2 minute read

FREEDOM WALL

Ma, Pa Bakla po

akda ni Maia Isabella Doneza Arca

Advertisement

Bulaklakang bestida, puting hikaw at takong, buhok na malabughaw, isama na rin ang kolorete sa mukha, walang kapintasan kung matitingnan.

Ganito ang aking gayak ngayon, malayo sa noon.

“Anak, Miguel nasaan ka?”

Nagulat ako sa pagtawag sa akin ni mama. Agad-agad kong hinubad ang wig na aking suot habang ako’y nagpapantasya, at napasambit ng “Patay nakalimutan kong pindutin ang seradura ng pinto.”

Hanggang sa pumasok na sila ni Papa. Nakita ko ang gulat sa kanilang mga mukha, ngunit wala dito ang pagkamuhi sa aking ginawa, wala dito ang mapanghusgang mga matang aking pinapangamba.

“Ma, Pa patawad po. Opo, bakla po ako, bakla po ang inyong nag-iisang anak, patawad po patawad.”

Ngunit muli hindi ko nakita sa kanila ang panlulumo, ang galit o ang panghuhusga. Kundi ang pagtanggap at pagmamahal sa aking buong pagkatao. Walang halong pag-aalangan, unti-unti silang ngumiti.

Nawala ang aking takot at kaba,

“Oo anak, alam namin matagal na,”

sagot ni Papa.

Bumuhos ang aking luha sa saya, hindi nila ako hinusgahan, walang pag-iimbot nila akong tinanggap kahit sinuman ako.

Palasyong ‘di Para Sa’yo

akda ni Celestia

Isang hakbang palabas ang bulwaga’y ‘di nagbukas. Hindi ka nila tinanggap. Ikaw raw ay mapagpanggap.

Dahil ba mapupula ang ‘yong labi? Dahil ba bistida ang iyong pinili? O dahil nais mong maging prinsesa kahit na ikaw ay isang mandirigma.

Muli ka na namang sinaktan, sinampal na naman ng katotohanan, sa labi mo na nama’y may dugo, at ramdam mo muli ang pagkabigo.

Sa dungawan ay sumulyap, Doon nakita ang nais na alapaap. Bagay na ‘yong pinapangarap na kailanma’y ‘di matatanggap. Pangarap na isang kalangitan kung saan ‘di ka pagkakaitan Lugar kung saan malaya, panaginip kung saan ka masaya.

Nang magising ay pinagtawanan “Mandirigmang nais makoronahan?” Pinutol nila ang ‘yong dila upang ‘di na muling makapag-salita.

Mundong madaya sa ibang kasarian at itinuturing silang katatawanan madamot sa lalaking prinsesa, mapanghusga sa babaeng mandirigma.

Ano pa’t tinawag na palasyo? Kung lahat ay umaastang kabalyero pinapatay ang nais ng puso ng kanilang kapwa tao.

Digmaan ng Kasarian

akda ni Mark Lawrence A. Tee

Ako’y namulat sa isang, mapaminsalang mundo, dahil ang mga tao rito’y nagbabatuhan ng samu’t saring lait at tukso.

Kung saan napakalaking digmaan ang nagaganap at ang mga sandata’y matatabil na dila at mga labing mapagpanggap.

Katulad na lamang ng nangyayari ngayon, sa mga taong kabilang sa “LGBT Community.”

Ang kanilang buong pagkatao’y niyuyurakan, nang matindi. Mga taong mayroong makikitid na utak ang sanhi sa kanilang bawat pagluha’t paghikbi.

Ang lipunan, kung minsan, ang nagdudulot sa kanila ng diskriminasyon. Pilit pa nga silang tinatanggalan ng puri at reputasyon.

Bakit? Bakit ba sila minamaliit nang ganito? Matinding galit nga ba ang dahilan, o insekyuridad lang ang namumuno?

Sa mga taong ang isipan ay sarado, hindi niyo ba tanggap na mas maganda sila o mas guwapo, mas talentado sa ibang aspeto? At higit sa lahat mas nauunawaan nila ang mga problema ng mundo?

Matanong ko lang, ikaw ba anong naidulot mo? Bukod sa pang-aasar at panloloko ng mga taong may kakaibang kasarian na nakakasalamuha mo, ano bang basehan ng pangmamaliit mo sa kanila? Ang mga kataga bang nakasulat sa bibliya?

Marahil tama na lalaki at babae lamang ang nilikha ng lumikha ngunit kaibigan, baka nakakalimot ka na nasasaad din sa bibliya na kung gaano mo kamahal ang iyong sarili ay ay ganun din dapat ang pagmamahal mo sa iyong kapwa, sa LGBT.

Lapastanganin, Galitin, Bastusin at Tawanan ang ibig sabihin ng mga katagang ito sa akin noon. Linangin, Galangin, Bigyang respeto at Tanghalin ang kahulugan sa akin ng LGBT ngayon.

This article is from: