1 minute read

Kabanata 4—Espesyal na Mga Embahador

Sa gitna ng kadiliman na lumukob sa lupa sa loob ng mahabang panahong pangingibabaw ng kapapahan, ang ilaw ng katotohanan ay hindi lubos na namatay. Sa bawa’t panahon ay nagkaroon ang Diyos ng mga saksi mga taong nagmahal sa pananampalataya kay Kristo na siyang tanging tagapamagitan sa Diyos at sa tao, mga taong naniwala na ang Banal na Kasulatan ay siyang tanging tuntunin ng kabuhayan, mga taong nangilin ng tunay na Sabado. Kung gaano kalaki ang utang ng sanlibutan sa mga taong ito, ay hindi maaalaman ng mga inanak kailan man.

Ang kasaysayan ng bayan ng Diyos sa loob ng mga panahon ng kadiliman na sumunod sa panahon ng pangingibabaw ng Roma, ay nasusulat sa langit, datapuwa’t kakaunti ang lugar nito sa ulat ng mga tao. Kakaunti ang mga ulat na ating matatagpuang nagsasaad ng tungkol sa kanilang pananatili, maliban sa mga kinatatalaan ng mga paratang ng mga nagsipag-usig sa kanila. Pamamalakad ng Roma na pawiin ang bawa’t bakas ng pagtutol sa kanyang mga aral at mga pasiya. Ang bawa’t bagay na eretikal, kung mga tao man o mga sinulat, ay sinikap niyang pawiin. Ang mga pangungusap na may alinlangan, o ang mga pag-aalinlangan sa mga dogma ng kapapahan, ay sapat na upang ikamatay ng mayaman man o mahirap, ng dakila o hamak. Pinagsikapan din naman ng Roma na sirain ang lahat ng ulat ng kanyang kalupitan sa mga nagsitutol. Ipinasiya ng mga sanggunian ng kapapahan na ang mga aklat at mga sinulat na naglalaman ng gayong mga ulat ay dapat ibigay sa liyab ng apoy. Bago nakatha ang paglilimbag, ay iilan lamang ang mga aklat, at nasa isang ayos na hindi maiingatan; sa gayo’y wala ngang naging hadlang ang mga Romanista sa pagsasagawa ng kanilang hangarin.

Walang iglesya sa nasasakupan ng Roma na nagtagal sa pagtatamasa ng kalayaan ng budhi na hindi ginambala. Kapagkarakang matamo ng kapapahan ang kapangyarihan, inunat niya agad ang kanyang mga bisig upang durugin ang lahat ng tatangging kumilala sa kanyang pamamahala; at sunud-sunod na sumuko ang mga iglesya sa kanyang pananakop.

Sa mga lupaing hindi nasasaklaw ng Roma, ay nanatili sa loob ng maraming dantaon ang mga katipunan ng mga Kristiyano na halos nalayo sa kasamaan ng kapapahan. Nalilibot ang mga ito ng mga pagano, at sa kahabaan ng panahon ay nahawa sila sa mga kamalian ng mga pagano, datapuwa’t nanatili rin silang kumilala sa Biblia na siyang tanging patakaran ng pananampalataya, at nanghawak sila sa marami sa mga katotohanan nito. Ang mga Kristiyanong ito ay naniwala sa pamamalagi ng kautusan ng Diyos at ipinangilin nila ang

Sabado ng ikaapat na utos.1 Ang mga iglesyang nanghawak sa pananampalataya at pagsasagawa nito ay nangasa Gitnang Aprika at sa Armenya sa Asya.

Datapuwa’t sa mga nagsihadlang sa panghihimasok ng kapangyarihan ng papa, ay nangunguna ang mga Baldense. Doon sa lupaing matibay ang luklukan ng kapapahan ay

This article is from: