4 minute read

TAYO-TAYO NALANG TALAGA

Next Article
BREAK [IT] DOWN

BREAK [IT] DOWN

BY EMY ROSE G. GALLEGO BS PSCI ‘22

Mula sa isang maliit na karito na umusbong sa Maginhawa, Quezon city, ngayon parang kabuti ang pagsusulputan ng mga community pantry sa buong bansa. Di tulad ng isang tipikal na donation drive kung saan pawang mga mayayaman o mga politiko ang nagbibigay ayuda, sa community pantry, ano man ang estado mo sa buhay, lahat ay nagkakapit-bisig upang maibsan ang kagutuman sa gitna ng krisis.

Advertisement

Bayanihan ang karaniwang maiuugnay dito, subalit kung pagbibigyang- diin , ano pa nga ba ang ipinapahiwag ng paglilitawan ng community pantry?

Sa paglipana ng mga community pantry, kasabay ang pagdagsa ng mga taong nagnanais makatanggap ng ayuda, isang malinaw na mensahe ang ating mahihinuha. Sa gitna ng pandemya, patuloy na naghihikahos at salat sa pangunahing pangangailan ang mga Pilipino.

Sa kabila ng matinding sikat ng araw at peligro na maaaring magkaroon ng hawaan, hindi nagpatinag ang mga taong pumipila dito; umaasang maitatawid ang pagkain kahit sa isang araw. Kapag kumakalam na sikmura nga naman ang kalaban, kahit pa ang “virus” ay hindi magiging hadlang.

Ayon sa pag-aaral ng Social Weather Station(SWS) noong nakaraang Setyembre, halos isang-katlong Pilipinong pamilya o 7.6 milyong pamamahay ang walang sapat na pagkain. Kabilang dito ang 2.2 milyong pamilya na nakakaranas ng “severe hunger”- pinakamataas na naitala kailanman. Umabot na rin sa 4.2 milyong Pilipino ang walang trabaho ayon sa Philippine Statistics Authority. Inaasahan ring lolobo sa 17.5% ng 110 milyong populasyon ng Pilipinas ang mananatiling mahirap ngayong taon.

Kasabay ng pag-aalingawngaw ng community pantry ang pag-ulan ng batikos sa pamahalaan. Agad namang rumesbak ang mga tagapagtanggol nito at sinabing hindi dapat ginagawang propaganda ang community pantry upang siraan ang gobyerno, dahil pinapawalang saysay umano nito ang diwa ng bayanihan. Subalit, maibabaon ba natin ang katotohanang ang lupaypay na kalidad ng pagtugon ng gobyerno ang naging sanhi ng lumalalang kagutuman sa gitna ng pandemya? Mahuhubaran ba natin ng karapatan ang mga

Sa gitna ng anumang delubyo, ang lakas ng estado ay nakasalalay sa mamamayan, hindi sa gobyerno o lider nito.

biktima ng kapalpakan na magpahayag ng pagkadismaya? Masisisi ba natin iyong mga napagod na sa kakareklamo kung kaya’t sila na mismo ang tumugon sa mga puwang ng gobyerno?

Ika nga ni Ana Patricia Non, tagapangasiwa ng Maginhawa Community Pantry, “Pagod na akong magreklamo…. Pagod na ako sa inaction.” Sa madaling salita, pagod na tayong umasa. Si Non ay isa lamang sa milyon-milyong Pilipino na ganito rin ang saloobin sa gobyerno. Sino nga ba naman ang hindi mapapagod sa bulok na pangako at salitang puro hangin lamang?

Ayon naman kay Prof. Athena Charanne Presto, sosyolohista at guro sa Unibersidad ng Pilipinas, ang mga community pantry ay isang “act of resistance.” Dagdag niya, “Community pantries can be seen as acts of resistance against three things: first, against a government that fails to adequately address citizens’ needs; second, against a biased and discriminatory view of the poor as selfish and greedy; and third, against aid initiatives from institutions that are difficult to trust.”

Napakalinaw ng pinapahiwatig ng saloobin ni Bb. Hon at Propesora Presto, nabuo ang ganitong uri ng bayanihan mula sa kapalpakan ng gobyerno. Mahigit isang taon na mula nang dumapo ang COVID 19. Mahigit isang taon na rin tayong umaasa sa pagbangon mula sa pagkalugmok ng bansa. Palpak ang daily tallies ng mga nagkakavirus, usad pagong ang vaccination drive, at higit sa lahat palpak ang health system upang kayanin nito ang dagsa ng nagkakasakit. Nabaon tayo sa mga “band-aid solution.”

Isa pang mapait na katotohan na ibinubunyag ng community pantry ay kahit sa panahon ng kagipitan, lumulutaw parin ang mga mapagsamantala.

Sa isang video na nagviral noong Abril 19, nakuhanan ng CCTV ang anim na babaeng sinimot lahat ng laman ng community pantry sa lungsod ng Pasig.. Nang kunan ng pahayag ang mga ito, hindi nila umano sinolo lahat ng mga kinuha, bagkus pinamigay sa mga kapitbahay. Ngunit ito naman ay pinabulaanan ng ilang mga kapitbahay na sinabing wala silang nakuha, bagkus ay pinamigay lamang ito sa kanilang mga kamag-anak. Kailanman ay hindi naging masama ang pamamahagi sa iyong sariling pamilya, ang masama ay kanilang pinagkait sa ilang ding mga pamilyang nagugutom ang mga handog ng community pantry.

Sa kasalukuyan, marami ang kumukuwestiyon sa “sustainability” ng mga community pantry. Banat nila, “Gaano katagal ang buhay nito?” Ang naturang pantry ay paniguradong hindi magtatagal kung tutunganga at aasa lamang ang mga mamamayan sa mga donor nito. Sa halip na maghintay lang sa ayuda, maaaring magtayo ang mga ito ng isang community garden. Sa community garden, mismong mga miyembro ng komunidad ang magtatanim kung saan malaya rin nilang anihin at hatiin ang mga produktong makukuha rito. Walang takot na maaaring maubusan ng suplay ang mga pantry - at tinitiyak nito ang pagpapanatili at patuloy na pagaccess sa pagkain para sa mga nangangailangan.Sa gitna ng anumang delubyo, ang lakas ng estado ay nakasalalay sa mamamayan, hindi sa gobyerno o lider nito.

This article is from: