Pagsusulit

Page 1

PAGSUSULIT Abner Dormiendo


“May test pa ako bukas!” — Kian Loyd Delos Santos, isang mag-aaral habang binubugbog ng mga pulis, gabi ng 16 Agosto, 2017


Sagutin nang matapat ang mga sumusunod na tanong.

Pangalan: ________________________________

Edad: ________________________________

Propesyon: ________________________________ (kung may kaugnayan sa gobyerno, maaaring lumaktaw patungo sa huling pahina)

Ibinotong pangulo noong nagdaang eleksyon: ________________________________ (kung nanalo, maaaring lumaktaw patungo sa huling pahina)


I. PAG-UNAWA SA BINASA Panuto: Basahin ang teksto. Matapos basahin ang teksto, sagutin ang mga sumusunod na tanong. Ayon sa pulis… Nu’ng nakita kami, tumakbo. Nagpaputok. Kaya napilitan kaming magpaputok. Tinamaan. Patay. May 2 sachet ng shabu. Ayon sa pamilya… Pinalaki nang maayos ‘yan, tapos papatayin lang nila. Nag-aaral nang mabuti. Pangarap maging pulis. Ipaglalaban ko anak ko kahit matalo kami. Ayon sa CCTV… Hawak-hawak ng 2 pulis ang binatilyo. Sinundan ng pangatlo. Nakatakip ng jacket ang ulo ng binatilyo. Kinakaladkad. Ayon sa testigo… Binatilyo: Ano po gagawin ko diyan sa baril? Pulis: Hawakan mo. Iputok mo. Takbo! Binatilyo: [tumakbong umiiyak] …at binaril po nila ‘yung binatilyo.

1. Kanino ang tamang kuwento? Bakit? 2. Mahalaga ba kung kanino ang tamang kuwento? Bakit hindi? 3. Sino ang mananaig? At bakit ka natatakot? O bakit hindi?


II. TAMA O MALI Panuto: Isulat ang TAMA kung tama ang mga pangungusap. Kung MALI, bilugan ang nagpamali dito at iwasto. Tingnan ang halimbawa 1. TAMA 1. Droga ang pinakamalaking suliranin sa bansa. ________2. Totoong may dalawang pakete ng shabu sa biktima. ________3. Kung nahuli ng pulis, huwag manlalaban. ________4. Ayon sa batas, ang taong nanlaban sa pulis ay maaaring patayin. ________5. Uri ng panlalaban ang takot. ________6. Walang hawak na baril ang binatilyo. ________7. "The criminals have no place in this city except jails, detention centers, and God forbid, funeral parlors.� ________8. Ligtas pa rin naman ang nilalakaran mo tuwing gabi. ________9. Ang motto ng Philippine National Police ay “To Serve and to Protect�. _______10. Wala kang dapat ikatakot. _______11. Nahuhugasan ng tubig-ulan ang marka ng dugo sa aspalto.


III. PAGKILALA Panuto: Bilugan ang titik ng tamang sagot. A. Dahil gumamit ng droga. B. Dahil may kamag-anak na gumamit o gumagamit ng droga. C. Dahil gumamit na ng droga noon, at kahit tumigil na, may posibilidad na bumalik pa rin siya sa paggamit ng droga. D. Dahil naniniwala siyang hindi droga ang pinakamalaking suliranin sa bansa. E. Dahil naglalakad siya pauwi isang gabi, naka-jacket at nakapamulsa. F. Dahil naka-dreadlocks ang buhok niya. G. Dahil namumula ang mata. H. Dahil nasa labas dis-oras ng gabi. I. Dahil ayon sa mga tambay, isa siyang mabuting anak. J. Dahil ayon sa mga kaibigan niya, isa siyang saradong Katoliko. K. Dahil ayon sa kaniyang mga guro, masipag siyang estudyante. L. Dahil nasa listahan ang pangalan niya. M. Dahil nasa listahan ang taong kapangalan niya. N. Dahil nagsasara lamang siya ng tindahan ng kaniyang pamilya. O. Dahil may pamilya din sila na umaasa sa sustentong dala ng pagkamit ng quota. P. Dahil iba ang ibinoto niyang pangulo. Q. Dahil nanalo ang ibinoto niyang pangulo. R. Dahil bata lamang siya, at wala pa siyang alam. S. Dahil nagkataon na naroroon siya sa raid, nakikitulog sa kaibigan. T. Dahil plywood ang pader ng kanilang bahay, at tumatagos ang bala rito. U. Dahil may hawak siyang baril. V. Dahil wala siyang hawak na baril. W. Dahil pinabili lang ng asin ng nanay niya sa tindahan sa kabilang kanto. X. Dahil gusto niyang maging pulis. Y. Dahil nanlaban. Z. Dahil walang laban. Kung wala rito ang sagot, isulat sa ibaba. Maaaring gumamit ng panibagong piraso ng papel kung kinakailangan.


IV. PAGBUO NG PANGUNGUSAP Panuto: Buoin ang mga kataga sa pamamagitan ng pagsulat ng wastong sagot sa mga blangko. 1. Ang mga _________ ang tunay na salot sa lipunan. 2. Handa akong may mamatay na __________ dami ng katao alang-alang sa kapayapaan ng aking pamayanan. 3. Walang kasalanan ang __________ sa dami ng namamatay. 4. Dapat ding mamatay ng mga __________. 5. Si _________ ay isang “isolated case” at “collateral damage”. 6. Kung ikaw ay _________, kailangan mong dumaan sa due process. 7. "I do not care if I burn in hell for as long as the people I serve live in _________.” 8. Kung gusto talaga nilang magbago, dapat __________. 9. Walang lunas sa __________. 10. Lahat tayo ay posibleng __________.


V. PANGANGATUWIRAN Panuto: Sagutin ang mga tanong. 1. Pangatwiranan ang mga kamatayan. Ikuyom ang sagot sa pinilas na hininga at ipukol sa alinsangan ng gabi. Pakinggan: Ano ang tugon ng mga namatay?


2. Gaano karami ang sapat na? Gaano karami ang sobra? Magbigay ng eksaktong bilang. Magdalawang-isip. Sabihin kung bakit mali iyon.


3. Ilang katawan ang katumbas ng katiwasayan? Ipakita ang solusyon. Aminin mong hindi sapat.


4. Ito ang baril. Iputok mo. Tumakbo ka. Sasagot ka pa?


5. Magpaliwanag.


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.