14 minute read

Ang Pabago-bagong Puwang sa Pagtanglaw ng Matanglawin

Ang Pabago-bagong Puwang sa Pagtanglaw ng Matanglawin

Christian Dasalla at Layon Matanglawin

Advertisement

120

sa kasagsagan ng isa sa mga pinakamapanghamong bahagi ng ating kasaysayan—ang Batas Militar sa ilalim ng rehimeng Marcos—itinatag ang Matanglawin na kilala rin bilang “Máta.” Sa mga salita ni Jose Ibarra Angeles, ang pangunahing tagapagtatag ng organisasyon, “ninais naming makabuo ng pahayagang underground na magbabahagi ng mga artikulong Pilipinong tatalakay sa mga paksang masalimuot [isinalin mula sa Ingles].”

Ito ang nagsilbing pundasyon ng Matanglawin, ang pagtalakay ng mga isyung panlipunan at paglantad sa salimuot ng pamumuhay noon, isang mapanganib subalit esensiyal na gawain, lalo na sa panahong malaki ang distansiya sa pagitan ng masa at ng katotohanan. Kaya naman, kasabay ng pag-igting ng Batas Militar ang pagsusumikap ng Matanglawin na punan ang puwang na ito. Mula sa literal na pagsingit ng mga isyu sa mga aklat sa silid-aklatan ng Ateneo, hanggang sa makapaglimbag na sila ng mga isyung may ilang pahina, mababanaag ang sigasig at pagpanig ng publikasyon sa hinagpis ng masa. Makikita rin ito sa mismong pahayagang ang pangunahing nilalaman ay mga artikulong ukol sa mga isyung panlipunan noong 1970 hanggang 1981. Subalit nagawa man itong lahat ng Matanglawin, isang panibagong distansiya naman ang kanilang haharapin sa pagpapatuloy: ang layo ng organisasyon mula sa komunidad ng Ateneo. At sa paglipas ng halos limampung taon, parehong puwang pa rin ang pilit na pinupunan ng pahayagan.

Ang Matanglawin at ang Distansiya sa Komunidad

Taliwas sa karaniwang akala, hindi sadyang binuo ang Matanglawin bilang pahayagang may pagkiling sa politika. Itinatag ito upang itaguyod ang Filipino bilang wika ng akademya, wikang propesyonal, at isang daluyang tiyak at tuluyan, mga pagpapahalagang ayon sa kasalukuyang patnugutan ng organisasyon ay patuloy pa rin nilang isinusulong. Subalit sa pagpapatuloy bilang

121

isang publikasyon, umusbong ito sa direksiyong naglalayong talakayin ang mga isyung sosyo-politikal. Lumalabas ang panulat ng Matanglawin sa komunidad ng Ateneo at bumababa sa masa upang intindihin ang suliraning kanilang hinaharap sa bisa ng matapang, matalisik, at progresibong pagsulat.

Ayon kay Marcial Fernando, kasalukuyang Nangangasiwang Patnugot at Tagapamahala ng Proyekto ng Matanglawin, “ang ginagawa ng publikasyon ay writing at amplifying voices na hindi masyadong pinakikinggan o sadyang ibinabaon ng mga nasa itaas.” Kaya naman, kapansin-pansin ang pag-igpaw ng publikasyon sa objective journalism. Sinisipat nila ang mga tao sa kanilang konteksto at hindi bilang hamak na numero (sumangguni sa artikulo ni Lee). Ani Dar Brazil, kasalukuyang Punong Patnugot ng Matanglawin, sa usapin ng pagbabalita hinggil sa pagkamatay, “Iniiwasan [ng Matanglawin na] ibalitang may namatay na gantong tao. We try to go beyond that. Sino ba talaga ‘yung tao na ‘yon? Anong klaseng buhay ba yung nangyari that led to that?”

Sa ganitong paraan din pinagsusumikapan ng Matanglawin na ipabatid sa mga Atenista ang mundo sa labas ng kanilang pribilehiyo. Ayon kay Dar, “pinapanatili [ng organisasyon] na nakaugat sa lupa ang paa ng mga Atenista.” Pilit na ipinamamalas ng Matanglawin ang tunay na “down from the hill,” hindi bilang pagbaba upang tumulong sa nangangailangan, kundi pagbaba upang makisalamuha sa mga tao at sa isyung panlipunan.

Isa sa mga kilalang proyektong isinasagawa ng Matanglawin upang itaguyod ang layunin nito ay ang Tanganglawin o Tanga, ang kanilang taunang isyung lampoon. Kompara sa karaniwan nilang isyu na naglalaman ng samot-saring naratibo at likhang sining, binibigyang-pansin ng Tanganglawin ang mahahalagang balita sa pamamagitan ng satira o satire. Noong 2016, sumikat ang isyu nitong “Mochang Tanga Blog” at umabot kay Mocha Uson, ang mismong pinatutungkulan ng lampoon, na naghayag na estratehiya umano ito ng pag-atake sa kaniya. Ang ganitong estilo

122

ng pamahayag ay patuloy na inililimbag ng Matanglawin upang mabigyan ng alternatibong medium ang mga mambabasa sa pagunawa ng mga isyung nagaganap sa bansa. “Napakakontrobersiyal ng content na [inilalagay] namin [sa Tanganglawin], at isa ‘yon sa mga nakaka-proud kong naabutan sa Mata,” ayon kay Kat Llorente, kasalukuyang Tagapamahala ng Social Media.

Bukás naman ang pamantasan sa mga paksang nais ihayag ng Matanglawin, ano pa man ang pinanggagalingan ng mga ito. Para nga kay Marcial, mas may kalayaang magpahayag ang mga publikasyon sa Ateneo kompara sa ibang pamantasan. “Minsan, sobrang controversial ng inilalabas na isyu, lalo na pag ‘yong lampoon, [ngunit] walang censorship, [di tulad] sa ibang student journalist sa ibang campus,” ani Marcial.

Subalit sa kabila ng lahat ng ito, nanatili ang distansiya sa pagitan ng Matanglawin at mga Atenista, sapagkat alinsabay ng paglabas ng organisasyon sa Ateneo ay ang paglayo nito sa parehong komunidad.

Ang Pag-igting ng Distansiya sa Gitna ng Pandemya

Sa pagkalat ng COVID-19 sa Filipinas, lalong umigting ang suliraning ito ng Matanglawin. Naging pisikal ang distansiyang noon ay buhat lamang ng pribilehiyo. At sa unti-unting paglipat ng pamumuhay sa online na espasyo, tila nagbalik ang organisasyon sa panahong itinatatag pa lamang nito. Mula sa palihim na pagsingit ng mga isyu sa puwang ng mga aklat, ngayon, pilit na nakikipagsiksikan ang Matanglawin sa oversaturated na impormasyon sa internet.

“Nakakainis ang pandemic dahil limited. Di ko nadarama ang pamamahayag sa Ateneo, in general. Ang layo kasi tapos lahat online. Oversaturated ng information kaya mahirap lumugar,” paliwanag ni Angela Lee, kasalukuyang Katuwang na Patnugot ng organisasyon.

123

Sa patuloy na pag-igting ng distansiya, naging limitado rin ang mga gawaing pamperyodismo at proyektong nailulunsad ng Matanglawin. Ang paglabas sa komunidad at pagbaba sa masa na isinasagawa nila noon ay naantala dahil sa panganib na dulot ng pandemya. Bilang organisasyong lubos na nakasalalay sa pisikal na gawain, labis ang epekto sa kanila ng krisis pangkalusugang hinaharap ng bansa.

“Dati, kayang sumali sa rallies, events, demonstrations, at ibang sociopolitical events. Nakaka-cover, nakakakuha ng pictures, kung ano-ano. ‘Yun ‘yung pamamahayag na kulang ngayon. Kasi bilang estudyante pa lang, bukod sa censorship ng gobyerno, nariyan ang virus. Walang physical copies, printing, at pag-cover sa events. We also have to take into the account the safety of the members and the writers,” pahayag ni Marcial.

Sa pananatili ng lahat sa kani-kanilang tahanan, naging mas mahirap ang pakikialam sa mga nangyayari sa paligid lalo na’t hindi naman nakalalabas at nakakakalap ng mahahalagang impormasyon. Isa itong panibagong puwang na pilit pinupunan ng Matanglawin. At kasabay nito ang paglitaw ng distansiyang higit na magpapalubha sa kanilang suliranin: ang puwang sa kasanayan.

Dahil sa kalikasan ng mga aktibidad na isinasagawa ng Matanglawin na pawang nagaganap sa pisikal na pamamaraan, naging lantad ang kakulangan ng organisasyon sa kasanayang kinakailangan upang makiayon at makasabay sa nagbabagong panahon. Kaya sa pag-angkop ng organisasyon sa new normal, naging hamon sa kanila ang pagpapanatili ng kabalasikan o rigor ng kanilang pamamahayag.

Isa sa mga pagsubok na hinarap ng Matanglawin sa kalagitnaan ng pandemya ay ang kakulangan ng kasapi. Dahil sa pisikal na distansiya, nahirapan din ang organisasyon na manghimok ng mga estudyante upang maging miyembro. Buhat nito, hindi naging madali para sa Matanglawin na itulak ang kanilang publikasyon sa parehong puwersang isinasagawa nila dati. Ayon kay Angela,

124

“iniintindi naming estudyante muna kami bago kami maging org members…[kaya] yung mga projects namin, malakihang projects lang siya na isahan lang.”

At sa tuluyang paglipat ng Matanglawin sa online na espasyo, kinailangan ng organisasyon ng mga kasaping mayroong teknolohikal na kasanayan, bagay na nahirapan silang hanapin. Ani Angela, “Since pandemic tapos online, kailangan ding maging techie. Kasi kung mapapansin, karamihan ng mga sumasali sa Matanglawin, sulat talaga o di kaya sining yung ginagawa nila. So, wala kaming masyadong IT person.”

Bukod pa rito, lumitaw rin ang noon pa ma’y kakulangan na ng Matanglawin, ang presensiya sa internet. Halimbawa, sa mga organisasyon sa ilalim ng Confederation of Publications (COP) ng Ateneo, tanging Matanglawin lamang ang walang aktibong website noong nagsimula ang pandemya. Kaya naman, isa ito sa kanilang mga binigyang-pansin sa pagpapatuloy ng krisis.

Upang punan ang puwang na idinulot ng pandemya, unti-unti nilang binigyang-solusyon ang mga suliraning kanilang hinaharap. Una, mahalagang mabanggit ang opisyal na paglulunsad ng kanilang website na kagaganap lamang nitong ika-26 ng Pebrero, 2022, na agad namang sinundan ng kanilang paglulunsad ng Instagram account paglipas lamang ng mahigit isang linggo. Dito, kapansin-pansin ang pagpapatuloy ng kanilang sigasig na ipaabot ang hinagpis ng masa sa internet, bagay na nanatili sa kanilang pagpapahalaga mula pa nang pagkakatatag.

Ginawan din ng Matanglawin ng paraan ang kanilang kakulangan ng kasapi sa pamamagitan ng pagpapatibay ng kanilang promosyon noong RecWeek ng Ateneo. Ani Dar, “Nagfocus na rin kami sa memdev (member development) ngayon. Mas pinag-igihan namin ‘yong promo noong RecWeek. That’s why mas maraming members nag-apply this year than last year.”

Inilaan na rin ng Matanglawin ang bahagi ng kanilang badyet sa Facebook ads sa layuning makaábot sila sa mas marami pang tao,

125

hindi lamang sa mga Atenista. Sa ganitong paraan, nakaaangkop ang organisasyon sa siksikang impormasyon online. At dahil sa dami ng impormasyong matatagpuan sa internet, nagbago rin maging ang paraan ng kanilang pagsulat. Ayon kay Angela, “Ngayong oversaturated ang information online, napansin ko ring nagbago ‘yong form of writing…iniisip pa natin, paano natin maka-catch yung attention ng mambabasa natin? So, mas binabagay namin yung awtput based doon sa konteksto. Minsan, kung kailangan, iigsian namin ‘yung article para may magbasa pa rin.” Kaya tulad ng minsang paglaya ng mga isyu ng Matanglawin mula sa puwang ng mga aklat patungo sa isyung may ilang pahina, masasabing sa paglaon, unti-unti na ring lumalaya ang kanilang presensiya sa internet.

Sa kabila nito, kinikilala pa rin ng Matanglawin ang salimuot ng pakikipag-ugnayan online. Sa paksang ito, mahalagang punto ang inilatag ni Marcial: “Although students and people click links ng issue, do they really spend time reading them?” aniya.

Ang pag-igting ng distansiyang noon pa ma’y hinaharap na nila ay nananatiling layo na kailangan nilang tawirin. Sa pagpapatuloy, unti-unti mang napunan ang puwang na idinulot ng pandemya, nanatili ang kanilang suliraning distansiya mula sa komunidad ng Ateneo. At sa paglaon ng panahon ng biglaang pagbabago, sa pagpapatuloy ng pandemya, sa pagsabay ng panahon ng halalan, sa pag-usbong ng posibilidad na maluklok sa pagka-presidente ang anak ng yumaong diktador na si Ferdinand Marcos, lalo lamang tumitibay ang pagnanais ng Matanglawin na punan ang puwang na ito. Kasabay ng pagbabago ng politikal na klima sa bansa, nagbabago rin ang Matanglawin upang magsilbing tulay na naguugnay sa masa at sa katotohanan.

126

Ang Hinaharap na Distansiya at Distansiya sa Hinaharap

Sa pagtalakay sa distansiyang pumapagitan sa Matanglawin at sa komunidad ng Ateneo, mahalagang alamin muna kung ano nga ba ang rason ng pag-iral ng nasabing puwang.

Ani Angela, “Una sa lahat, ‘yung lengguwahe pa lang, ‘yung mga kakilala kong Atenista, sinasabi nilang, hindi kasi sila marunong mag-Filipino.” Sa pahayag niyang ito, masisilip na agad ang isa sa mga pangunahing ugat ng espasyong pumapagitan sa organisasyon at sa mga Atenista: ang wika. Subalit hindi maaaring ikahon sa “wika” ang lahat ng pagkakaibang mayroon ang dalawa, dahil ang totoo, mayroong ilang mag-aaral na mas naaakit pa nga sa mga inililimbag ng Matanglawin dahil sa pagka-Filipino nito.

Ayon kay Luis Changco, isang miyembro ng Matanglawin, “[Kahit nasa] Ateneo, given na yung perception ng mga tao na elitista at puro English, na-appreciate ko na merong Tagalog publication na nagke-cater talaga sa panlasa ng masa.”

At dito masisilip ang tunggalian sa pagkakakilanlan ng Matanglawin. Sa paggamit nito ng wikang Filipino upang lumapit sa masa, tila lumalayo naman ito sa sariling paaralan. Kaya ang mahalagang katanungan ngayon, para nga ba kanino ang publikasyon, sa mga Atenista o sa masa?

Sa katanungang ito, iisa lamang ang sigurado, “hindi para sa lahat ang Matanglawin.”

Isa itong palagiang paalala sa patnugutan ng tagapayo nilang si Dr. Anne Candelaria, at maituturing na pundasyon sa pagtakbo ng pahayagan. Kasabay ng pagkilala ng Matanglawin sa distansiyang mayroon sila sa sariling komunidad ang pagtanggap na hindi naman talaga para sa lahat ang kanilang publikasyon.

Nilalayon ng Matanglawin na mamulat ang mga Atenista sa mga isyung hinaharap ng lipunan, partikular ng masa. Subalit hindi man nila ito maisakatuparan para sa lahat ng mag-aaral ng Ateneo, batid naman nilang ginagawa rin nila ito upang bigyang-tinig ang masang

127

sadlak sa pagkakataong mapakinggan. Kaya, mayroon at mayroon pa ring makapagbibigay ng halaga sa sulatin ng Matanglawin, hindi man ito manggaling sa loob ng unibersidad.

“Sa totoo lang, base sa kasaysayan ng Matanglawin, talagang mambabasa ng Matanglawin ang masa. Umaabot ito sa mga magsasaka, mga manggagawa. At yung kasanayang iyon, na umaabot ito sa labas ng komunidad ng Ateneo, ay parang sapat na rin na purpose ng Matanglawin kung bakit kami nandito,” ani Kat.

Sa pagpapatuloy ng Matanglawin, nariyan pa rin ang kabatiran sa pag-iral ng kanilang distansiya mula sa mga Atenista—distansiyang pilit pa rin nilang pupunan, tulad ng pagtugon nila sa espasyo sa pagitan ng masa at katotohanan, tulad ng pag-angkop nila sa puwang na pinaigting ng pandemya. At sa mga susunod na buwan at taon, marami pang daan ang maaaring tunguhin ng Matanglawin, lalo pa’t nakasalalay ang kanilang identidad sa mga susunod na maluluklok na awtoridad at nakatataas na uri. Subalit sa kabila ng pabago-bagong kaakuhan ng organisasyon buhat ng pabagobagong distansiya, isang mahalagang prinsipyo ang nananatili sa kanila: ang kanilang pagkiling sa masa. Hindi man ito umayon sa pagpapahalaga ng nakararaming Atenista, magpapatuloy ang Matanglawin sa pagbaba sa bundok, sa pakikisalamuha, at pagtanglaw sa mga taong tunay na idinidistansiya pababa ng mga naghaharing uri.

128

Angela Bianca Lee

Gapang o Hinto1

lumipas na ang isang taon ngunit higit lamang na lumabo ang katiyakang makatatapak muli sa agarang panahon ang mga estudyante sa paaralan. Sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga positibong kaso sa COVID-19, patuloy namang bumabawas ang pagganyak at pagtitiyaga ng mga mag-aaral sa online learning. Bukod sa pahirapan ang pagkuha ng matinong internet at gadget, hindi rin biro pagsabayin ang matuto sa kabila ng mga nakababagabag na pangyayari ngayong pandemya.

Batid ko ang hirap na ito bilang isang iskolar na minsan nang nanalig na edukasyon ang magpapagaan sa aming buhay balang araw. Ngunit kung nahihirapan na ang tulad kong Atenistang iskolar, marahil ay higit pa rito ang suliranin ng mga hindi nakatatamasa ng pribilehiyong nakukuha ko. Mapalad na nga akong maituturing dahil hindi ko na kinakailangang alalahanin pa ang aking pang-matrikula, pati na rin ang laptop dahil may pinapahiram naman ang pamantasan. Subalit, hindi ito sapat na dahilan upang ipasawalang-bahala ang iba pang suliraning hatid ng online learning.

Bagaman sinusubukan, tunay na hindi pa rin mapantayan ng online classes ang kalidad ng edukasyon kapag harap-harapan ang talakayan sa silid. Higit na mas mahirap maunawaan ang mga aralin gayong limitado ang interaksyon ng mag-aaral sa kaniyang guro at kamag-aral. Pinabigat pa ito lalo ng mahina at pawalawalang internet connection na humahadlang sa pakikinig at pakikipagtalastasan ng mga mag-aaral sa klase. Kahit pa makabili ng mobile data, wala ring kasiguraduhan na may masasagap na sapat na signal sa lugar para makadalo sa talakayan.

1 Mula sa Matanglawin Tomo XLV Bilang I, Abril 2021 (Lumalawak na Agwat).

129

Nahihirapan din ang mga gurong bantayan at siguraduhin kung naaayon pa rin ang pag-unawa ng estudyante sa aralin. Tila nasanay na ang karamihang habulin na lamang ang bawat patay-guhit upang mairaos ang semestre, kahit pa kadalasan ay naisasantabi na ang diwa ng pagkatuto. Sa kabila ng walang humpay na pag-abot ng tulong at konsiderasyon ng mga guro at administrasyon, hindi pa rin mauubos ang mabigat na pasanin ng mga mag-aaral, pati na rin ng mga empleyado ng paaralan.

Habang hindi natatapos ang pandemya, asahan nang laging may panibagong mabibiktima ang nakamamatay na virus. May mga nababawian ng mga mahal sa buhay. May mga nadadapuan naman ng sakit at nababaon sa utang makapagpagaling lamang sa ospital. Kung hindi man direktang naapektuhan ng virus, maaaring hanapbuhay naman ang nawala sa pamilya. Samantalang may mga ilan din namang hindi na alintana ang banta ng virus sapagkat kailangang unahin munang malamnan ang sikmura at maitaguyod ang bubong ng kanilang tirahan dahil sa kasalatan sa buhay. Sa kabila nito, mas nananaig pa ring isantabi muna ang anumang problemang kinahaharap at igapang na lamang ang pagaaral bilang kapalit.

Anila, maaari namang pansamantalang huminto ang estudyante sa pag-aaral kung hindi na talaga kinakaya ang pagbuhos ng mga suliranin. Ngunit hindi naman lahat ay may pribilehiyong tumigil na lamang sa anumang oras. Ang mga nasa kabilang dulo ng agwat ay higit na mahihirapan kung naantala pa ang edukasyong tanging kayamanan at pag-asang tangan nila upang makaahon sa kahirapan. Hindi naman ibig sabihin na kung tumigil sila sa pagaaral ay makakaligtaan na nila ang kasawiang dinaranas. Hindi rin naman sila madaling makahahanap ng pagkakakitaan ngayong pandemya. Sa sitwasyong ito, naiiwan sa mga kamay ng mag-aaral ang pagiging matiyaga at madiskarte habang tinitiis ang kalbaryong dapat sana ay naibsan ng pamahalaan noong simula pa lamang.

130

Hanggang patuloy na nagbabalatkayo at nagbubulag-bulagan ang pamahalaan sa pagdulog ng mga tunay na pangangailangan ng taumbayan, mananatiling paralisado ang lahat ng mga sanga nito tulad na lamang ng mga sistemang pangkalusugan, ekonomiya, at edukasyon. Sa direksyong tinatahak ng mapagsamantalang pamahalaan ngayon, tila patibong at panganib lamang ang kahihinatnan nating lahat sa huli—kabaliktaran sa magandang kinabukasang pinapangarap ng bawat nagsusumikap na mag-aaral.

Ang pagsulong sa academic freeze ay hindi mainam na solusyon dahil inaantala lamang nito ang pagharap sa totoong suliranin. Ngunit hindi rin maaaring ipaubaya sa mga estudyante ang paghanap ng paraan samantalang walang ibang idinudulot ang gobyerno kundi ipasa ang paglutas ng mga problema sa mga indibidwal at institusyong handang tumulong. Sa bawat paghanga natin sa mga matiyaga at maparaang mag-aaral ay lalong naikukubli ang kalapastanganan ng pamahalaan sa pangangasiwa ngayong pandemya. Kung ipagkakaila pa rin ng mga nakaupo sa puwesto ang kanilang kapabayaan, mukhang hinihintay na nga lang nating tuluyang gumuho ang pag-asang makababalik pa tayo sa dating sistemang pang-edukasyong kritikal sa paghubog ng kinabukasan ng bansa.

131

This article is from: