EDITORIAL
Scientia! MAHIGIT TATLUMPUNG TAON na ang nakalipas mula nang nailathala ang unang isyu ng Scientia noong Agosto 1988. At sa loob ng tatlong dekadang ito ay samu’t saring mga suliranin at talakayang pangkolehiyo at pambansa ang natahak ng pahayagan. Ilan sa mga paksang siniyasat ng Scientia ay ang mga isyung tumutukoy sa pambansang industriyalisasyon, estado ng agham at teknolohiya sa bayan, panunupil sa malayang pamamahayag, kalikasan at libreng edukasyon. Sa nakaraang tatlumpung taon ay hindi lamang mga lab report at research paper ang pinagkaabalahan ng mga mag-aaral sa Kolehiyo. Bagkus, nanindigan ang mga Siyentista ng Bayan at binigyang tanglaw at kritika ang mga suliraning bumabahid sa loob at labas ng agham. Ipinagdiriwang ng pahayagan ang patuloy na paglilingkod nito sa mga siyentista at mamamayan! Sa ika-30 taon ng pagkakatatag ng Scientia, patuloy na paiigtingin ng pahayagan ang pakikibaka at palalakasin ang boses ng siyentista lalong lalo na’t ang mamamayan ay humaharap sa mabibigat na krisis panlipunan. Nariyan ang patuloy na kontraktwalisasyon ng mga manggagawa na nagbunsod sa sunod-sunod na protesta. Isa rito ang pagpipiket ng mga manggagawa ng NutriAsia dahil sa pagbuwag ng kanilang unyon, hindi makatarungang pasahod, at hindi makataong kondisyon sa trabaho. Dagdag pang pahirap ang patuloy na pagtaas ng bilihin at pamasahe dahil sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law. Sa bisa nito, mas bumigat ang pasanin ng mga mamamayan dulot ng dagdag-buwis sa ilan sa mga basic good at commodity upang pondohan
02
ang pagpapatayo ng mga imprastakura sa ilalim ng programang Build Build Build na pakikinabangan lamang ng mga dayuhang bansa sa pamamagitan ng pagbayad ng Pilipinas ng malaking interes sa utang. Isa pa sa mga isyung kinakaharap ay ang panghihimasok ng Tsina sa ating pambansang soberanya. Wala pa ring karampatang aksyon ang administrasyon ukol sa pag-angkin ng West Philippine Sea sa kabila ng pagkapanalo ng Pilipinas sa United Nations arbitration case. Kung kaya’t maging ang mga Pilipinong mangingisda sa karagatang ito ay ginigipit ng mga Chinese coast guard na dahilan upang mawalan sila ng sapat na kita. Liban pa sa mga suliraning binanggit ay ang patuloy na pag-agaw ng lupa sa mga magsasaka at pambansang minorya, militarisasyon sa kanayunan, trumped up charges sa mga aktibista at mga human rights defender, ang hindi pag-usad ng usaping pangkapayapaan at marami pang iba. Ipatong pa sa lahat ng ito ang makikitang pagbuhay ng administrasyong Duterte sa diktadurang dati nang bumangungot sa bansa na kinitil ng pwersang masa. Makikita ang nagbabadyang diktadura sa pagdedeklara at pagpapatuloy ng Batas Militar sa Mindanao, sa pagpapatalsik kay Maria Lourdes Sereno bilang Punong Hukom, sa pag-atake sa mga institusyong midya, sa pagtaas ng bilang ng mga extrajudicial killing, sa pag-aaresto sa mga “tambay” at sa pagraratsada sa Charter Change na magpapatindi sa kapangyarihan ng ehekutibo. Noong Pebrero lamang ay mismong si Pangulong Duterte ang nagsabi na isa siyang diktador at ‘di umano’y kinakailangan niyang maging diktador “para sa ikabubuti ng bansa.”
SCIENTIA VOL 25 NO 2