Kalbaryo ng Kawalang Katarungan MESSAGE Hon. Leila M. de Lima Senator On the Lenten Gathering of Families of Victims of Enforced Disappearance and Extra-Judicial Killings (EJKs) Inang Bayan Monument, Bantayog ng mga Bayani Memorial Center Quezon Ave., cor. EDSA, Quezon City 17 April 2019
Magandang umaga po sa ating lahat na nagtitipon ngayon. Ang Semana Santa ay panahon ng pag-alala sa pagpapakasakit, kamatayan at muling pagkabuhay ni Hesus. Pagkakataon din po ito upang taimtim na pag-isipan ang kani-kanyang krus na pasan-pasan ng bawat isa. Maging itong Bantayog ng mga Bayani ay lugar din ng pag-alala. Ang mga pangalan sa Wall of Remembrance ay kumakatawan sa pagpapakasakit at pagkamatay upang sa gayon ay muling mabuhay ang demokrasya sa bansa. Salamat sa ating magigiting na martir at bayani na pinasan ang krus laban sa Batas Militar. Tayo ngayon ay may panibagong kalbaryo, lalo na kayong mga pamilya ng mga biktima ng enforced disappearance at extra-judicial killings, ang krus ng hustisyang panlipunan at karapatang pantao na ngayon ay niyuyurakan at inaabuso ng gobyernong Duterte. 1
Sa loob lamang ng tatlong taon, libu-libo na ang pinaslang at pamilyang winasak ng huwad na “War on Drugs.� Kahit mga magsasaka ay walangawang pinapaslang. Mga abogado na nagtatanggol sa mga biktima ng inhustisya ay tinatarget din. Tumataas ang kaso ng rape at dumadami ang bilang ng enforced disappearances. Maging ako po ay biktima ng kawalang katarungan, mahigit dalawang taon na akong nakakulong sa bisa ng mga gawa-gawang kaso at malinaw namang ito ay upang ako ay patahimikin sa pagtuligsa ko sa War on Drugs ni Duterte at sa marami pa nyang paglabag sa karapatang pantao. Kahit ang mga sangay ng gobyerno na sana ay masasandigan ng taumbayan ay nakukuwelyuhan na ni Duterte. Ginagawa niyang entablado ang mga hukuman para dito itanghal ang mga kasong walang-basehan, walang-saysay at puros kahibangan para lamang i-harass ang mga umuusisa at nagtatanggol sa katotohanan. Ngunit huwag po tayong mawawalan ng pag-asa sapagkat naniniwala akong sa pamamagitan ng ating sama-samang pagsusumikap at pagkilos, makakamit natin ang hustisya at mananagot ang mga umaabuso sa kapangyarihan. Nakakalungkot lang na ang iba sa atin na pumasan ng krus sa panahon ng diktadurya ni Marcos ay pumapasan pa rin sa panahon ni Duterte. Ngunit sa kabilang banda, patunay din ito na ang mga Pilipinong nagmamahal sa bayan ay hindi tumatalikod sa oras ng pangangailangan. Ang kalbaryo ng mga biktima ng EJK at enforced disappearance ay magsisilbing ningas sa ating masidhing pagkilos upang mabigyan ng hustisya ang mga pinaslang at inabuso at papanagutin ang mga nagkasala. Samantalahin natin ang mga susunod na araw hanggang sa Linggo ng Pagkabuhay upang magnilay sa ating pananampalataya at palakasin ang ating loob sa mga laban na darating. Higit lalo sa Mayo 13. Mabuhay po kayo! At maraming salamat!
2