Sa ika-35 anibersaryong paggunita ng Katipunan ng mga Samahang Magsasaka sa Timog Katagalugan

Page 1

Republic of the Philippines Senate OFFICE OF SENATOR LEILA M. DE LIMA MENSAHE NG PAKIKIISA SA IKA-35 ANIBERSARYO NG KATIPUNAN NG MGA SAMAHANG MAGSASAKA SA TIMOG KATAGALUGAN (KASAMA-TK) Mainit na pagbati po sa lahat ng mga kasamahan nating narito ngayon upang ipagdiwang ang simula at patuloy na pagbubuklod ng ating mga magsasaka at magbubukid para sa tunay na reporma. Gusto ko man po na personal kayong kamustahin, hindi pa po posible dahil sa sitwasyon ko ngayon. Ang akin na lang pong dalangin, sana ay ligtas kayo at ang inyong pamilya sa kabila ng hinaharap nating pandemya at ng sunod-sunod na kalamidad. Nakarating po sa akin ang malungkot na balita, na marami sa inyong mga pananim ay nasalanta at pinadapa ng sakuna. Ang masaklap pa, sa halip na mabilis na ayuda, inuuna pa ng rehimeng ito ang pamumulitika, paninira at pagbabanta sa gustong tumulong. Ano nga ba ang aasahan natin sa gobyernong sa halip na umagapay para makaahon sa hirap ang mga magsasaka ay lalo pang pinalulubog ang inyong kabuhayan, hinahayaan kayong malugi at mabiktima ng nagpapatuloy na karahasan at pamamaslang. Ano nga ba ang maitutulong ng isang Pangulo na tulog sa kasagsagan ng delubyo; na bukod sa walang malasakit ay dagdag pa ang pasakit sa mga maralita? Sa inihain po nating mga panukalang Resolusyon sa Senado, layunin nating suriin ang di-patas na implementasyon ng Rice Tariffication Law at mailatag ang mga dapat gawing hakbang para tugunan ang masasamang naidulot nito. Maigting din po nating itinutulak ang imbestigasyon at pagpapanagot sa mga nasa likod ng mga karumal-dumal na pamamaslang sa ating mga lider magsasaka gaya ni Ka Randy Echanis. Alam po natin na para malutas ang problema, kailangang tukuyin ang ugat nito. Sa halip na red-tagging, pakinggan ang saloobin at hinaing ng ating mga magsasaka. Sa gitna ng krisis at sakuna, lalong kailangang siguruhin ang makatwirang presyo ng palay at bigas upang pataasin ang inyong kita. Imbes na dagdag pasanin, dagdag na pondo para tustusan ang mga programang magpapayabong sa inyong kabuhayan. Ngayon at sa mga susunod pa ninyong anibersaryo, magkatuwang po tayong makikibaka sa pagtataguyod ng inyong karapatan at sa pagginhawa ng inyong pamilya. Isang mapagpalaya at makahulugang pagdiriwang po sa ating lahat.

(Sgd.) LEILA M. DE LIMA PNP Custodial Center, Camp Crame 23 Nobyembre 2020


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.