1 minute read
Hatid
from Puto Bumbong 2021
by The Angelite
by ARLIN SALONGA
“Namamasko po!” Ang kadalasang susunod na mga kataga Sa tuwing may kakatok sa aming bakod. Ngunit naiiba ang Paskong ito. “Tao po! Delivery para kay—” Nag-unahan ang mga may-ari ng bahay Si Ate, si Kuya, pati si Nanay, At ang nagkakape pang Tatay. Sumisilip maging ang kapitbahay. Umulan, umaraw, O kahit pa yata umulan na ng nyebe, Nagpapatuloy. Silang dalawa, tatlo, o apat na gulong Ang nagsisilbing mga paragos. Hatid ay mga bagay na nagpapasaya Sa mga taong Halos dalawang taon nang nakakulong Sa kani-kanilang kabahayan. Mula pagkain hanggang Sa pinakabagong budol Gaya ng libro, sapatos, o damit Na matagal nang gustong makamit, Sagot nila ang bawat kapritso At pangangailangan mo. Kaya sa Paskong ito, Subukang ibalik, magpasalamat Saluduhan ang kanilang serbisyo. “Salamat po!” sa kada “Tao po!” “Ingat, Kuya!” pagkatapos makunan ng litrato. Magbigay ng tip para sa kanilang pagsisikap. Nakatakip man ang bibig, Hayaang mata ang magpadala Ng sukling ngiti. Ihatid pabalik ang diwa ng Pasko Sa kanilang mga nagsilbing munting Santa Sa panahon ng pandemya At sa buong taon.
Advertisement