2 minute read

Siklo ng mga Pitak

Next Article
Peak Existence

Peak Existence

Mga paa ng orasa’y nakikipaglaro sa pagtakbo ng panahon. Walang kapaguran. Walang pagkahilo. Patuloy lang sa pag-ikot. Samantalang ang mga ulap na kanilang nakakahalubilo’y patuloy lamang sa pagpapalit ng bihis. Animo’y mga hudas na naghuhugas ng kanilang mga kaluluwa habang sila ay mabilis na tumatalilis. Mistulang hindi nakikita’t naririnig ang mga pitak na nakatingalang tumatangis. Ang mga pitak na saksi sa kakaibang siklo ng pag-ani. Nakakikilabot ang klase ng tag-ulan na dito’y bumabalot. Ang dala sa mga pitak ay pagbaha ng mga dugo habang inuulan ng mga tingga’t punglo. Ang mga pitak na pinanday ng mga krus na nagkaugnay-ugnay na dahil sa napupuno na ang malawak na lupaing pinasikip ng dagsa-dagsang nakadipa’t nakadapang mga katawan mistulang mga palay na pinahimlay. Tila walang katapusan ang lagim na nagkukubli sa bagwis ng kulimlim. Mga hininga’y hinihigit ngunit hindi sila pumipikit, mga matang nagpupumilit tanawin kahit pagpuslit ng kaunting liwanag. Umaasang unti-unting sisilip ang sinag na hudyat ng pagtatapos ng dilim...ng unos...ng tag-ulan. Sa pagpapalit ng bihis ng mga ulap, hindi na mamamalayan ng kanilang hinagap na natapos na ang paglalangas sa mga bitak ng lupain. Hindi na bakas kung saan nanuot ang mga luha’t dugo. Hindi na maririnig ang mga alingawngaw ng pagpalahaw. At sa muling paglaban ng araw, pagbangon ng mga namamanglaw ang matatanaw. Ang mga putik na iniwan ang magpapahitik sa binhi ng muling pagsibol ng paghatol. Kasabay ang pagkatuyo ng luha’t dugo, mababanaag ang mga pilat na naglalangib mula sa panganib. Gaano man kasikip ang espasyo para sa kanila, unti-unting ititindig ang mga sarili at katarungan ang magiging uhay ng kanilang buhay. Oras na ng pag-ani sa mga butil ng uhay. Sa wakas, hindi na hininga ng mga magsasaka ang mapupugto kung hindi ang ilang henerasyon ng malalagim na siklo sa mga pitak.

Advertisement

This article is from: