[Filipino version] R.A. 11313

Page 1


SAFE SPACES ACT: ISANG PRAYMER

Pambungad Simula nang maisabatas ang Batas Republika Blg. 7877, o ang Anti-Sexual Harassment Act ng 1995, nakapagbigay ito ng proteksyon para sa mga kababaihan sa mga larangan ng kabuhayan, edukasyon, at pagsasanay o treyning. Gayon pa man, makalipas ang dalawang dekada, nananatili pa ring banta sa mga paaralan at lugar-paggawa ang isyu ng sexual harassment o pang-aabusong sekswal. Bukod pa rito, limitado lamang ang sakop ng naturang batas kung kaya marami pa ring insidente ng sexual harassment ang hindi nito saklaw. Sa ganitong konteksto, pinalalawig ng Batas Republika Blg. 11313, o ang Safe Spaces Act ng 2019, ang pagbibigay ng proteksyon sa tatlong paraan: Una, pinarurusahan nito ang Gender-Based Sexual Harassment (GBSH). Maparurusahan na ng batas ang mga pahayag na homopobik (homophobic), transpobik (transphobic), misoginistik (misogynistic), at seksist (sexist). Tumitindig din ang naturang batas na ang gender-based sexual harassment ay usapin ng karapatang pantao na kailangang harapin at tugunan. Habang higit sa dalawang dekada nang ipinaglalaban ang pagsasabatas ng SOGIE Equality Bill, itinuturing na


malaking hakbang ang Safe Spaces Act sa pagkilala sa komunidad ng LGBTQIA++ at sa patuloy na pagsulong ng proteksyon ng mga kababaihan na pinakakaraniwang biktima ng sexual harassment at iba pang anyo ng karahasan batay sa kasarian. Ikalawa, sakop na nito ang sexual harassment sa mga pampublikong lugar, na isa sa mga limitasyon ng AntiSexual Harassment Law. Sa mga nakalipas na taon, tanging mga kaso lamang na naganap o ginawa sa konteksto ng trabaho, edukasyon, at pormal na treyning ang sakop ng batas. Bukod pa rito, ang maaari lamang parusahan ay ang mga indibidwal na may awtoridad, kapangyarihan, o moral ascendancy sa mga biktima. Sa karanasan sa akademya, partikular sa UP Diliman, iba’t iba ang anyo ng sexual harassment. Ilan rito ay ang pangaabuso sa kaparehas na kasarian, ang pang-aabuso sa mga katrabaho at kasamahan, at ang reversed harassment o pang-aabusong baligtad kung saan ang nasa mas mababang posisyon ang nang-aabuso sa nasa mas mataas na posisyon. Halimbawa nito ang pang-aabusong sekswal ng empleyado sa kanyang supervisor o ng estudyante sa kanyang guro. Isinisiwalat nito na marami at iba’t iba ang maaaring pagmulan ng kapangyarihan upang mang-abuso – kabilang na rito ang seks, kasarian, edad, at katayuan sa trabaho. Kung gayon, sinoman ay maaaring mang-abuso. Kinikilala ng Pamantasan ang ganitong iba’t ibang anyo ng pang-aabusong sekswal, kung kaya isinama ang mga ito sa UP Anti-Sexual Harassment Code (ASH Code), na inaprubahan ng Lupon ng mga Rehente ng UP noong 2017. Maaari nang magsilbing modelo ang ASH Code para sa ibang paaralan, ahensiya ng gobyerno, at maging sa mga industriya sa pribadong sektor.


Kasama rin sa Safe Spaces Act ang mga kaso ng GBSH sa mga pampublikong sasakyan at maging sa mga pribadong sasakyang ginagamit sa negosyo (katulad ng Angkas, Grab, atbp). Ikatlo, pinarurusahan din ng batas ang mga genderbased sexual harassment sa mga birtwal o online na espasyo. Makabuluhan ito lalo na sa panahon ngayon ng pandemyang COVID-19, kung kailan ginagawa nang online ang karamihan ng pagtatrabaho at pag-aaral. May karampatang parusa na ayon sa batas ang cyberstalking, online sexual harassment, pamboboso online o online voyeurism, at iba pang kaugnay na mga paglabag o krimen. Bilang pagsusulong na mabatid ng mas marami ang ating mga karapatan laban sa sekswal na pang-aabuso, inilalathala ng UP Diliman Gender Office ang praymer na ito ng Safe Spaces Act o Batas Republika Blg. 11313. Tungkulin natin ngayon na bantayan ang mahigpit na pagpapatupad ng batas na ito, lalo na sa panahon ngayon na maging ang mga pinakamatataas na opisyal ng ating gobyerno ay gumagawa ng mga gender-based sexual harassment sa kanilang mga pananalita at pagkilos. Kabilang ang praymer na ito sa mga proyekto namin para sa pagdiriwang ng UP Diliman Pride Month 2021, na may temang “Sama All, Pantay All: Sumusulong, Yumayabong and Pride sa Panahon ng Pandemya.” Pinasasalamatan namin sina Atty. Alnie G. Foja at Frank Lloyd B. Tiongson ng Foja Law Office sa pagbalangkas ng praymer na ito. Ibayong pasasalamat din sa Sentro ng Wikang Filipino, sa pamumuno ni Dr. Michael Francis Andrada para sa pagsasalin nito sa Filipino.


1. Bakit kailangan ng iba pang batas na magpaparusa sa sekswal na pang-aabuso kahit na mayroon nang Anti-Sexual Harassment Act (Republic Act No. 7877)? May mga anyo ng sekswal na pang-aabuso na hindi itinuturing na krimen sa depinisyon ng sexual harassment sa ilalim ng R.A. 7877. 2. Ano-ano ang mga halimbawa ng sekswal na pangaabuso na hindi sakop ng R.A. 7877? Hindi itinuturing na krimen sa R.A. 7877 ang mga sekswal na pang-aabuso na ginawa sa mga kalye, pampublikong lugar, at internet. Gayon din, hindi itinuturing ng R.A. 7877 na krimen ang mga sekswal na pang-aabuso na ginawa ng katrabaho o kasamahan sa treyning o edukasyon. Kung kaya kailangan ng batas na magsisigurong ligtas ang mga pampublikong espasyo sa pang-aabusong sekswal. 3. Kailan ipinatupad ang Safe Spaces Act (Republic Act No. 11313)? Agosto 3, 2019. 4. Tungkol saan ang Safe Spaces Act? Nilalayon ng batas na ito na maging ligtas ang mga kalye, pampublikong lugar, at internet mula sa gender-based sexual harassment sa pamamagitan ng pagturing sa mga GBSH sa pampublikong espasyo bilang krimen. Itinuturing din nitong krimen ang mga kaso ng GBSH sa pagitan ng mga magkakasama o magkakatrabaho sa mga institusyon ng edukasyon, treyning, at trabaho. 1


5. Napawalang-bisa ba ng Safe Spaces Act ang AntiSexual Harassment Act? Hindi. 6. Binago ba nito ang Anti-Sexual Harassment Act? Hindi. Parehong magkaibang batas.

ipinatutupad

ang

dalawang

7. Ano ang pagkakaiba ng Safe Spaces Act at ng AntiSexual Harassment Act? a.) Ang Anti-Sexual Harassment Act ay limitado lamang sa loob ng trabaho, edukasyon, at treyning. Samantala, sakop at saklaw din ng Safe Spaces Act ang mga espasyo tulad ng mga kalye, pampublikong lugar, at internet o cyberspace; b.) Ang Safe Spaces Act ay nakatuon sa paglaban sa mga gender-based sexual harassment. c.) Sa Anti-Sexual Harassment Act, upang maituring na krimen ang sekswal na pang-aabuso ay rekisito o kinakailangan na mas nakatataas, may impluwensiya, o may awtoridad at kapangyarihan ang gumawa nito sa biktima. Samantala, tinanggal ng Safe Spaces Act ang rekisitong ito. 8. Ano ang gender-based sexual harassment o GBSH? Ito ay tumutukoy sa mga pag-uugali, kondukta, pagkilos o pagturing sa isang tao dahil sa kaniyang kasarian, identidad pangkasarian, at/o ekspresyong pangkasarian, na nagdudulot o malamang magdulot sa biktima ng kapahamakan o pinsalang mental, emosyonal, o sikolohikal.

2


9. Ayon sa Safe Spaces Act, saang mga espasyo maaaring mangyari ang GBSH? 1.Mga kalye at pampublikong lugar 2.Online o cyberspace 3.Lugar na pinagtatrabahuhan o lugar-paggawa 4.Mga institusyon ng edukasyon at treyning

GENDER-BASED SEXUAL HARASSMENT(GBSH) SA MGA KALYE AT PAMPUBLIKONG LUGAR 10. Paano ginagawa o nangyayari ang krimeng gender-based sexual harassment sa mga kalye at pampublikong lugar? Ang krimeng GBSH ay “anomang sekswal na aksyon at pahayag na hindi ginusto at hindi pinahintulutuan ng biktima, kahit na ano pa man ang motibo ng gumawa nito.” 11. Ang itinuturing lang ba na pampublikong lugar ay ang mga lugar na pagmamay-ari ng publiko o ng gobyerno? Hindi. Kabilang rito ang mga pribadong lugar, espasyo o gusali na bukas sa publiko. Kasama rin dito ang mga pampublikong sasakyan (dyip, bus, atbp.) at mga pribadong sasakyan na sakop ng app-based na serbisyong pangtransportasyon (Grab, Angkas, atbp.). 12. Ano-ano ang mga halimbawa ng lugar o espasyo na pribadong pag-aari pero bukas sa publiko? Mall, restawran, simbahan, paaralan, sinehan, spa, bar at club, resort, hotel, casino, at iba pa.

3


13. Ano-ano ang mga halimbawa ng GBSH sa kalye at pampublikong espasyo? a. Catcalling, wolf-whistling (pagsipol, pagpaswit, pagsutsot, o pagalulong), mga paanyayang hindi ginusto, at mga pang-iinsultong misoginistik, transpobik, homopobik, at seksist; b. Tuloy-tuloy na hindi inanyayahang o hindi pinahintulutang mga komento at kilos tungkol sa hitsura ng isang tao; c. Sapilitang paghingi impormasyon o detalye;

ng

mga

personal

na

d. Pagpapahayag ng mga sekswal na komento at sekswal na pahiwatig; e. Publikong pagsasalsal o pagpapakita ng mga maselang bahagi ng katawan; f. Panghihipo o pangangapa, bastos o mapanakit na pagkilos o pagmuwestra ng katawan, at iba pang sekswal o malaswang pagkilos; g. Tuloy-tuloy na pagsabi ng mga sekswal na biro; h. Palihim na pagsunod o paglapit na pasubok-subok (stalking). 14.

Ano ang pahayag o insultong (“homophobic remarks or slurs”)?

homopobik

“Anomang anyo o paraan ng paghahayag na nagpapakita ng takot, galit, o inis sa mga taong ipinagpapalagay o hayag na lesbiyana, gay o bakla, bisekswal, queer o kakaiba, pansekswal, at mga indibidwal na iba ang sekswal na oryentasyon, pangkasariang identidad o ekspresyon, o sa mga taong ipinagpapalagay o aktuwal na nakararanas ng pagkagusto sa kaparehong kasarian.” 4


15.

Ano ang pahayag o insultong (“misogynistic remarks or slurs”)?

misoginistik

“Anomang anyo o paraan ng paghahayag na nagpapakita ng pagkasuklam sa babae o ang paniniwalang likas na mas magaling ang mga lalaki kaysa sa babae.” 16. Ano ang seksist na pahayag o insulto (“sexist remarks or slurs”)? “Anomang anyo o paraan ng paghahayag na nagpapakita ng perhuwisyo o masamang palagay, pagkakahon (stereotyping), o diskriminasyon batay sa kasarian, karaniwang laban sa mga babae.” 17.

Ano ang transpobik na pahayag (“transphobic remarks or slurs”)?

o

insulto

“Anomang anyo o paraan ng paghahayag na nagpapahiwatig ng takot, galit o inis sa mga taong ang pangkasariang identidad at/o ekspresyon ay hindi kumporme sa itinakdang kasarian nang sila’y ipinanganak.” 18. Ano ang “catcalling”? “Masasama o mapaminsalang mga pahayag laban sa isang tao na kadalasang ginagawa sa paraan ng wolf-whistling (pagsipol, pagpaswit, pagsutsot, o pagalulong) at ng misoginistik, transpobik, homopobik, at seksist na insulto.” 19. Ano ang “stalking”? “Aksyon, asal, kondukta, ugali o kilos na nakadirekta sa isang tao tulad ng paulit-ulit na biswal o pisikal na paglapit o pagsunod, walang-pahintulot na komunikasyon, o kombinasyon ng mga ito, na nagdudulot o malamang magdulot ng takot para sa kaligtasan niya o ng ibang tao, o magbunga ng 5


emosyonal na ligalig o pangamba.” 20.

Ano ang dapat gawin ng pangasiwaan o management upang matiyak na ligtas mula sa GBSH ang mga restawran at cafe, bar at club, resort at water park, hotel at casino, sinehan, mall, gusali at iba pang espasyo na pribadong pag-aari na bukas sa publiko?

Dapat na: a. Ipatupad ang patakarang zero-tolerance o tahasang hindi pagkunsinti laban sa gender-based sexual harassment sa kalye at pampublikong espasyo. b. Tumulong sa mga biktima ng gender-based sexual harassment. c. Maglagay ng tahasan o kitang-kitang mga paunawa o babala laban sa gender-based sexual harassment sa pampublikong espasyo. 21. Anong karagdagang parusa ang ipinapataw ng batas sa drayber na gumawa ng GBSH sa mga pampublikong sasakyan o transportasyon? Maaaring kanselahin ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng drayber na gumawa ng GBSH sa isang pampublikong sasakyan. Bukod dito, maaaring suspindehin o ipawalang-bisa ng Land Transportation Franchise and Regulatory Board (LTFRB) ang prankisa ng kanyang operator. 22. Paano isinasagawa ang citizen arrest o pag-aresto ng mamayan kaugnay ng GBSH? Ang isang tauhang pangseguridad o isang taong nakasaksi sa krimen ay maaaring magsagawa ng citizen’s arrest at hulihin ang nagkasala ayon sa sumusunod na kalagayan: a. Kung sa harap ng pribadong indibidwal, ang taong 6


aarestuhin ay gumawa, ginagawa, o nagtatangkang gawin ang GBSH; at b. Kung ang GBSH ay tiyak na ginawa, at kung nalalaman at patototohanan ng pribadong indibidwal na ginawa nga ito sa kaniya ng taong huhulihin. 23. Ano ang mangyayari kung ang sekswal na pangaabuso sa kalye at pampublikong espasyo ay ginawa ng isang menor-de-edad? Didisiplinahin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang nagkasalang menorde-edad at isasailalim sa programang dibersiyon o rekreasyon sa ilalim ng Juvenile Justice and Welfare Act ng 2006 (R.A. 9344). 24. Ano-ano ang mga tungkulin ng local government units (LGUs) o mga yunit ng lokal na pamahalaan sa ilalim ng batas? a. Magpasa ng isang ordinansa na nilolokalisa o iniaakma sa lokal na antas ang pagpapatupad ng batas; b. Magtaguyod ng isang hotline para sa pag-uulat, pagharap, o pagresponde sa mga kaso ng sekswal na pang-aabuso; c. Magtatag ng isang referral system o sistema ng pagsangguni at konsultasyon para sa mga nagrereklamo; d. Magsagawa ng mga pagsasanay para sa mga opisyal ng barangay; e. Magtayo ng tanggapan ng Anti-Sexual Harassment (ASH) sa lahat ng barangay; at f. Bumuo ng mga mekanismo para sa pag-aasikaso at dokumentasyon ng mga reklamo, kabilang ang mga kasong saklaw ng sistema ng Katarungang 7


Pambarangay at iba pa. (Seksyon 9, IRR ng R.A. 11313) 25. Ano-ano ang mga pambansang lupon o pangkat na responsable sa pangangasiwa ng pagpapatupad ng batas? Ang Philippine Commission on Women (PCW), ang Department of the Interior and Local Government (DILG), at ang Department of Information and Communications Technology (DICT). 26. Ano-ano ang mga lupon o pangkat na awtorisadong ipatupad ng batas at hulihin ang mga nagkasala o gumawa ng GBSH sa kalye at pampublikong espasyo? Ang Metro Manila Development Authority (MMDA), mga lokal na yunit ng Philippine National Police (PNP) para sa iba pang mga lalawigan, at ang Women and Children’s Protection Desk (WCPD) ng PNP, sa kondisyong sumailalim na sila sa Gender Sensitivity Training. 27. Ano-ano ang mga parusa para sa nagkasala ng GBSH sa kalye at pampublikong espasyo? Depende sa bigat ng pagkakasala at sa dalas ng paglabag. Ang parusa sa kaso ng sekswal na pangaabuso sa kalye at pampublikong espasyo ay hindi bababa sa Php 1,000.00 multa at 12 oras na serbisyong pangkomunidad, kabilang ang pagdalo sa isang Gender Sensitivity Seminar, at hindi hihigit sa arresto mayor (isang buwan at isang araw hanggang anim na buwan na pagkakakulong) o multang Php 100,000.00. Ang pinakamalupit na parusa ay ipapataw sa isang tao, na sa ikatlong pagkakataon, ay gumawa ng malaswang pagkilos, tulad ng palihim na pagsunod o pasuboksubok na paglapit (stalking), na may kasamang paghipo, pagkapa, pagkurot, pagdantay, o pagkiskis sa ari, mukha, braso, (butas ng) puwit, singit, dibdib, 8


(panloob na) hita, pigi o anumang bahagi ng katawan ng biktima.

ANG GENDER-BASED SEXUAL HARASSMENT SA ONLINE O INTERNET 28. Paano isinasagawa o nangyayari ang gender-based sexual harassment sa online o internet? Ang gender-based online sexual harassment ay kinabibilangan ng mga aksyon o kilos na gumagamit ng teknolohiyang pang-impormasyon at pangkomunikasyon para sa paninindak at pananakot sa mga biktima sa pamamagitan ng: a. Pisikal, sikolohikal, at emosyonal na pagbabanta o pananakot; b. Mga pahayag at komentong misoginistik, transpobik, homopobik, at seksist sa online o internet, maging ito man ay nakapubliko o nasa direkta at pribadong mensahe; c. Panghihimasok sa pribadong buhay ng biktima sa pamamagitan ng cyberstalking at walang-tigil na pagpapadala ng mensahe; d. Pag-upload at pagbabahagi, nang walang pahintulot ng biktima, ng anumang uri ng midya na naglalaman ng mga larawan, boses, o bidyo na may nilalamang sekswal; e. Anumang ‘di-awtorisadong pagrerekord at pagbabahagi sa internet ng anomang larawan, bidyo, o impormasyon ng biktima; f. Pagpapanggap o paggamit sa identidad ng biktima sa online at pagpapaskil ng mga kasinungalingan 9


tungkol sa biktima para sirain ang kaniyang reputasyon; g. Pagsasampa ng mga maling ulat ng pang-aabuso sa mga online platform para patahimikin ang biktima. 29. Saan maaaring isampa ang mga reklamo para sa gender-based online sexual harassment? Ang mga reklamo ay maaaring isampa sa mga tanggapan ng pang-uusig ng Department of Justice (DOJ), PNP Anti-Cybercrime Group, o National Bureau of Investigation (NBI). 30. Ano-ano ang mga parusang maaaring ipataw para sa kaso ng gender-based online sexual harassment? Ang mga parusa para sa gender-based online sexual harassment ay ang katamtamang panahon (anim na buwan at isang araw hanggang anim na taong pagkakakulong) ng prision correccional, o multang hindi bababa sa Php 100,000.00 ngunit hindi hihigit sa Php 500,000.00, o pareho, depende sa hatol ng korte.

ANG GENDER-BASED SEXUAL HARASSMENT SA LUGAR NA PINAGTATRABAHUHAN O LUGAR-PAGGAWA 31. Ano-ano ang GBSH sa lugar na pinagtatrabahuhan o lugar-paggawa? Ang krimen ng gender-based sexual harassment sa lugar-paggawa ay kinapapalooban ng sumusunod: a. Anomang ‘di-katanggap-tanggap na sekswal na pahiwatig, kilos, hiling o utos para sa mga sekswal na pabor, o anumang kilos na likas na sekswal, na mayroon o maaaring magkaroon ng masamang epekto sa kalagayan ng indibidwal sa kaniyang trabaho 10


o edukasyon, paggampan o oportunidad sa trabaho; b. Pag-uugali o konduktang likas na sekswal at iba pang asal na nakabatay sa seks at kasarian, na nakaaapekto sa dignidad ng isang tao, at ‘di-katanggap-tanggap, ‘di-makatuwiran, at nakapipinsala sa sinomang nakararanas nito. c. P a g - u u g a l i n g - - ‘ d i - k a t a n g g a p - t a n g g a p , nangingibabaw at lumilikha ng isang nakatatakot, nakagagalit o mapanghamak na paligid para sa sinomang nakararanas nito. 32. Sino-sino ang maaaring gumawa o magkasala ng GBSH sa lugar na pinagtatrabahuhan o lugarpaggawa? Ang GBSH sa lugar-paggawa ay maaaring mangyari sa pagitan ng magkakatrabaho, at/o sa pagitan ng mas nakabababang empleyado at mas nakatataas na opisyal, o kabaligtaran nito. 33. Sa loob ng opisina o lugar-paggawa lang ba puwedeng mangyari ang workplace GBSH? Hindi. Kapag sinabing “workplace,” kasama doon ang lahat ng lugar, erya, lokasyon at espasyo kung saan gumagawa o gumagampan ng trabaho ang isang empleyado, nasa loob o labas man ito ng permanente o madalas na opisina o lugar-paggawa. 34. Ano-ano ang mga tungkulin ng employer sa ilalim ng nasabing batas? Ang mga employer o iba pang mga indibidwal na may awtoridad, kapangyarihan, impluwensiya, o moral ascendancy sa lugar-paggawa ay may tungkulin na pigilan, hadlangan, huwag pahintulutan, o parusahan ang mga akto ng GBSH sa lugar-paggawa.

11


35. Paano tutuparin ng mga employer ang nasabing mga tungkulin? a. Bigyan ng kopya ng batas ang lahat ng tao sa lugarpaggawa; b. Gumawa ng mga hakbang tulad ng mga anti-sexual harassment seminar para mapigilan ang GBSH sa lugar-paggawa; c. Bumuo ng isang Committee on Decorum and Investigation (CODI) upang imbestigahan at tugunan ang mga reklamo ng GBSH; d. Gumawa at mamahagi ng “code of conduct” o patakaran sa lugar-paggawa na: (i) tahasang nagpapaalala na bawal ang GBSH; (ii) nagsasaad ng mga hakbang o internal na mekanismo para sa pagharap sa mga reklamong kaugnay ng GBSH; at (iii) nagtatakda ng mga adminstratibong parusa. 36. May tungkulin din ba ang mga empleyado at katrabaho sa ilalim ng naturang batas? Oo. Tungkulin ng mga empleyado at katrabaho na: a. Huwag gumawa ng anomang uri ng GBSH; b. Huwag pahintulutan ang anomang uri ng GBSH sa lugar-paggawa; c. Magbigay ng emosyonal at mapagkapuwang suporta sa mga kapuwa empleyado o katrabaho na biktima ng GBSH; at d. Mag-ulat ng mga akto ng GBSH na nasaksihan sa lugar-paggawa.

12


37. Paano ipababatid sa employer ang mga ulat at kaso ng GBSH? a. Maaaring ipabatid sa employer o sinomang ahente ng employer ang mga ulat ng GBSH. b. Maaaring anonymous ang pagpapabatid sa employer ngunit kailangang suriin at patotohanan ito ng employer at paimbestigahan sa CODI. c. Kung ang reklamo ay inihapag ng biktima gamit ang sariling pangalan, ituturing agad itong pormal na reklamo at maaari nang isumite direkta sa CODI. d. Mula doon, susundin ng CODI ang mga hakbang at panuntunan sa pag-iimbestiga ng reklamo. 38. Ano-ano ang mga posibleng pananagutan ng mga employer sa ilalim ng nasabing batas? Bukod sa pananagutan sa paggawa ng mga akto ng GBSH, maaaring panagutin ang mga employer kung: a. Hindi nila tuparin ang kanilang tungkulin; o b. Hindi sila umaksyon sa mga iniulat na kaso ng GBSH sa lugar-paggawa. GENDER-BASED SEXUAL HARRASMENT SA MGA INSTITUSYON NG EDUKASYON AT PAGSASANAY O TREYNING 39. Sa ilalim ng nasabing batas, ano-ano ang mga ispesipikong obligasyon ng mga institusyon ng edukasyon at pagsasanay (treyning)? a. Magtalaga ng opisina o indibidwal na madaling lapitan o laging handang tumanggap ng mga reklamo ng GBSH; 13


b. Magpatibay at maglathala ng mga tuntuning pangkaraingan (grievance procedures) para makapagsampa ng reklamo ang mga mag-aaral at guro; c. Suportahan ang mga indibidwal o partidong dumadalo sa pagdinig ng korte sa mga kaso ng GBSH, tulad halimbawa ng pagpapahintulot sa mga magaaral na lumiban sa klase tuwing may pagdinig; d. Tiyakin na nahaharap ng CODI ang mga kaso ng GBSH at online sexual harassment. 40. Sino-sino ang itinuturing na mga “mag-aaral” sa ilalim ng nasabing batas? Ang mga naka-enroll nang full-time o part-time sa mga regular na kurso o short-term at special training na ibinibigay ng mga institusyon ng edukasyon at pagsasanay. 41. Sino-sino ang maaaring magkasala ng GBSH sa mga institusyon ng edukasyon at pagsasanay? Maaaring magkasala ng GBSH ang mga punongguro, pinuno ng paaralan, guro, instruktor, propesor, coach, trainer, o sinomang may awtoridad, kapangyarihan, impluensiya o moral ascendancy sa mga indibidwal, tao, mag-aaral, at trainee. 42. Ano-ano ang mga tungkulin ng mga pinuno ng paaralan at institusyon ng pagsasanay? a. Mamahagi ng kopya ng nasabing batas; b. Maglatag ng mga hakbang para mapigilan ang GBSH sa mga institusyon ng edukasyon, tulad ng mga kampanya sa pagpapalaganap ng impormasyon; c. Magtaguyod ng isang CODI na mag-iimbestiga at haharap sa mga reklamo ng GBSH; 14


d. Magtatag at magpalaganap ng isang code of conduct o patakaran ng paaralan, na dumaan sa konsultasyon sa lahat ng kabilang sa institusyon ng edukasyon, na naglalayong: i. Tahasang ipaalala na bawal ang GBSH; ii. Ipabatid ang mga hakbang ng internal na mekanismong nilikha sa ilalim ng batas na ito; at iii. Itakda ang mga administratibong parusa. 43. Ano-ano ang mga posibleng pananagutan ng mga pinuno ng paaralan at institusyon ng pagsasanay sa ilalim ng nasabing batas? Bukod sa pananagutan sa paggawa ng mga akto ng GBSH, maaaring panagutin ang mga punongguro, pinuno ng paaralan, guro, instruktor, propesor, coach, trainer, o sinomang may awtoridad, kapangyarihan, impluwensiya o moral ascendancy sa ibang tao sa isang institusyon ng edukasyon o pagsasanay, kung: a. Hindi nila tuparin ang kanilang mga tungkulin na nakasaad sa Seksyon 22 ng R.A. 11313, tulad nang nakasaad sa mga probisyong penal; o b. Hindi sila umaksyon sa mga iniulat na kaso ng GBSH sa institusyon ng edukasyon o pagsasanay. 44. Paano parurusahan ang isang menor-de-edad na mag-aaral na nagkasala ng GBSH? Ang mga mag-aaral na menor-de-edad na napatunayang nagkasala ng GBSH ay pananagutin sa pamamagitan ng mga parusang administratibo na nakasaad sa handbook ng paaralan.

15


45. Gaano katagal o kahaba ang pinahihintulutang panahon para magsampa ng mga kaso ng GBSH? Hanggang isang (1) taon para sa mga sala o paglabag sa ilalim ng Seksyon 11(a) (catcalling o paghiyaw-sekswal, wolf-whistling o pagsipol-sekswal, atbp); Hanggang tatlong (3) taon para sa mga sala o paglabag sa ilalim ng Seksyon 11(b) (nakagagalit o nakababastos na muwestra o aksyon ng katawan, atbp); Hanggang sampung (10) taon para sa mga sala o paglabag sa ilalim ng Seksyon 11(c) (stalking o pagsunod nang palihim o pagsubaybay o paglapit nang pasubok-subok, at iba pang gawa na may kasamang paghipo sa anomang bahagi ng katawan ng biktima); Walang limitasyon ng panahon sa pagsasampa ng kaso para sa mga sala o paglabag sa ilalim ng Seksyon 12 (online GBSH); Hanggang limang (5) taon para sa mga sala o paglabag sa ilalim ng Seksyon 16 (GBSH sa lugar-paggawa) at 21 (GBSH sa mga institusyon ng edukasyon at pagsasanay).

Salin sa Filipino nina Elfrey Vera Cruz Paterno, Katherine T. Jayme, John Christopher DG. Lubag, at Mykel Andrada ng UP Sentro ng Wikang Filipino Diliman.

16


17


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.