibang flavors ng cake. Maganda itong giveaway tuwing Pasko kaya maaaring malaki ang iyong kitain. • Bazaar tiangge. Tiyakin na ang mga produkto ay mabenta sa masa. Magresearch ng mga panregalong patok at napapanahon. Tukuyin din ang iyong market upang mas masiguro ang kikitain sa negosyo. Maaaring bumili ng wholesale at ibenta ito o magmanufacture ng produkto saka ibenta. • Catering. Kung marunong magluto, magsimula sa pagluluto para sa mga malalapit na kaibigan at kamag-anak. Hingin ang kanilang opinyon dahil sila ang makatutulong upang magkaroon ng mga kliyente. Dapat may alam din sa design at pagdedecorate. Kung hindi masyadong magaling sa art ay maaaring isali ang mga kaibigang artistic upang sila ang mamahala sa pag-arrange ng buffet tables at iba pa. • Garage sale. Sa huling tatlong buwan ng taon, simulan na ang pag-aayos ng mga bagay na hindi masyadong napakikinabangan. Tignan ang mga damit, bag, sapatos at iba pang bagay na pwede pang magamit. Ibenta na lamang ito kaysa masira lang nang walang katuturan.
Promotional strategies Ang promotions ang isa sa pinakamahahalagang strategy upang maging maunlad ang negosyo. May mga gimik na pumapatok sa ibang negosyo na maaari namang hindi bumenta sa iba. Narito ang ilang promotional strategies na maaaring gawin sa negosyo: • Giveaways. Ang mga mamimili ay mahilig sa mga bagay na “free.” Ang mga maliliit na bagay katulad ng tsokolate, kendi, at kung anu-ano pang usong mga bagay ay maaaring maging bahagi ng promotional campaign.
•
•
•
•
•
•
•
Contests. Isa sa mga nakakapaghikayat sa mga tao ay ang pagsali ng contest na may magagandang papremyo. Mag-isip ng magandang tema ng contest na may koneksyon sa iyong negosyo. Discount coupons. Ang mga Pilipino ay mahilig sa discounts. Ipamahagi ang mga discount coupons sa newspaper at magazine stands, store counters, o kahit saang lugar na madalas dumaraan ang mga tao. Badges and novelties. Ang pagpapaimprenta ng business name o logo sa mga eco bags, stickers, pins, book covers, at iba pang novelty items ay mabisang paraan para makilala ang produkto. Mailing lists. Kapag nakapagsimula na ng negosyo, ipunin sa isang file ang mga contacts ng kliyente. Maaaring mag-promote ng produkto at serbisyo sa pagsesend ng email at text blast. Greeting cards. Katulad ng mailing lists, ang pagbigay ng greeting cards sa major customers at clients ay makapagpapaalala ng iyong produkto. Isa rin itong magandang paraan para magbigay ng reward sa mga loyal na customers. Celebrity endorsers. Ang pagkuha ng local media celebrity, pulitiko o sino mang taong sikat na endorser ay isa sa pinakamabibigat sa budget ng negosyante ngunit ito rin ang maaaring pinakaepektibong promotional strategy. Seminars. Ang henerasyon ngayon ay mahilig sa mga impormasyon. Mag-isip ng mga magagandang tema para sa seminars na may koneksyon din sa negosyo. Kung ang negosyo ay isang photo studio, magsagawa ng free photography sessions para sa mga photo enthusiasts. Kailangan mo mang gumugol ng malaking panahon at budget para rito, sigurado namang magiging worth it.
Mabuting pamamahala sa pera Mahalaga ang pagiging masinop, malaki o maliit man ang negosyo. Hangga’t maaari, ilista ang bawat sentimo na inilaan, ginastos, at kinita sa negosyo. Kahit maliit ang negosyo, dapat mayroon pa ring sistema sa accounting upang masundan ang pinansyal at kabuuang operasyon. Narito ang mga dapat tandaan: • Pagbadyet. Ang pondo at gastusin para sa operasyon ng negosyo ay dapat nakaplano. Maglaan ng badyet sa bawat ilalabas na pera. • Tantiyahin ang mga gastos. Gumawa o gumamit ng purchase order para irekord ang anumang gagawing order para sa mga pangangailangan ng negosyo. Siguraduhing may kopya ka nito.
•
Para makasiguro na kumikita ang negosyo, dapat mayroon kang disiplinadong kontrol sa kaperahan. Gumamit ng cash book. Sa cash book itinatala ang mga nabenta o binili. Ilipat ang lahat ng resibo at sales invoice dito. Itala rin sa cash book ang rekord ng benta at iba pang pera na pumapasok sa negosyo pati na rin ang mga gastos.
Mga tips habang namamasyal at naglilibang Likas sa mga Pilipino ang pamamasyal at paglilibang. Masaya na ang karamihan sa paglalakad lamang sa mga malls at iba pang pasyalan. Gayunpaman, hindi pa rin makaliligtas sa paggastos ng kaunting halaga para sa pamasahe at pagkain. Narito ang ilang mga paraan ng pagtitipid: • Kumain bago umalis sa bahay. Kung pamamasyal lang sa malapit na lugar ang iyong nais, makatutulong na maiwasan ang paggastos nang malaki kung kakain muna sa bahay. • Huwag magdala ng sobrang pera o credit card. Madaling matukso sa pagbili ng mga bagay kung alam mo sa iyong sarili na madali mo itong mababayaran. Pag-isipan munang mabuti kung mahalaga ang bagay na bibilhin at balikan na lamang ito sa susunod na pamamasyal. Tiyak na mabibigyan mo rin ng panahon ang paghahanap ng tindahan na may mas murang halaga. • Maglaan ng tamang budget para sa pamamasyal. Kung malayong lugar ang papasyalan, gumawa ng plano bago umalis ng tahanan gaya ng mga pupuntahan at mga aktibidad ng maaaring gawin. Kung nais mong bumili ng mga souvenirs at pasalubong, gumawa muna ng talaan ng mga pagbibigyan. Limitahan ang pagbili ng mga hindi mahahalagang bagay. • Saliksikin nang mabuti ang lugar. Mas mahalaga ito kung malayong lugar ang pupuntahan. Sumangguni sa mga taong nagbibigay ng serbisyo sa ganitong uri ng pamamasyal. Alamin kung saan makatitipid ngunit siguraduhin na malilibang sa iyong pupuntahan. • Matuto habang namamasyal. Gamitin ang mga natutunan sa mga lugar na napupuntahan. Maaaring magtayo ng sariling negosyo na higit pa sa mga natunghayan mo. Maging higit na produktibo at malikhain. • Itigil ang pagsusugal. Ang pagsusugal ay isang libangan na dapat mong iwasan o ihinto. Marahil sa una ay mayroon kang swerte sa gawaing ito subalit, hindi magtatagal ay magkakaroon ito ng mga epekto na maaaring hindi mo magustuhan. Ilaan sa iyong ipon ang mga salaping ninanais mong gamitin sa pagsusugal.
Ilang tips sa pagbili ng produkto Ang panahon at oras ay may kaugnayan sa presyo ng mga produkto. Kailangan na matutunan ng mga mamimili ang tamang pagtiyempo kung kailan higit na makatitipid sa pagbili ng mga pangangailangan. Isaalang-alang ang mga sumusunod na payo: • Bumili sa panahong maraming suplay. Bumababa
ang presyo ng mga produkto at kagamitan kapag maraming suplay at mababa ang pangangailangan. Tumataas naman ang presyo kapag mataas ang pangangailangan at mababa ang suplay. Samantala, mananatiling normal ang mga presyo kung balanse ang dalawa. • Bumili ng prutas kung ito ay nasa panahon. Ang pamumunga ng mga puno ay nag-iiba sa bawat buwan. Mas mura at mas masarap ang mga prutas kung ito ay napapanahon. Samantala, mas mahal at maaaring hindi pa kumpleto ang pagkakahinog nito kung ibinebenta nang wala sa panahon. • Mas mahal ang gulay kung tag-ulan. Madali itong masira kapag nabasa at mahirap ding ibiyahe. Pumili ng mga gulay na hindi madaling mabulok at maaaring tumagal pa ng ilang araw kung hindi pa agad lulutuin. • Alamin ang kalidad ng produkto. Ang pagbili ng murang produkto ay kapaki-pakinabang kung maganda ang kalidad nito. Tiyakin na maayos ang kondisyon nito bago ikonsumo. Kung minsan, mas napapamahal pa tayo sa pagbili ng murang produkto na madali namang masira.
Mga budget tips para sa mag-asawa Mahalaga na marunong ang mag-asawa sa paghawak ng kanilang budget upang matugunan ang mga pangangailangan ng kanilang pamilya. Narito ang ilang mga tips para sa bawat haligi at ilaw ng mga tahanan: • Maging maagap. Bigyan ng panahon ang pagpaplano ng mga gastusin. Alamin kung kailan may darating na pera at kung kailan ito kakailanganin. Huwag hintayin na dumating pa ang pangangailangang pinansiyal bago gawin ito. Nararapat din na mayroong layunin sa buhay. • Kumuha ng seguro o insurance. Nahihikayat ang iba sa pagkuha nito dahil malaki ang maitutulong nito sa kalusugan o karamdaman at mga hindi inaasahang pangyayari gaya ng sakuna. May mga uri ng seguro na magagamit ng mga benepisyaryo nito pagkaraan ng ilang taon. Tiyaking ang pipiliing insurance company ay mapagkakatiwalaan. • Gumastos lamang para sa pangangailangan ng pamilya. Inilalaan ng mag-asawa ang kanilang kita upang matugunan ang bawat kailangan ng miyembro ng pamilya. Hindi nila iniisip ang mga pansariling interes lamang. • Bantayan at ilista ang lahat ng gastusin. Ang sinuman sa mag-asawa ay dapat marunong magtipid sa pamamagitan ng tamang paggamit ng kita sa mga mahahalagang bagay lamang. Dapat isulat ng isa sa kanila ang mga gastos upang mabantayan ang paglabas at pinaglalaanan ng kanilang pera. • Tinuturuan ang mga kamag-anak na mamuhay ayon sa kanilang sariling kakayanan. Makatutulong ito upang maturuan silang hindi umaasa sa sinuman.
Produced by: Department of Trade and Industry -Trade and Industry Information Center. 2F Trade and Industry Bldg., 361 Sen. Gil J. Puyat Ave., 1200 Makati City. Telefax: (02) 895.6487. To subscribe, e-mail: publications@dti.gov.ph