1 minute read

Rhannie-ng for Gold: Takbo Patungong Tagumpay

By Mishael Defeo

T akbo. Hingal. Takbo.

Nakakapagod mang pakinggan, ngunit ito na ang naging buhay ng humigit kumulang isang dekadang pagiging atleta ng pambato ng Senior High School Jose Rizal University (SHS JRU) sa larangan ng takbuhan na si Rhannie “Rhan” Pilaspilas, 17, grade 11 student ng H11D kung saan pinatunayan niyang nananalaytay na sa kanyang katawan ang pagiging atleta.

Sa edad na walo, nagsimulang mag-alab ang pagmamahal ni Rhannie sa athletics nang mamulat siya sa pamilyang aktibo sa isports lalong lalo na sa track and field. Nagkaroon ng malaking parte ang kanyang mga magulang sa pagkahilig niya sa takbuhan sapagkat dati na rin silang mga atleta na lumalaban sa nasabing isports.

Mula sa mga fun run, marathon, at maliliit na kompetisyong nasasalihan na may kinalaman sa pagtakbo; kasabay ang impluwensya ng mga magulang at oportunidad na nagbubukas para sa kanya, mas lumalim pa ang pagkahumaling ni Rhan sa track and field kung saan nadala niya ang disiplinang ito noong magsimula siyang lumaban sa elementarya hanggang sa pagtungtong niya ng sekondarya.

Sa isang dekada niyang pagpapaikot-ikot sa oval at walang kapagurang pagtakbo, nakapag-uwi na siya ng mga karangalan na nagpaingay sa kanyang pangalan. Kung dati ay kumukubra lamang siya ng tanso at pilak, ngayon nakapag-uuwi na siya ng ginto sa iba’t ibang track and field events.

Sa nagdaang Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) 2022, umarangkada si Pilaspilas matapos niyang selyuhan ang tatlong ginto sa 800m, 5000m, at 3000m steeplechase at isang tanso sa 1500m na takbuhan.

Naging matunog din ang pangalang Rhannie sa NCR Palaro 2023 kung saan kumamada siyang muli ng tatlong ginto sa 800m, 1500m at 3000m steeplechase na takbuhan kung saan siya ang magiging kinatawan ng Mandaluyong sa Palarong Pambansa 2023. Higit sa mga medalyang ito ang karangalang ibinigay niya sa institusyon at sa kanyang pamilya.

Ayon sa batang atleta, hindi naging madali ang kanyang dinanas sa paghubog ng kanyang kakayanan, subalit, naging malaking parte ng kanyang inspirasyon ang pamilya, mga kaibigan, ang mga coaches at ang JRU na unang naniwala sa kanyang talento.

“Disiplina sa sarili, isapuso ang training, ‘wag magpapabaya sa katawan, at matulog nang maaga,” pahayag ni Rhan, kung saan mapatutunayang siya ay isang inspirasyon hindi lang sa kapwa niya mga atleta kundi pati na rin sa kapwa niya estudyante.

Sa likod ng mga medalya at karangalan, batid ni Rhannie ang hirap na kanyang dinanas upang makamit ang tagumpay. Ngunit sa hinaba-haba ng kanyang paglalakbay bitbit niya ang mga aral at disiplinang hatid sa kanya ng isports na ito.

Sa huli, sa bawat tagaktak ng pawis sa pagtakbo, kaakibat nito ang pagpupursigi, hirap, at hingal na inabot niya makamtan lamang ang inaasam-asam na medalya. At habang suot ang jersey at sapatos, bitbit ang pangrap at baon ang determinasyon, patuloy na tatakbuhin ni Rhan ang mahaba pang kalsada patungo sa kanyang tagumpay at mga pangarap.

This article is from: