5 minute read

Jeepney Press / Karen Sanchez

DONDAKE: Nihonggo No Benkyo

Konnichiwa mga kababayan. Kamusta po tayong lahat. Ramdam nyo din po ba ang patuloy na pagtaas ng palitan ng dolyar, mga bilihin at sya namang pagbaba ng Yen at Piso? Maraming negatibong nangyayari sa paligid natin, pero dapat ba tayong tumigil at magdalamhati na lamang o gagawa tayo ng mga bagay sa mga paraang kaya nating gawin at sa binibigay ng pagkakataon lalo na dito sa Japan?

Advertisement

Nais ko pong maibahagi sa inyo kung bakit naisip ko po mag Nihongo No Benkyo. Nihonggo no benkyo o ang mag-aral ng Nihonggo ay isa sa pinakamahirap, mahal ngunit nakakatuwang pag-aralan at higit sa lahat ay mas madadagdagan ang ating kakayahang makipag-talakayan sa kahit kanino dahil dito ay itinuturo ang tamang paggamit ng mga salita sa wastong paraan o akmang tao o sitwasyon, pagbabasa at pagsusulat. Na noon ay hindi ko naisip dahil kumikita naman na ako at may trabaho. Ngunit dahil sa binigay nga ng pagkakataon, dahil sa dumarami pa rin ang kaso ng Covid19 at hindi ako pinapayagang makapagtrabaho muna sa labas ay naisip kong magtanong-tanong upang magkaroon din ng silbi kahit papano ang panahong nasa bahay lang ako at mabawas-bawasan na din ang pagkainip. Naging dahilan din ang halos 6 na taon kong namalagi sa Pilipinas bago magkacovid kung saan maraming nag alok sa akin na maging "translator o guide" ng mga bumibisitang Hapon sa mga hotel at casino ngunit alam ko sa sarili kong limitado lang ang nalalaman ko sa Nihonggo kaya kahit sabihin ng management na "okay naman yan" ay hindi ko tinanggap ang trabaho dahil baka mapahiya lang din ako.

Ang Nihonggo ay binubuo ng tatlong (3) klase ng pagsusulat. Ito ay Katakana, Hiragana at Kanji. Ang kanji ay maaring basahin sa dalawang pamamaraan. Ang Kun Yomi na gamit ng mga katutubong Hapon na may iisang karakter at pagbabasa na partikular na ginagamit sa tao. Ang On Yomi naman ay kagaya ng sulat na makikita natin sa mga Intsik sa ngayon na madalas gamiting pang tambal sa mga salita at may iba-ibang pagbigkas, pag basa at ibig sabihin ang mga ito. Dito din nagkakaiba-iba ang pamamaraan ng pananalita o pagsusulat kung ang iyong kausap ay bata, matanda, lalaki o babae. Kung ito ba ay iyong amo, katrabaho, kaibigan o kapamilya. Dahil hindi rin basta-basta ang mag-aral lalo na pag may edad na po tayo. At alam na alam po natin na hindi rin po basta-basta na makakuha ng libreng pag-aaral sa ngayon. Kaya malaking pasalamat ko na nakakuha ako ng slot at nakapasa ako dahil sa dami ng gustong mag-aral ay hindi din lahat ay nabibigyan ng pagkakataon o agad-agad. At hindi dapat maging dahilan ang mga negatibong nangyayari sa mundo, ang sitwasyon at edad para matuto sa mga bagay na maaring makapag-bigay buhay o hanap-buhay natin sa hinaharap.

Tama, dito sa Japan ay maraming trabaho at kahit hindi ka magaling mag Nihonggo, maaari kang mabuhay at kumita. Pero kung gusto mong mas umangat at mas dumami ang iyong nalalaman, kakayahan at kung may pagkakataon, mas mabuti nang matutunan ang mga salitang may paggalang. Dahil hindi lahat ng alam natin ngayon, kahit matagal na tayo sa Japan ay kagalang-galang at katutuwaan ng mga Hapong nakakaharap natin. At dahil tayo ay mga dayuhan sa bansang ito, mas maganda kung matutunan natin kung paano sila nabubuhay, nakikiharap at kung bakit kilala, tinitingala sila sa buong mundo sa kanilang taglay na karakter, disiplina, kinalakhan at ang kanilang mga pinahahalagahan.

Ang ating buhay ay nakasalalay pa rin sa ating mga kamay. Nasa sa atin pa rin ang tamang pagdedesisyon at mapalad tayong nandidito ngayon dahil ramdam natin ang pagmamahal ng Gobyernong Hapon na hindi natin nararamdaman sa sarili nating bayan. Dito pantay-pantay ang trato sa lahat. Maliban sa ating embahada, may Hello Work na handang gumabay sa bawat dayuhang nagnanais matuto, magtrabaho at mamuhay dito sa Japan. Hindi mo kailangang mag-atubili kung ikaw ay talagang nangangailangan.

Ang bawat araw ay may aral at pag-asa sa ating lahat. Sa bawat kabiguan ay may kaginhawaang nakaabang. Sa bawat bagyo ay may magandang panahong masisilayan. Sa bawat pagkawala ay may bumabalik o may bagong darating. Sa bawat gabi may umaga sa iyong paggising at sa bawat dilim may liwanag kang tatanawin. Ganun lang po ang buhay natin. Ang mahalaga ay paano natin ito isinabuhay at kung tayo ba ay naging mabuti o magiging masaya sa bawat desisyon na ating gagawin. Higit sa lahat ay kung alam ba natin ang ating layunin kung bakit tayo nabuhay sa mundong ito.

Hanggang sa muli po. "LIfe is about taking chances, trying new things, having fun, making mistakes and learning from it."

God bless us all.

Isang Tiyak sa Walang Katiyakang Bukas

by Karen Sanchez

Dahil hindi ko alam ang mangyayari bukas

Araw-araw pagmamahal aking pinamamalas

Bibigyang halaga ang bawat dumadaang oras

At ituring palagi na ito na ang aking huling alas

Pag-ibig ang tanging tiyak na hindi tayo magsisisi

Pagkat binibigay natin ito ng walang pasubali

Kahit luha, paghihinagpis at madalas maging sawi

Paulit-ulit akong iibig nang walang pag-aatubili

Di man natin alam ang bukas, ngunit ito ay mananatili

Sapagkat dito sa mundo ay sadyang may karma

Depende sa kung ano ba ang ating mga ipinakikita

Kung papanig sa alam mong mabuti o sa masama

Tiyak na babalik, depende ito sa ating mga nagawa

Mahirap, masalimuot at minsan nakakakilabot

Mundong matalinghaga at maraming sigalot

Ang iba'y wala nang pagpapahalaga sa kapwa

Makikita mo ito lalo na sa mundo ng pulitika

Nawawala ang pagmamahal sa bayan at sa iba

Marami sa kanila pati Ngalan ng Diyos ay nagagamit pa

Para maipakitang ang mga mali ay magmukhang tama

Ngunit kapag ang Diyos ay tiyak mo nang kilala

Mapapailing ka na lamang at maaawa pa sa kanila

This article is from: