1 minute read

BUBOG

Next Article
Untitled III

Untitled III

By ARTEMIS

Nakakalat ang mga bubog sa sahig ng kanilang maliit na barung-barong. Ito ang kanyang nadatnan pagkauwi niya sa bahay matapos ang kanyang panggabihang “shift” sa trabaho. Isa lamang ang ibig sabihin nito, lasing na naman ang kanyang ama.

Advertisement

“Asan ka galing? Inuumaga ka na lang lagi ng uwi!” bungad ng kanyang ama.

“Tay, alam mo namang nagtatrabaho ako para may makain tayo. Nawalan kayo ng trabaho dahil sa pandemya kaya kahit nag-aaral pa ako ay sinisikap kong makatulong sa iyo,” tugon niya.

Nanlisik ang mga mata ng kanyang ama at hinawakan nito ang kanyang buhok at kinaladkad siya nang nakayapak sa mga bubog sa sahig.

“Sumasagot ka na ngayon sa akin? Iyan pa ang tinuro sa inyo sa paaralan, ha?” galit na sigaw nito. Hindi niya iniinda ang sakit ng matutulis na bubog sa kanyang mga paa dahil tagos ang pighati nito sa kanyang puso. Tila namanhid na ito sa sakit; wala siyang imik at walang luhang nagbabadyang kumawala sa kanyang mga mata.

Sa bawat bugbog na kanyang natatanggap ay kanya ring unti-unting pagkabasag. Sa bawat hampas ay mas sumisidhi ang kanyang damdaming tumakas. Ang tanikalang gumagapos sa kanya ay lalong humihigpit na imposible nang makawala. Isang kalapastanganan ang walang respeto sa magulang subalit kailangan bang maranasan ng anak ang kalapastanganang ito?

“Good morning class, please turn on your camera for the checking of attendance. Ms. Dalisay, are you there? Kindly open your camera,” ani ng kanyang guro.

“Pasensya na po maam, sira po kasi ang kamera ng selpon ko,” pagsisinungaling nito. Ang mga pasa, sugat at galos na kanyang natamo ay pawang mababaw lamang na parte ng sakit.

Hindi niya kayang tingnan ang kanyang repleksyon dahil ito ay naglalarawan ng kahinaan at takot. Nakakalat pa rin ang mga bubog sa sahig subalit hindi lamang ito mula sa bote ng alak kundi iilang piraso rin ng kanyang durog na pagkatao.

ART BY CHARLENE MAE CANJA

This article is from: