8 minute read

SA LIKOD NG BAHAGHARI ANG MAYKAPAL

Ang Diyos nila ay bukas sa lahat ng kasarian at pinahihintulutan ang pagmamahalan ng sinuman.

SULAT NINA SAMANTHA JUSTINE Q. DOMINGO AT NILINANG NI RIEL GLENN GUTIERREZ KUHA NINA SAMANTHA JUSTINE Q. DOMINGO AT GENESIS R. GAMILONG LAPAT NI PAMELA ANN H. LAO

Advertisement

Sa pagbaba ko sa istasyon ng LRT sa may Cubao, agad kong hinanap sa gitna ng mausok na lungsod ng Quezon ang sinasabing isa sa mga gay churches sa Pilipinas. Matapos ang ilang minuto sa ilalim ng araw, natagpuan ko ang asul na gusali sa gilid ng kalsada. Pumasok ako roon at umakyat sa pangalawang palapag kung saan natagpuan ko ang kanilang tanggapan. Sa pagtapak ko sa loob, bumati sa akin ang isang watawat na kulay bahaghari.

Ang simbahan ng Metropolitan Community Church sa Lungsod Quezon (MCC Quezon City) ang isa sa napakaraming mga simbahan sa buong mundo na nagsasagawa ng tinatawag na “holy union” o pagbabasbas ng pagsasama ng dalawang tao na miyembro ng LGBTQ+ (same-sex marriage naman sa mga bansang tanggap at ligal na ito). At sa panahon ngayon ng pag-angat ng mga iba’t ibang karapatan ng mga miyembro ng LGBTQ+, ang simbahang ito ang patunay na hindi dapat maging eksklusibo ang kasarian ng isang tao at ang relihiyon na kanilang kinabibilangan. Sa dami ng protesta na nagnanais din ng pantay na karapatan sa pagpapakasal, ang simbahan na ito ang isa lamang sa maraming institusyon na sumusuporta rito. Ayon sa kanilang

kasaysayan, parte ang MCC Quezon City ng Universal Fellowship of Metropolitan Community Churches (UFMCC).

“Halimbawa, ikaw ay isang Romano Katoliko at ikaw ay pumunta sa isang simbahang Protestante. Ang simbahang Protestante ay magsasabi sa iyo na hindi ka na maaaring magdasal ng rosaryo o magkaroon ng iba’t ibang imahen ni Kristo sa bahay niyo. [Sa MCC Quezon City] hindi namin ito ginagawa. Naniniwala kami na hindi iyon ang mga essentials of faith. Kami ay nagsasama-sama sa mga essentials of faith. Nirerespeto namin ang pagkakaiba-iba ng mga tradisyon at ekspresyong Kristiyano,” ayon kay Pastor Joseph San Jose. Iginagalang din ng kanilang simbahan ang pagkakaibaiba ng kasarian. At ayon sa kanila, ito ang nagsisilbing pundasyon at katangitanging lakas ng kanilang simbahan ang pagiging bukas sa lahat ng tao.

PAGSASAGAWA NG HOLY UNION

Dahil sa pagkakaiba-iba ng mga tao (na bukambibig na nirerespeto ng simbahan na ito), naniniwala sila na ang bawat pagmamahalan ng mga tao na magkaiba o magkapareho man ng kasarian ay dapat na ginagalang at binabasbasan. Ito ang holy union na tinatawag ng kanilang simbahan.

Ayon kay Pastor San Jose, halos lahat daw ng simbahang Kristiyano, naniniwala na ang pagpapakasal ay ang nagbibigaypahintulot para sa mga tao upang magparami, ayon na rin sa pahayag ng Genesis at Exodus sa bibliya. Dahil dito, sinasabing hindi maaaring maikasal ang mga miyembro ng LGBTQ+ sapagkat hindi nila kayang makabuo ng mga tao sa natural na pamamaraan. Gayunpaman, hindi ito sapat dahil makikita raw di umano sa bibliya na hindi lang dito umiikot ang kasal.

Sa isang bahagi ng bibliya na Awit ng mga Awit, ang isang relasyon daw na puno ng pagmamahalan ay tungkol sa pag-ibig mismo, sa pisikal na pagpapalagayang-loob, at walang sinasabi ukol sa paggawa ng mga sanggol. “Kaya’t iyon ang isa sa mga dahilan kung bakit may holy union. Sa katotohanan, hindi naman nagpapakasal ang mga tao para lamang makabuo ng mga bagong nilalang; nagpapakasal ang mga tao dahil mahal nila ang isa’t isa. Halimbawa, mayroong isang magkarelasyon na nais na hindi magkaroon ng mga anak, ibig sabihin ba nito hindi na sila maaaring maikasal?” dagdag niya.

Ang holy union ay isinasagawa na kahintulad ng isang karaniwang kasal para sa mga straight na magkarelasyon. Para kay Pastor San Jose, isang paraan ng simbahan ang sermon upang maipaintindi sa iba, gamit ang bibliya, kung paanong hindi mali ang ganitong uri ng kasal. Katangi-tangi rin dito ang pagpapalitan ng mga simbolo na higit na bukas sa iba pang uri ng simbolo gaya na lamang ng kwintas. Pagkatapos, babasbasan na ang pagsasama ng dalawang tao, at susunod ang pagpirma ng sertipiko at ang pagpapahayag ng kanilang pagsasama.

“Sa pagpapahayag na ito, ang karaniwang sinasabi sa holy union ay ‘I pronounce you partners for life. You may now seal your love with a kiss’ dahil hindi pa sanay ang ating kultura na sabihing ‘husband and husband’. Ngunit sa ibang bansa, ginagamit na nila ang mga katagang iyan,” ani Pastor San Jose.

Mahalaga rin ang counselling sa mga ikinakasal ng MCC. Dito, kinikilala ng pastor ang naratibo ng pagmamahalan ng magkarelasyon at kung ano ang kanilang mga problemang kinakaharap. Pinapayuhan din sila sa mga suliranin na maaari nilang makaharap sa kanilang pagsasama. Kasama sa mga payo dito ang kawalang-garantiya ng holy union na magpakailanman ang pagmamahalan dahil walang salamangkang napapaloob dito. Subalit patuloy ding pinaaalala ng MCC na hindi ito ligal sapagkat walang lisensya ang simbahan para magkasal ayon sa batas.

Bukas din ang MCC sa proseso ng diborsiyo at paghihiwalay. Ginagawa ito hindi sa pamamagitan ng isang diborsyo kundi sa isang seremonya na tinatawag na lifting of vows o pagbabawi ng mga panata. Abandonment of vows naman kapag tila isang diborsiyo ang hiniling. Muli, malayo ito sa kumbensyon ng simbahang Katolika.

ISANG SIMBAHAN PARA SA IBA

Dahil hindi lamang umiikot ang simbahan na ito sa holy union na kanilang isinasagawa, nagbibigay din ng ibang serbisyo ang kanilang simbahan sa lipunan. Tulad ng ibang mga simbahan, nagbabasbas sila ng mga bahay at ng mga patay. Sinusubukan din ngayon ng simbahan na maging isang ministeryo ng mga taong may HIV o human immunodeficiency virus. Nais nila ngayong lapitan ang isang ospital para magtayo ng isang kapilya at bumisita sa mga pasyenteng may HIV. Nais din nilang magsagawa ng screening sa mga maliliit na komunidad sa susunod na taon.

Isa pa sa pangunahing serbisyo ng simbahang ito ang pagbibigay ng workshops ukol sa SOGIE o Sexual Orientation, Gender Identity and Expression sa mga barangay.

Kamakailan lamang ay inimbita sila ng isang konsehal ng Lungsod Quezon upang magpadaos ng workshop sa kanilang mga empleyado alinsunod na

NIRERESPETO NAMIN ANG PAGKAKAIBA-IBA NG MGA TRADISYON AT EKSPRESYONG KRISTIYANO.”

PASTOR JOSEPH SAN JOSE MCC QUEZON CITY

SA KATOTOHANAN, HINDI NAMAN NAGPAPAKASAL ANG MGA TAO PARA LAMANG MAKABUO NG MGA BAGONG NILALANG; NAGPAPAKASAL ANG MGA TAO DAHIL MAHAL NILA ANG ISA’T ISA.”

PASTOR JOSEPH SAN JOSE MCC QUEZON CITY

rin sa Anti-Discrimination Ordinance ng lungsod.

Balak din ng simbahan na magkaroon ng mas epektibong workshop ukol naman sa homosexuality bilang hindi isang kasalanan. Sumasali rin ang simbahan sa iba’t ibang pride marches sa bansa at kasama sila sa pagtulong sa pinakamalaking grupo ng mga bisexuals sa bansa. Kasama rin ng ibang mga sangay ng simbahan, pumupunta ang mga miyembro sa retreats at mga ibang kampanya.

Dahil din sa kanilang ginagawa at pagiging iba, hindi nila maiiwasan ang mga pagbabatikos mula sa mga taong hindi nakakaintindi ng kanilang layunin. Para sa kanila, hindi ito nararapat dahil wala sa kasarian ang pagiging alagad ng Diyos. Ayon kay Pastor San Jose, dapat daw malaman talaga ng mga tagasunod ng Kristiyanismo kung ano ang essentials of faith, at ito ang pagmamahal ni Kristo para sa lahat ng uri ng tao.

SA ATING KONTEKSTO

Sa ibang bansa lalo na sa Amerika, nayakap na ng pamahalaan nito ang ideya ng pagkakapantay-pantay ng mga tao sa lahat ng kanilang karapatan lalo na sa pagpapakasal kaya’t naipatupad na sa kanila ang batas ukol sa samesex marriage. Pero sa ating bansa na mayorya ng mamamayan ay Katoliko, hindi pa natin tuluyang natatanggap ang ganitong ideya at sa isang nibel, pati na nga rin ang ideya ng pakikilahok ng mga miyembro ng LGBTQ+ sa ating lipunan.

Sa sobrang laki ng implikasyon ng pagsasabatas ng Anti-Discrimination Bill, nangangamba na ang mga konserbatibo sa maaaring pagpasa ng same-sex marriage sa bansa. Kung mangyari ito, maituturing na ang mga ganitong uri ng kasalan bilang normal sa ating lipunan. At sa pagiging normal na ito, mababawasan din ang diskriminasyon laban sa mga miyembro ng LGBTQ+.

Ayon sa ibang eksperto, hindi talaga lubos na tanggap ng mga Pilipino ang mga miyembro ng LGBTQ+. Patunay na rito ang patuloy na pagbabatikos sa kanila at pagsasawalang-kibo sa kanilang karapatan. Bagkus atin lamang daw silang hinahayaan sa kanilang pamumuhay.

Ito na nga ang rason kung bakit marami nang mga grupo sa ating bansa na umuusbong at naglalayon na ipaglaban ang karapatan ng bawat miyembro ng LGBTQ+. May mga grupo para sa mga LGBTQ+ sa mga paaralan tulad ng Babaylan sa Unibersidad ng Pilipinas. Sa gobyerno at mga komunidad, may Ladlad at Lagablab.

Sa simbahan, mayroon ito ngayong MCC Quezon City at iba pa. Sa pagdami ng mga organisasyong ito at lalong paglakas ng pagpapahayag ng kanilang mga hinaing, makikita na na mas maraming Pilipino ang sumusuporta sa karapatan ng lahat – mga matatanda, bata, bakla, tomboy at iba pa. Ngunit makikita sa kabagalan ng pagtugon ng pamahalaan na tila patuloy itong nagiging bingi sa paggiit nila sa karapatang maging tunay na bahagi ng lipunan.

Para sa ibang mga miyembro ng LGBTQ+, hindi naman talaga malaking pabor ang kanilang hinihingi mula sa gobyerno – ninanais lamang nila na magkaroon ng espesyal na selebrasyon ang kanilang pagmamahalan tulad ng mga ibang tao sa lipunan na itinuturing na “normal” sapagkat sila ay normal din, hindi man ayon sa heteronormatibong pananaw ang kanilang kasarian. Ang mga karapatan ng LGBTQ+ ay mga karapatang pantao rin. Nais lamang nilang mamuhay kasama ang kanilang minamahal sa ilalim ng pag-unawa ng relihiyon at ng batas.

Ang nais lamang nila ay isang lipunang malabahaghari – nagsasamasama ang iba’t ibang kulay upang maging isang magandang larawan sa langit at nagsasabing ang kasarian ay hindi hadlang upang bigyan ng legal na karapatan ang mga partner at kilalanin ang kanilang pag-ibig.

At sa paglabas ko ng pinto ng simbahang iyon, narinig ko ang tawanan ng mga mananampalataya habang winagayway ang bagong bili na bahagharing watawat.

This article is from: