Ang Kadakilaan ng Isang Vaishnava

Page 1

2013 Ang Kadakilaan ng isang Vaishnava

Ang Kanyang Banal na Pagpapala Srila Bhakti Raksak Sridhar Deva Goswami Maharaj Sri Chaitanya Saraswat Math 12/27/2013


Ang Kadakilaan ng Isang Vaishnava ni Srila Bhakti Raksak Sridhar Deva Goswami Maharaj [Mga sipi mula sa aklat na Divine Aspiration] Tanong: Papaano po namin mapapabuti ang kalagayan namin sa landas ng debosyunal na paglilingkod? Srila Sridhar Maharaj: Ito’y sa pamamagitan ng pakakaroon natin ng masmataas at superior na kasamahan. Ang makasama ang mga taong matataas pa sa atin. Tulad sa pagnenegosyo, may mga bagay na gusto natin kaya lamang wala tayong sapat na puhunan upang ito’y ating bilhin, subalit kung makikipagsosyo ka sa taong masmarami ang capital, at nagkasundo kayo, ang negosyo ninyo’y maslalung lalaki at yayabong, mas malalu itong lalago. Ganun din sa kamalayan kay Krsna, kung nais mong gumanda ang iyong kundisyon, maghanap ka ng isang ‘kapitalista’; dahil kung mag-isa ka lamang, wala kang masyadong kikitain, malaki ang mawawala sa iyo, subalit kung hihingi ka ng tulong sa kanila magiging mabilis din ang pag-asenso mo.

Mahalagang Prinsipyo Mayroong dalawang klaseng tulong: tulong mula sa saddhu at sa shastra, mula sa mga banal na tao, sa mga santo at sa mga banal na aklat. Ang buhay na ahente ay saddhu, samantalang ang shastra ay di-mo makausap. Kung nais ninyong bumuti ang inyong kalagayan, walang ibang paraan kundi saddhu-shastra-krpa, sa pamamagitan ng kanilang habag at pagpapala. krsna-bhakti-janma mula haya 'sadhu-sangha' krsna-prema janme, tenho punar mukhya anga (Cc. Madhya 22:83) Ang pinaka-ugat, ang pinagmulan, ang simula ng krsna-bhakti, ng debosyunal na paglilingkod, ay nasa piling ng mga deboto – nasa tulong ng saddhu. At maging doon sa mataas na antas din, kapag ang natutulog nating pag-ibig kay Krsna ay nagising, ito parin ang pinakamahalagang prinsipyo, ang pakikisalamuha sa mga deboto dahil sila parin ang makakatulong sa atin. Dito isinisilang ang debosyon, dito din ito nakakakuha nang kanyang ikabubuhay; at sa bandang huli, kapag halos patapos ka na, kapag halos narating mo na ang pinakahuling yugto, muli, sa pamamagitan parin ng mga matataas sa atin, sa ilalim nila, maipagpapatuloy natin ang ating paglilingkod. Kaya, ang pinakamahalaga sa lahat ay itong saddhu, magmula sa umpisa hanggang sa marating natin ang huling hantungan. At maging sa pinakahuling yugto, mga saddhus parin ang makakasama ninyo dahil sila ang mangangasiwa sa mga gagawin ninyo at hindi si Krsna mismo. Ang mga eternal na tagapaglingkod ay nakaposte sa kani-kanilang departamento ng paglilingkod, sila ang kukuha sa inyo at mag-uutos kung ano ang dapat ninyong gawin: “Magpaturo ka sa kanya kung ano ang dapat mong gawin, doon ka magtanong kung anong klaseng paglilingkod kay Krsna ang dapat mong gawin…” Samakatuwid, sadyang napakahalaga pala talaga ng saddhu-sangha. Dahil ito ang palaging kailangan natin. 1


Ang Gamit ng Teleskopyo Hindi ka dapat masuya o mamuhi sa isang saddhu, dahil: “Asus, tao lang ‘yan. Bakit kailangang pagsilbihan ko pa siya, bakit kailangang mag Vaishnava-seva ako sa kanya? Bakit ganito ang palaging sinasabi nila sa atin, bakit ganito din ang nasusulat sa iba’t-ibang banal na aklat? Bakit palagi na lang naririnig natin na sinasabi nilang, ‘Sumandal ka sa saddhu, sa kanya ka umasa’; hindi ba’t Diyos ang gusto natin, Siya mismo! Kung ganoon, bakit kailangang dumaan pa ako sa kanya?” Huwag ganyan ang maging isipan ninyo. Ang kahalagahan ng saddhu ay tulad sa isang teleskopyo: kapag sumilip ka sa teleskopyo ang mga nasa malayong lugar ay malinaw mong makikita, kapag sinuri mo, maraming lente ang nasa loob nito, mula sa sinisilipan, hanggang doon sa gusto nating tignan. Ganito din ang guruparampara, ang pagkakasunud-sunod ng mga humaliling disipulo, parang sistema din ito ng teleskopyo. Samakatuwid, ang dapat palang hangarin ng mga deboto ay maging dasa-dasadasa anudasa, tad-dasa-dasa, ang maging tagapalingkod ng isang tagapaglingkod nang mga naglilingkod kay Krsna. Dapat ganito ang maging kamulatan ng isang deboto: “Ang dami kong guru, lahat sila’y nagmamalasakit sa akin.” Kapag marami tayong guru ibig sabihin marami din ang mag-aalaga sa atin. Dahil gusto nilang maging maganda ang buhay ko. Sa mundong ito, kapag marami kang katulong, libo-libo ang mga alalay mo, akala nila napakataas na ang kalagayan mo, napakataas mo ng tao. Subalit ito’y kabaligtaran sa mga deboto. Sa isang deboto, kapag marami siyang guru, ibig sabihin marami din ang nag-aalaga sa kanya, at sa palagay niya siya na ang pinakamayaman sa lahat: “Napaka-swerte kong tao dahil marami ang nag-aalaga sa akin, marami ang tumitingin sa akin, at marami ang makikiusap upang makarating ako sa itaas.” Kaya kapag nagkaroon kayo ng kuneksyon sa guru-parampara, ang maging tagapaglingkod ng isang alalay, ang pagpapailalim natin sa mga magigiting at dakilang Vaishnavas ay isa nang nakapaganda at matinding kapalaran. Maging Maingat Sa simula, ang mga baguhan ay wala pang masyadong pananalig sa mga Vaishnava. Madalas ganito ang naririnig nating sinasabi nila, “Si Bhagavan lamang ang gusto ko, ang Diyos lang, si Krsna lang, ang gusto ko. Kung ganoon bakit palaging sinasabi sa ating, ‘Alam mo, kunin mo muna ang krpa, ang habag at pagpapala ng mga Vaishnava; kailangang makuha mo ang bendisyon nila. Kaya kung nais mong gumanda ang kapalaran mo, sa kanila ka pumunta.’ Bakit ganoon na lang palagi ang sinasabi nila sa atin, bakit kailangang dumaan pa muna tayo sa kanila bago tayo makapunta kay Bhagavan?” Subalit habang tumatagal ang mga baguhang ito, sa paglipas ng panahon ay natututo na din, unti-unti na din silang nagiging matatag sa kanilang paniniwala at pananalig sa mga Vaishnava. At sa bandang-huli, kahit lumayo pa ang atensyon natin sa vigraha, sa ating Poon, sa shastra, sa mga banal na aklat, kahit ang lahat ng ito’y isan-tabi natin muna, dapat palagi parin tayong nasa ilalim ng pangangalaga ng mga Vaishnava, at huwag nating kalilimutan sila ang mga buhay na sugo ng ating Panginoon.

2


Kung gayun, ang unang nama-aparadha ay ang magkasala sa isang Vaishnava: satam ninda namnah paramam aparadham vitanute yatah khyatim yatam katham u sahate tad-vigarham (Sri Padma Purana) “Ang maging bastos at kawalang-galang sa mga banal na santo na ngangaral nang mga kadakilaan ng Hare Krsna Mahamantra, ito ang pinakamatindi sa lahat ng pagkakasala sa lotus na paanan ng Banal na Pangalan. Dahil kailanman hindi pahihintulutan ng Nama-Prabhu, na si Krsna din mismo, ang ginagawa nilang pambabastos, at pag-aalipusta kahit sabihin pang sila ay isang dakilang deboto.” Kapag umuusal tayo ng Pangalan, lalu na sa mga taong nagsisimula pa lamang sa pagpa-praktis ng espirituwal, ganito ang ibinibigay na unang babala sa kanila: “Mag-ingat kayo kapag kapiling ninyo ang mga saddhus. Sila ang tunay nating mga kaibigan, sila ang mga ahente na ang hangarin ay para sa ating kabutihan, kaya dapat maging alerto tayo upang hindi natin sila magawa ng masama. Dapat palagi ninyo silang iniintindi; at pinaniniwalaan. Dahil ang kabutihan nila’y hindi abot ng inyong kamulatan. Ang pag-ibig nila’y higit pa sa pag-ibig ninyo. Higit ang pagmamahal nila sa inyo kaysa inuukol mong pagmamahal sa sarili mo, dahil alam nilang ikaw ay pag-aari ng Panginoon. Ito ang kanilang paninindigan kaya mahal nila kayo; at ang pagmamahal na ito’y napakataas, sa katangian at bilang. Kaya dapat nag-iingat kayo, upang hindi kayo magkamali, at magawan ninyo ang mga saddhu na ito ng masama, ito ang palaging tatandaan ninyo.” yadi vaisnava-aparadha uthe hati mata upade va cinde, tara sukhi yaya pata (Cc. Madhya 19:156) “Kapag nagkasala ka sa Vaishnava lahat ng itinanim mong debosyon, ay masisira, dahil ang ganitong klaseng pagkakasala ay tulad sa isang nagwawalang elepante, na lahat ng madaanang halaman ay kanyang binubunot at sinisira. Hanggang sa ito’y matuyot.” Kaya kapag matinding krimen ang nagawa mo laban sa isang saddhu, sa isang Vaishnava, ang buong debosyunal na buhay mo ay tiyak na mawawasak. Dahil magagalit sa iyo ang Panginoon: “Bakit ganun ka, matapos ipagkaloob ng deboto Ko ang lahat ng yaman niya, sinisipa mo pa siya? Ano ang gusto mong mangyari? Sa lahat, ikaw ang pinakamasamang-tao…” Kaya dapat kailangang maging maingat tayo upang hindi tayo magkasala, hindi natin malabag ang satam-ninda, ang unang nama-aparadha: ang magkasala sa Banal na Pangalan.

Mahabaging Nitai Subalit ganunpaman, sa lahat, si Nityananda Prabhu parin ang pinakamahabagin, kahit sa mga makasalanan. Dahil kakaiba ang Kanyang paguugali, kahit ang mga taong sinipa at itinakwil na ni Mahaprabhu ay kinukupkop parin Niya, at binibigyan pa Niya ng bagong pag-asa: “Huwag kang mag-alala, huwag kang mawawalan ng pag-asa…” Ang pagiging mahabagin ni Nityananda Prabhu ay 3


muli Niyang ipinakita noong mga panahong magkasama Sina Mahaprabhu at KalaKrsna dasa. Noo’y papunta si Mahaprabhu sa Katimugang-bahagi ng India, at kasa-kasama ni Kala-Krsna dasa subalit may nagawa itong isang kasalanan: iniwan niya si Mahaprabhu, dahil nabighani siya sa kagandahan ng mga Bhattatharis, nang mga babaeng-hitano, mga babaeng-gala. Ito’y nangyari sa Timog-Kerala, sa Karnataka, sa lugar ni Madhvacharya. Ang mga tao sa lugar na iyon, babae man o lalake ay kilala sa labis na pagiging maganda at makikisig. Maganda ang kulay ng kanilang mga balat, maging ang pigura ng kanilang mukha at katawan; ang sabi nga ni Gandhi ang lugar na iyon ay parang ‘lugar ng mga engkanto.’ At doon nga naengkanto si Kala-Krsna dasa, at kanyang iniwan si Mahaprabhu. Kasama na nga niya si Mahaprabhu iniwan parin niya Ito, at ang bagay na ito ay tiyak na magsisilbing-aral sa atin. Dahil sa Kanyang espesyal na kapangyarihan nailigtas ni Mahaprabhu si KalaKrsna dasa mula sa kampo ng mga hitano; at matapos Niyang dalhin sa Jagannath Puri, ito ay Kanya nang binitiwan, anya, “Ganun talaga ang pag-uugali nito, hindi na ito magbabago; ganunpaman, kailangang ilayo Ko parin siya sa kamay ng masasamang-taong iyon. Bahala na siya sa buhay niya, bahala na siya kung saan niya gustong magpunta.” Subalit sinalo ito ni Nityananda Prabhu. At muling inilagay sa serbisyo: “Puntahan mo si Sachi devi, sabihin mo sa kanya matapos maglibot sa katimugang bahagi ng bansa si Mahaprabhu, maayos Siyang nakarating sa Puri.” Dahil ang ganoong klaseng balita ay isang ‘mabuting-balita’ para kay Sachi devi dahil kahit papaano maayos na nakarating si Mahaprabhu sa Puri. Kaya kahit tahasang itinakwil na ni Mahaprabhu si Kala-Krsna dasa ginamit parin ito ni Nityananda Prabhu sa pagseserbisyo.

Maghintay at Magmasid Noong nangangaral pa ako sa Madras isang insidente ang naalala ko na kahalintulad din nito. Magkatuwang kami noon ni Hayagriva Brahmachari [na naging si Sripad Madhava Maharaj] sa pangangaral, isang bata ang pinapunta namin sa Sentro ng Gaudiya Math sa Madras. Doon na siya namalagi at naglingkod, bilang isang brahmachari, subalit kinalaunan may ginawa itong kalokohan. Nagkataong si Sripad B.P. Tirtha Maharaj ang namamahala sa Math, at bilang parusa, pinalabas niya ang brahmachari na ito sa Math. Subalit tumira parin ito sa Madras at nasa tabi-tabi lamang, Di-nagtagal, umalis din ng Madras si Sripad Tirtha Maharaj. At kaming dalawa ni Hayagriva ay agad niyang pinuntahan at nagmakaawa: “Gusto ko pong bumalik ng ating Math, pahintulutan po ninyo ako.” Ang sabi namin sa kanya, “Malapit ng dumating dito si Guru Maharaj; pagdating niya, kausapin mo siya…” At nang dumating na nga si Guru Maharaj, upang opisyal na buksan ang bagong gawa naming bulwagan, ito’y aming kinausap at ikiniwento ang pangyayari: “Gusto pong dumito na ng batang ito at maglingkod, kaya lamang, noong una’y pinalabas siya dahil may ginawang kalokohan. Ang sabi po namin sa kanya, ‘darating dito si Guru Maharaj, at eto na nga po kayo’; nandito po ang batang ito, ano po ba ang dapat naming gawin sa kanya?”

4


Inabot ng Pagpapala Ganito ang naging tugon sa amin ng aming Guru Maharaj, ni Srila Bhakti Siddhanta Saraswati Thakur: “Noong mabighani ng mga Bhattatharis si Kala-Krsna dasa, at nagsimula na itong mambabae, ito’y itinakwil na ni Mahaprabhu. Ganun din ako, ayoko na din siyang tanggapin. Subalit iba ang naging desisyon ni Nityananda Prabhu, ito’y kinupkop pa Niya, at binigyan ng gawain. Kaya bahala na din kayo sa kanya.” Parang nalagay pa kami sa alanganin! At ganito ang pumasok sa isipan ko: “Gurudev, ikaw ang siyang lahat-lahat sa amin, ikaw ang pinaka-lider namin, walang-alinlangang ikaw ang aming Panginoon; kung ganoon, kung hindi mo siya tatanggapin, anong silbi para siya ay amin pang kupkupin, kami na mga ginagabayan mo lamang?” Ito’y isang malaking palaisipan sa amin: “Papaano namin siya tutulungan? Kung siya ay iyo namang tinatanggihan?” Ganito ang naging sagot niya sa amin, “Hindi ko siya matatanggap; pero dapat alagaan din ninyo siya, kayo na ang bahala sa kanya…” At kami na lang ang dapat gumawa ng paraan. Sa pangyayaring ito, ang bakas ng pagiging matulungin at bukal sa kaloobang pagpapala at habag ay ating mababakas. Dito makikita natin kung saan umaabot ang linya ng bukal sa kaloobang pagpapala at habag na nagmumula sa PinakaSentro, kaya lamang masmatindi ang magiging posisyon nito, tiyak na tatanggihan tayo, at sa ibang departamento tayo ituturo: “Doon kayo magpunta sa departamento ng habag at pagpapala; baka sila ang makatulong sa inyo at tanggapain nila kayo…” Tulad sa isang ospital, sumasama ang loob ng pasyente kapag ganito ang trato sa kanya, “Naku hindi po, hindi po namin kayo matatanggap dito. Sa ibang ospital na lang kayo po kayo magpunta. Puno na po kami dito, baka maluwag pa sila doon.” At pagkalipat ng ibang ospital, ganito ang matutuklasan mo, “Dito, lahat ng pasyente ay tinatanggap. Maluwag pa po kami dito.” Sa paraang ito, nakikita nating higit na mahabagin ang mga tagapaglingkod, kaysa kanilang Panginoon. Ang bagay na ito’y di natin mawawari, hindi kayang arukin ng mga sarili natin. Hindi kayang abutin ng ating isipan.

Pag-ibig at Pagsasamantala Mula ng mamulat ako sa mga ipinakitang iba’t-ibang klase ng pagpapakumbaba nina Krsna dasa Kaviraj Goswami at Vrndaban dasa Thakur, matindi ang naging pagbabago ng isip ko. Noong sinusulat pa ni Kaviraj Goswami ang Sri Chaitanya-charitamrta, matindi ang ipinakitang nitong pagpapakumbaba, ang sabi niya, “Pinakamatindi sa lahat ang naging kalagayan ko; dahil higit akong makasalanan kina Jagai at Madhai, masmababa pa ang sarili ko sa uod na nasa tae. At lahat ng makakarinig ng pangalan ko, masisira ang pagkatao; at sinomang babanggit sa pangalan ko, magkakasala ito – ganun ako, grabe talaga ang pagiging masama ko. Subalit dahil sa habag ni Nityananda Prabhu, ako ay Kanyang iniahon sa pagkakasadlak sa putikan, at Kanyang dinala kina Rupa at Sanatana, kay Raghunath dasa, at sa banal na lugar ng Vrndaban. Ayaw ko sanang ihayag ito, hindi ko sana dapat banggitin pa ito, na “lahat ng ito’y natamo ko”—kaya lang kapag hindi ko ginawa, lalabas na wala talaga akong kwentang-tao, walang-utang na loob kay Nityananda Prabhu, magiging traydor ako sa Kanya. Kaya tama lamang na banggitin ko ito, at aminin, “lahat ng ito’y natamo ko”; at ito ay dahil sa habag at awa sa akin ni Nityananda. Lahat ng ito’y 5


Kanyang pag-aari, Kanyang pagpapala, dahil kung hindi, wala itong halaga, at balewala rin sa akin.” Kaya noong dumudulog si Kaviraj Goswami sa publiko labis itong naging mapagkumbaba, at nakiusap talaga nang husto upang lumapit sila kina Gaura-Nityananda. Subalit kakaiba si Vrndaban dasa Thakur, dahil ganito ang sinulat niya sa kanyang aklat, “Taimtim akong nakikiusap at nagsusumamo sa inyong lahat: sana tanggapin ninyo si Nityananda at si Sri Gauranga! Dahil ito na ang pinakamagandang benepisyong makukuha ninyo sa buong buhay ninyo. Ito ang pinagsusumamo ko sa inyo, ipinapakiusap ko sa inyo, kahit isubsob ko pa ang mukha ko sa damuhan sa pakiusap kong ito. Subalit kapag ang pakiusap kong ito’y tinanggihan ninyo, at masama pa ang sinasabi ninyo kina Nityananda at Gauranga, sipa ang matitikman ninyo! Sisipain ko kayo, dahil ang mga ganitong klaseng tao ay mga demonyo.” eta parihare o ye papi ninda kare tabe lathi maron ta'ra sirera upare (C. Bhag. Madhya 11:63) “Sa sandaling ganun pa din ang mga pag-uugali ninyo matapos ninyong marinig ang mga kadakilaan ni Nityananda, at binabastos pa ninyo, tiyak na sipa na sa ulo ang tatama sa makasalanang taong ito.” Hinggil sa bagay na ito, maraming ordinaryong tao ang magsasabi ng ganito, “Tignan mo itong si Kaviraj Goswami at kanyang mga kasamahan, masyado na nilang pinaliit ang kanilang pagkatao, habang nakikiusap sa mga tao. Ganun din si Vrndaban dasa! Anong klaseng tao ba ito at masyadong mayabang? Ang sabi niya, lahat ng ayaw makinig sa kanyang Gaura-Nityananda ay sisipain daw niya sa ulo. Sisipain daw! Ang yabang, masyado namang hambog ang taong ito – talaga bang Vaishnava ito? Ganito ba ang isang Vaishnava? Ang sabi nila’y trnad api sunicena, taror api sahisnuna: higit na maging mapagkumbaba kaysa sa isang damo, higit na mapagtitis kaysa isang puno – ganitong tao ba ito?

Isang Bagong Landas Ganito ang naging reklamo ng mga ordinaryong tao sa naging pahayag ni Vrndaban Thakur; noong bago pa lamang ako sa Gaudiya Math, isang rebolusyunaryong pahayag ang narinig ko sa aking Guru Maharaj, kay Srila Bhakti Siddhanta Saraswati Thakur, ito’y kakaiba sa lahat ng mga nasabi na niya. Ang sabi niya, “Para sa mga taong walang pagkakataon, o hindi talaga makakapasok sa debosyunal na paglilingkod, isang landas ang binuksan ni Vrndaban Thakur. Lahat ng hindi makakapaglingkod, isang pagkakataon ang ibinibigay ni Vrndaban Thakur at ito’y sa pagsipa sa kanila.” Bakit ganun? Ganito ang naging paliwanag sa amin ni Guru Maharaj, “Kaya ganoon ang sinabi ni Vrndaban Thakur dahil gusto niyang saktan ang kanilang damdamin, dahil kapag nasipa na sila ni Vrndaban Thakur, malamang darating si Krsna upang awatin siya. Ito’y tulad ng isang batang nakikipag-away, makikita mong humahangos kaagad ang kanyang mga tagapagalaga, ang kanyang mga magulang, upang awatin: “Naku naman, ano itong nagawa mo, pasensya na kayo, ha?; halika kayo, huwag na kayong magalit, may ibibigay ako sa inyo, at kung anu-ano pa, hanggang sa lahat ay maging masaya…” Kaya, ganun 6


din si Krsna, agad itong darating upang awatin si Vrndaban Thakur sa ginagawa nitong kapilyuhan, sa mga taong walang paniniwala; upang mapansin din sila ni Mahaprabhu, “Naku, sinaktan ka pala ng anak ko; pasensya ka na, huwag mo siyang pansinin, halika at may ibibigay ako sa iyo, halika…” Dahil dito, panibagong landas ang binuksan ni Vrndaban Thakur, ang pagbabanta sa mga taong walang-paniniwala kina Gaura-Nityananda; dahil sa maaanghang niyang pananalita, isang pagkakataon ang kanyang ibinibigay sa mga ganitong klaseng tao, ang mapansin sila ng may tangan ng awtoridad.

Ang Pagiging Puro Krsna ang Laman ng Isipan Subalit ang mga ganitong klaseng pahayag, tulad ng sinabi ni Vrndaban Dasa Thakur, sino ang maaaring magsalita lamang nito, saan nanggaling ito? Ito’y nagmumula lamang sa isang kaluluwang lubusan na talagang nagpagilalim at sumuko. Lubusan na talagang sumuko kay Krsna. Si Krsna ay Lubusan talagang Mabuti; kung ganoon ang mga kaluluwang lubusan na talagang sumuko at nagpailalim kay Krsna, ang lahat ng nasa dalisay at purong Vaishnava ay pawang mabubuti din. Ito’y tulad ng isang bakal kapag isinalang sa apoy ay nagiging apoy din – samakatuwid ang bawat himaymay at bahagi ng isang kaluluwang ganap na talagang nagpapailalim at sumusuko sa Panginoon ay punung-puno na ng Krsna. sarva maha-guna-gana vaisnava-sarire krsna-bhakte krsnera guna sakali sancare (Cc Madhya 22:75) “Ang Vaishnava ay isang taong punung-puno ng mabubuti at transedental na katangian. Lahat ng mabubuting katangian ni Krsna ay unti-unting nakikita sa kanya.” Kaya bawat bahagi ng isang dalisay at purong Vaishnava, ang kanyang galit, maging ang kanyang pananakit ng dadamin, lahat ng nasa kanya ay malinis parin, mabuti parin. Dahil ganun naman ito talaga. Kung ganoon, bendisyon man ito o kaya isang sumpa, ito’y bigay ni Krsna at ipinapadaan lamang sa kanya. Noo’y isinumpa ni Rishi Narada sina Nalakuvera at Manigriva na maging puno; subalit sa likuran ng animo ay isang kasumpa-sumpang kalagayan sila ay naging mga puno sa loob ng Vrndaban, kaya noong mawasak ang kanilang anyo bilang mga puno, at dahil si Krsna ang bumunot sa kanila, sila ay nakabalik na ng Goloka, at doon eternal na nanilbihan. Kaya kapag nagkaroon tayo ng kahit anomang klaseng kuneksyon sa isang Vaishnava ito’y maaaring magdulot ng pinakamagandang resulta. Subalit hindi ibig sabihin nito’y maaari nating abusuhin ang kanyang kabaitan! Hindi ganito ang ibig sabihin nito at huwag na huwag nating gagawin. Dahil kapag siya ay ating inabuso ito’y pagsalungat narin sa paniniwala natin; at magiging isang pagpapatiwakal din.

7


Pag-ibig ang Taga-kontrol Mismong Panginoon ang nagsabi pa nito, aham bhakta-parardhino asvantantra iva dvipa, “Ang mga deboto Ko lamang ang kinakampihan Ko.” Ito ang sinabi ng Panginoong Narayan noong isinusumbong ni Durvasa Muni ang alitan nila ni Ambarisa Maharaj. Ang mga maliliit na kaluluwang-jiva, bagama’t likas na bahagi ng kapangyarihan ng Panginoon, at ganap na sa Kanya lamang umaasa, ay may kakayahan din upang makontrol at mabihag ang Nagmamay-ari sa kanila, ang kanilang Panginoon. Alam nating ganito ang batas ng pagmamahalan. Sa India, sa isang pamilya, ang ina ay walang anumang ari-arian, kahit ano’y wala siyang pag-aari, kahit karapatan; subalit lahat ay sumusunod at gumagalang sa kanya, tinitingala ng lahat, kaya masmataas ang kanyang posisyon kaysa ama. Ang ama ang siyang may-ari ng lahat ng kanilang ari-arian; ang ina’y wala, ni walang karapatan, o pormal na karapatan, ganun paman, mayroon siyang ‘karapatan sa ginagalawang lipunan’ at dahil sa karapatang ito lahat ng mga anak niya’y mataas ang respeto sa kanya. Tulad ng sinasabi ng isang bantog na sloka, na nagsasabing ang ama ay ‘masmataas kaysa langit, samantalang ang ina, ‘masmataas sa lupang kanyang tinutuntungan.’ At ang sabi pa nila, na talaga namang totoo, na ang mga magulang natin ang nagtutulungan sa pagpapalaki sa mga anak, subalit ang responsibilidad ng isang ina ay higit na mataas kaysa ama, kung ganoon ang ibig sa bihin masmataas din ang kanyang dignidad, kaysa ama. Ito ang kalakaran sa varnasrama-dharma: bagama’t walang anumang legal na yaman ang isang ina, subalit sa lipunang kanyang ginagalawan masmataas naman ang kanyang moral.

Si Durvasa at si Ambarisa Noo’y nagtatakbo si Durvasa Muni sa Panginoong Narayan upang humingi ng tulong sa Kanya, dahil hinahabol siya ni Sudarsana chakra dahil sa ginawa niyang kasalanan kay Ambarish Maharaj. Ganito ang sinabi sa kanya ng Panginoong Narayan, aham bhakta-parardhino, hy asvatantra iva dvija sadhubhir grasta-hrdayo, bhaktir bhakta-jana-priyah (S.Bhag 9:4:63) “O, Brahmin, ang totoo’y talagang kampi ako sa mga deboto Ko. Hindi naman talaga Ako malaya – sila lamang talaga ang inaasahan Ko, hindi na Ako malaya pa. Oo nga’t bagama’t lahat ng gusto Kong gawin ay malaya Kong nagagawa; subalit dahil sa labis na pagmamahal nila sa Akin, lumiit ang kapangyarihan Ko, parang nawala narin ito. Tungkol naman sa mga deboto Ko, sa laki ng utang na loob Ko sa kanila, hindi Ko maiwasang hindi kumampi sa kanila; Sadhubhir grasta-hrdayo; dahil buung-buong ‘nilunok’ na nila, ng mga santong ito, ng mga deboto Ko, ang puso Ko. Ako’y ‘nilamon’ na nilang lahat, upang hindi na Ako makapag-isip pa ng iba, at tanging interes na lamang nila ang nasa loob ng puso Ko. Ganito ang naging kalagayan nila mula ng Ako’y kanilang paglingkuran.”

8


Ang sarap pakinggan ng mga ganitong klaseng pahayag, at ito’y tunay naman talagang kahanga-hanga! Ang gusto ni Durvasa Muni ay maging patas ang pagtingin ng Panginoon: “Ako po ay isang brahmana, subalit si Ambarish ay isang ksatriya; Ako’y isang sannyasi, samantalang siya’y isang grhastha, taong may pamilya. Kung dangal lang ang pag-uusapan, masmataas pa ako sa kanya. At dahil ‘brahmanyadeva’ Kayo, dapat kampi din Kayo sa mga brahmanas. Kung ganoon, ito po ang inaasahan kong gagawin Ninyo, at magiging patas Kayo sa kasong ito.” Dahil noong nagpunta si Durvasa kina Brahma at Mahadeva Shiva, sumama lang ang loob niya dahil nabigo siya: “Doon ka pumunta kay Narayan, wala kaming magagawa, hindi kami maaaring makialam.” At doon nga nagpunta si Durvasa kay Narayan. At ganito ang naging tugon sa kanya ni Narayan: aham bhakta parardhino, “Wala Akong magagawa; kampi Ako sa mga deboto Ko!”

Ang Naging Puna ni Narayan Subalit maganda din ang naging argumento ni Narayan kay Durvasa: “Oo nga’t isa kang brahmana; hindi ba’t nag-ekadasi-vrata din si Ambarish, at ito’y para din sa Akin. Alam Kong ganito din ang panata mo, at alam Kong alam mo, tulad niya, na ang paran, ang oras ng pagtatapos ng pag-aayuno, ay bahagi din ng panatang ito. Kung ganoon, ano ang masama sa ginawa ni Ambarish? Ano ba ang naging mali niya? Ang tanging ginawa lamang niya, bilang respeto sa panatang ito, ay nag-paran siya, noong ika’y wala pa, dahil wala ka pa. Hindi ba’t ganun din ang ginawa mo, nag-paran ka din, noong dumating ang takdang oras; kaya lamang, nang malaman niyang bibisita ka sa kanya, isang patak lang ng tubig ang ininum niya, at hindi parin talaga siya kumain, kahit oras na nang pagtatapos ng ating panata. Ang totoo’y tumikim lang siya ng isang patak ng tubig, at hindi pa talaga siya kumakain, dahil wala ka pa, at gusto niyang hintayin ka – at pagkatapos may gana ka pang magalit sa kanya? Alam mo, kaya niya ginawa ito, kaya niya ginagawa ang panatang ito, dahil ito ang panata niya sa Akin, at ito’y para sa Akin lamang. Ito ba ang inirereklamo mo? Hindi ba’t ang sabi mo ay masmalapit ang kalooban mo sa Akin kaysa Ambarish? Bakit, ano ba talaga ang pinag-aawayan ninyong dalawa? Hindi ba’t pareho lamang ninyong ginawa ang pagsunod sa panatang ito? Ito ba ang sinasabi mong pagkakamali niya? Bakit anong mali niya dito? Sino ba sa palagay mo ang talagang masmalapit sa kalooban Ko, ikaw ba o siya? Ang sabi mo isa kang brahmana, isa kang sannyasi, ikaw kamo ang dakilang taong ito, at mataas ang posisyon mo. Subalit bakit noong susunugin mo siya ng jatam na ito, ng demonyong-apoy na ito, na nagmula sa buhok na binunot sa ulo mo, ni hindi natinag sa kanyang kinatatayuan si Ambarish, ni hindi siya tumakbo upang iligtas ang kanyang buhay? Samantalang, ikaw, na isa pa namang sannyasi na brahmana –noong hinahabol ka ni Sudarsana, sa sobrang takot mo, pati buong sandaigdigan ay nalibot mo, mailigtas lang ang buhay mo. Kung ganoon, sino sa palagay mo ang sannyasi sa inyo, siya ba o ikaw? Hindi ba’t noong hinarap niya ang apoy na pinukol mo, kahit isang pulgada’y di-siya natinag? Hindi ba’t nanatiling nakatindig parin siya, dahil ganito ang nasa loob niya: “Kung sakaling may ginawa akong mali, maluwag sa kaloobang tatanggapin ko ang masaklap na kamatayang ito.” Subalit tignan mo ang sarili mo – hindi ba’t kung saan-saan ka nagtatakbo— kina Brahma at Shiva pa. At noong bandang-huli, dahil sa sobrang takot mo, sa Akin ka na nagpunta. Kung ganoon, sino sa inyo ang may masmataas na klase ng 9


renunsyasyon, pagtalikod sa makamundong kabuhayan, sino sa palagay mo ang masmagaling talaga sa inyong dalawa?” Ito ang naging puna kay Durvasa; pinagsabihan siya at pinagalitan ng Panginoong Narayan.

Ang Kadakilaan ng Isang Vaishnava Pagkatapos ganito ang naging bilin ng Panginoong Narayan kay Durvasa, “Balikan mo si Ambarish. Dahil ayaw Kong Ako pa ang maghusga sa ginawa ng deboto Ko. Siya ang dapat humusga sa naging usapin ninyo.Balikan mo siya, makikita mo kung gaano kabait siya.” Ano ba ang dapat gawin ni Durvasa? Ito’y kailangan niyang humarap sa katunggali, at hintayin ang hatol sa kanyang ginawa. Subalit noong dumating siya sa lugar ni Ambarish, nakita niyang naroroon parin ito sa kanyang kinatatayuan at hiyang-hiya sa kanyang ginawa: “Dahil sa akin, nalagay sa alanganin ang bisita kong brahmana. Napansin ko na lang na hinahabol siya ni Sudarsana, at kung saan-saan nagtatakbo. Hindi ba’t bisita ko siya; papaano ako kakain gayung hindi parin siya kumakain?” At ito ang dahilan kung bakit naroroon parin siya at nakatayo at malungkut na malungkot: “Hindi ba’t malas sa buhay ang hindi daw magpakain ng bisita? Paano ako kakain kung ang bisita ko nama’y umalis na at kung saan-saan nagtatakbo? Papaano ko ito gagawin?” At habang nag-iisip siya, bigla namang dumating si Durvasa, na habol-habol ni Sudarsana: “Maharaj, iligtas po ninyo ako! Tanging kayo lamang ang maaaring magligtas sa akin. Kaya po naparito ako, iligtas po ninyo ako!” At pinayapa ni Ambarish ang kalooban ni Sudarsana. Ganito ang kanyang naging panalangin: “O Sudarsana, bagama’t isang araw lamang ang ginawa kong pag-aalay kay Narayan, ganunpaman, maaari bang makiusap at maging mapayapa ka? Huwag na po kayong magalit. Ang brahmana na ito’y isang kagalang-galang na tao, at siya po ay bisita ko, huwag po ninyo siyang saktan. Huwag naman po sa aking harapan, dahil hindi ko po ito matatanggap. Tama na po. Itigil na po ninyo ito.” Dahil sa kanyang pakiusap, umalis din si Sudarsana, at naligtas ang buhay ni Durvasa. At pagkatapos, pinakain na ni Ambarish si Durvasa at trinatong isang bisita. At dahil sa ipinakitang kabaitan ni Ambarish, may inihayag siya sa mga nakapaligid sa kanila: aho ananta-dasanam, mahattvam drstam adya me krtagaso 'pi yad rajan, mangalani samihase (S.Bhag. 9:5:14) “Mahal na Hari, sa araw na ito’y naranasan ko ang kadakilaan ng mga deboto ng Diyos, ng Pinaka-Supremong Katauhan ng Diyos, dahil bagama’t malaki ang nagawa kong kasalanan sa iyo, ipinagdasal mo pa ang kaligtasan ko.” Nagulat si Durvasa dahil hindi niya sukat akalain na matitikman niya ang kabaitan ng mga tagapaglingkod ni Ananta, Narayan. Isang anunsyo ang ipinahayag ng dakilang rishi na ito, at malakas na tinig niyang isinigaw sa lahat ng sulok ang kabaitan, ang pagiging maringal ng mga tagapaglingkod ni Narayan: “Bagama’t matindi ang nagawa kong kasalanan,” aniya, “labis-labis naman ang sinukli niyang kabaitan! Iniligtas pa niya ang aking buhay sa reaksyon ng ginawa ko, ang 10


kapahamakan dulot ng ginawa ko! Bagama’t ininsulto ko siya, ako’y kanyang ginalang pa ng sobra-sobra.” Ang Pinakamataas na Hukom Sa mga nagsasabing sila’y walang-wala, kahit ano’y wala, silang nagsasabing hindi sila malaya kundi lubusang naka-depende at umaasa lamang sa Kalubusan, huwag silang mag-alala dahil ganun din sa kanila ang Kalubusan. Ang Panginoong Narayan mismo ang nagsabing bumalik si Durvasa kay Ambarish, na isa Niyang deboto, dahil siya ang magsasabi kung ano ang dapat mangyari dito. Dahil noong pumunta siya kay Brahma, ito’y nabigo, ganun din si Mahadeva, nabigo din ito, at kahit si Narayan ay ganito din mismo ang sinabi sa kanya: “Kahit Ako’y bigo din; dahil isa kang deboto Ko, hindi Ko kayang lumayo sa piling mo. Ikaw ang magpasya, kung ano ang nararapat sa ginawa niya.” Ito ang ginawa ng Panginoon, ginawa Niyang hukom ang Kanyang deboto, ang Kanyang alila. Ito ang nakikita natin dito.

©Sri Chaitanya Saraswat Math Sri Nama Hatta Center Philippines 66-D H.Ocampo St., Pook F. Amorsolo, Barangay U.P. Campus, Diliman, Quezon City 1101 Philippines E-mail: scsmathphilippines@yahoo.com Facebook: www.facebook.com/scsmathphilippines Free Download of SCSmath books in Filipino at: www.scribd.com/scsmathphilippines


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.