3 minute read

24 oras

SA MABABAW na bayong sa gitna ng malaking lamesa, kami’y naroroon ng aking pamilya: si tatay ang kalabasa, si nanay ang ampalaya, si kuya ang okra, si ate ang luya, at ako ang sibuyas. Sibuyas na kay ganda ng pagkalila, kay tama ng hugis, at kay tapang ng presensya pero teka—

Bakit parang hindi nila ako ganyan nakikita?

Advertisement

Hindi maganda ang kulay, hindi tama ang hugis, at mas lalong hindi matapang ang presensya. Sa kanilang mga mata, ako’y palaging alinman sa dalawa: maaaring kasing puti ng multo o pusikit na parang usok; o ‘di kaya’y manipis na parang hindi kumakain o kasing laki ng pridyider. Higit sa lahat, ang katauhan ko’y hindi matapang sa kanilang pagkilala. Paano naman mangyayari ‘yon kung sa simpleng puna nila’y ako ay nasasaktan na?

‘Pag naglagay ng kolorete sa mukha, para kay tatay ay masyado akong maarte. ‘Pag nagtampo, ako raw ay masyadong seryoso. Hindi na raw ako mabiro!

‘Pag nakaligtaang mag-ayos at magsuklay, ako ay tila raw batang gusgusin, ani nanay. ‘Pag sumimangot, tiyak na ako’y lagot. Hindi raw ‘yon naaayon!

‘Pag nababawasan ang pagkain, sa mata ni kuya ay ako’y mapagpanggap. ‘Pag nasaktan, ako raw ay masyadong kapit sa aking nararamdaman. Hindi na raw ako nasanay!

‘Pag humirit ng isa pang sandok ng kanin, si ate’y mahina nang tatawa upang mang-asar. ‘Pag napahiya, ako raw ay hindi marunong magsaya. Hindi na raw ako nakisama!

Sa mababaw na bayong sa gitna ng malaking lamesa, kami’y naroroon ng aking pamilya: si tatay na kasing tigas ng kalabasa ang puso, si nanay na kasing pait ng ampalaya ang mga salita, si kuya na kasing lagkit ng okra ang pag-uugali, si ate na kasing anghang ng luya ang gawi. . .

At ako. . . ako na kasing nipis ng sibuyas ang balat— sensitibo at maramdaming sapat.

Sinapupunan ni Calliope Valmonte

MAHAL kong mga magulang, Malinaw sa ‘kin ang pagkabalisa dahil sa desisyon kong ikandado ang pagkakataong makapagluwal ng anak sa mundo. Nais kong ilahad hindi lang ang akin kundi ang mga damdamin, paniniwala, at alaala din ng mga kagaya kong pinili ang magpatuloy nang walang kalong-kalong na isa pang buhay. Mahirap man tanggapin ngunit nawa’y mamulat kayo sa mga puntong sana’y naging tipikal at rasyonal sa inyo noon pa man.

Ang kulturang pamilya sa lipunan natin ay kaakibat ng pagtutulungan at pagsasama, ngunit bawat isa sa ati’y may kaniya-kaniyang mga pangarap, prinsipyo, at desisyon. Bagama’t nasaksihan ko ang madaliang pagpapasiya ng iba na magka-anak sa tamang panahon, hindi ko pa rin malaman kung saan ko pupulutin ang sinasabi nilang dalawang salitang ‘yon.

Marahil pribilehiyo ang namamagitan sa gusto ninyo. Sa panahong ito, kahit na pare-parehas tayong may dalawampu’t apat na oras ay hindi pa rin iisa ang kakayanan nating kumita’t umangat. Kung noo’y napagkakasya sa bente pesos ang baon, puwes katumbas na ng tatlong pirasong sibuyas ang baon ngayon. Hindi na ako nagluluto dahil halos pareho lang din ang gagastusin sa labas at madalas, nagdadalawang-isip akong lakarin ang destinasyon ko ‘pagkat nakapanghihinayang ang sampung pisong pamasaheng pang-estudyante. Habang yumayaman ang mga nasa itaas, nawawalan ng katiyakan naman ang lipunang ating ginagalawan. Natatanaw ko na ang imahe kong lubhang nalulunod sa kadukhaan, naghihintay na mapansin ng isang nakatataas. Nagpapantig na rin ang mga tenga ko sa kung ano ang mga maisusumbat sa ‘kin ng magiging anak ko kung ‘di ko maiaabot ang bawat pangangailangan niya— materyal man, atensyon, aruga, o oras. Ilan lamang ito sa mga bagay na marahil ay hindi ko kailanman magagampanan, lalo na’t kapos din sa sarili kong pangangailangan.

Kasabay ng gastusin ay ang ipagpaliban ang mga pangarap ko, mga pangarap na tiyak na maipagpapapabukas ko na lamang para sa anak ko. Sa pagdadala ng panghabang-buhay na responsibilidad, habang-buhay na rin akong nakatali sa titulo ng pagiging ilaw ng tahanan. Walang “tamang panahon” para sa isang mahirap, lalo na kapag nasa laylayan.

Patuloy na nagbabago ang mundo at nahahabag ako sa kapasidad kong mapantayan ito. Mainam nang isipin ko na lamang kayo at ang sarili ko. Nakababahala ang kalagayan ng ekonomiya at hindi ako mag-aanak para lang nakawan ko siya ng kalayaan at karangyaan. Mahal kong mga magulang, hindi ko inaasahan na matatanggap ninyo ito kaagad. Sana lamang ay huwag ninyo akong maipipinta na makasarili. Maisasalin ang aking konsensya sa maraming kahulugan ngunit hindi ito karamutan dahil higit na mas makasarili ang magluwal ng anak sa mundong hindi pa handa para sa kaniya.

Nagmamahal, Ang inyong anak

HINDI sapat ang bente kwatro oras para ako’y umangat.

Sa paanan ng palasyong nakatirik sa Pasig, kahirapa’y nakaugat.

Doon, mga mamamayan ng may-ari ay nababalutan ng mga sugat, Mga sugat buhat ng bente kwatro oras na kahit kaila’y ‘di sasapat.

Kahit na anong banat, Kahit na anong puyat, Kahit na anong bigat ng pasan sa balikat, at Kahit na anong hiling sa agimat.

Dahil ba ‘to sa aking kasamaang-palad?

O baka tama silang ako’y tatamad-tamad?

‘Di kaya dahil ang pangarap ko’y sayad?

O bulag lang ang marami sa katotohanang hubad?

Ang oportunidad sa ‘ting bansa ay walang dudang maalat. Dahil ang pundasyon nating mga Pilipino’y mahina’t makunat, Ang mga inaasahang tagapagtaguyod ay ‘di ginagawa ang dapat, Mga salita at kilos nila ay pawang kasinungalingan at patumapat.

Hindi sapat ang bente kwatro oras para ako’y umangat.

Hindi dahil ang sipag at tiyaga ko’y kulang sa sukat, Kung hindi dahil sa limitadong kilos ng aking bansa, Bansang dapat ay aking kaakibat.

This article is from: