Bukas na Liham sa Sambayanang Pilipino ni Sen. Leila M. de Lima 24 Pebrero 2022 Ngayong araw, Pebrero 24, ay ang ikalimang taon ng aking di-makatarungang pagkakapiit dito sa PNP Custodial Center, Camp Crame. Mula 2017, eksaktong 1,827 na araw ko nang pinapasan ang buhay ng isang bilanggong walang sala. Hindi ako nagnakaw sa bayan, hindi rin nagtaksil sa Konstitusyon, hindi umabuso sa mandato, at walang pagkukulang sa obligasyon sa buwis at pagsasapubliko ng SALN. Malinis ang aking track record at paninilbihan sa bayan mula nang ako ay Chairperson ng Commission on Human Rights, Secretary ng Department of Justice, at ngayon bilang inyong Senador. Ang puno’t dahilan lamang ng pagpapakulong sa akin: hindi ako nagpikit-mata sa extrajudicial killings at paggamit sa kapangyarihan ng Estado para abusuhin ang karapatang pantao. Ginawan ako ng imbentong mga kaso at pinag-initan ng nasa Palasyo. Wala po akong pagsisisi. Handa akong indahin ang lahat ng persekusyon kung ito ang magiging papel ko sa ating bayan sa pagpapamulat na ang karapatang pantao ay para sa lahat, at ito ang pinakamataas na sagisag ng hustisya. Sa anim na taon, wala akong isyung iniwasan basta kapakanan ng Pilipinas at ng taumbayan ang nakataya, kahit na hindi popular, kahit na alam kong babalikan ako ng batikos at black propaganda, uulanin ng fake news, at ng matinding pagyurak sa aking karapatan at pagkatao. Tumindig ako para sa interes ng mga magsasaka, mangingisda, manggagawa, urban poor, frontliners, human rights defenders, mga bulnerableng sektor, at mga karaniwang taong biktima ng karahasan dahil sila ang madalas napagkakaitan ng hustisya at nakakaranas ng hindi patas na batas. Mula rito sa aking selda, papel at panulat lamang ang gamit ko bilang komunikasyon sa inyo para patuloy na magampanan ang aking trabaho. Kaya dito rin sa kulungan isinulat ang mga panukala ko na ngayon ay batas na, gaya ng Institutionalization of 4Ps Act, Magna Carta of the Poor Act, National Commission of Senior Citizens Act, at Community-Based Monitoring System Act. Nasa halos 700 ang mga panukalang batas at resolusyon ang isinulong ko mula rito sa loob, sa iba’t ibang usapin at pangangailangan ng bayan. Ilang ulit akong humiling na makalahok sa mga sesyon ng Senado kahit via teleconferencing. Ngunit, hindi pinahintulutan ang lahat ng apela ko. Dehado ang sitwasyon ko rito sa loob. Limitado ang puwedeng bumisita sa akin. May pagkakataon pa nga na ako ay incommunicado, na kahit ang pamilya ko, mga spiritual adviser, doktor at abogado ay hindi pinayagang madalaw ako. Natigil lamang ito dahil umalma kayo, at nanawagan para sa akin.
Dito sa kulungan ko naranasan ang matinding pangungulila sa pamilya at mga mahal sa buhay. Hindi lang ako abogado at Senador. Isa rin akong ina, lola, anak, at kapatid. Ang nanay ko ay maysakit at minsan ay nag-aagaw buhay. May anak at apo akong special child, ngunit ni hindi ko man lamang sila maaruga dahil sa aking sitwasyon. Ito ang kirot sa puso ko na mahirap lunasan. Maraming okasyon sa pamilya na hindi ko sila makasama, lalo nitong pandemya. Hindi ako makapagdalamhati nang personal para sa mga pumanaw na mahal sa buhay at kaibigan. Sa mga panahong iyan, ipinadama ninyo sa akin ang lubos na malasakit at suporta. Sa unang taon pa lang, libo-libong sulat na ang natanggap ko mula sa inyo, grupo man o indibidwal, at mga larawan ng pakikiisa at pagmamahal. Pinaramdam ninyo sa akin na hindi ako nag-iisa, at hindi balewala ang mga sakripisyo. Dinamayan ninyo ako. Maraming, maraming salamat. Sa eleksyong ito, muli akong tumatakbo para sa ikalawang termino sa Senado para ipagpatuloy ang magaganda nating nasimulan at itaguyod ang ating mga adbokasiya. Alam kong dehado ako dahil wala akong malaking makinarya higit sa aking mga staff at volunteers, at hindi rin personal na makakasama sa kampanya. Pero ibubuhos ko ang lahat ng makakaya sa labang ito. Sana kahit matindi ang hamon sa inyong paligid, panaigin ninyo, sa balota, ang konsensya at pagmamahal sa bayan. Kayo ang magdesisyon at ibatay ang pasya sa maka-Diyos, makatao, at makabayang pananaw. Huwag sanang ipanakaw pa ang nag-iisa at sagrado ninyong boto. Gamitin ninyong sandata panlaban sa mga tiwali at korap ang inyong kapangyarihan sa Mayo, gaya din kung paano pinapahalagahan ng isang magulang ang kinabukasan ng kanyang mga anak. Kaya lumahok kayo sa eleksyon. Hindi reklamo ang paghahanap ng pananagutan sa gobyerno at nakaupo sa puwesto. Iyan ay pakikilahok sa demokrasya. Maraming proyekto ang nababantayan at pondo ang napoprotektahan para makarating sa tunay na nangangailangan kapag buhay ang demokrasya. Sa ganyang gobyerno lamang panalo ang taumbayan at palaging may masasandalan ang mahihirap. Dito sa bilangguan malinaw ang aking mga pamantayan: laging una ang bansa, ang mga Pilipino, at ang hustisya. Sana diyan sa labas, hindi kayo mabulag ng propaganda, huwad na pagkakaisa, platapormang walang prinsipyo, at mga pangako ng mga taong walang matinong track record. Huwag bumoto ng korap at magnanakaw. Manindigan kayo para sa inyong boto.
Sa mga minamahal kong kababayan, isang karangalan po sa akin na manindigan para sa inyo sa loob ng anim na taon. Walang halong pagsisisi: Isang karangalan ang makulong dahil sa aking mga ipinaglalaban. Nasa inyo ang susi para sa susunod na mga taon. Sana pintuan ng katotohanan, pagmamahal sa bayan, tapat at matinong gobyerno, at hustisya at pananagutan ang inyong buksan. Sa huli, mananaig ang hustisya at katotohanan. Laban lang! Nagmamahal sa inyo at sa bayan, Senator Leila M. de Lima