1 minute read

Tahimik na Lumisan

By Alessandra Angela C. Gomez

“Ganito talaga ang buhay, Kiel. Huwag ka kasi puro asa.” Naalala kong sinabi ni Tito. Binaba ko ‘yung relo sa kamay ko at bumungad ulit sa’kin ang mahabahabang pila sa istasyon ng bus, abot hanggang kabilang tulay.

Advertisement

“Bata, sa dulo ka, kanina pa kami nandito,” saad ng isang lalaki. Isang oras na ang lumipas, hindi pa rin ako nakakauwi. May mga nasa harapan na kumuha pa ng litrato ng pila para iparating ang sitwasyon sa mga kakilala nila.

“Bakit ang tagal mo?” Bungad sa’kin ni Tita pagdating ko. Napunta ang atensyon ko kay Tito na tahimik na nagbabasa ng dyaryo. “Nagcut-off po sila ng mga pasahero eh,” tugon ko. “Kumain ka na, ‘yan lang muna ang ulam at nagmahal ang mga bilihin,” turo ni Tita sa lamesa.

Pinili kong manood ng TV pagkatapos. Ibinalita ang mga kasalukuyang kalagayan na kinakaharap ng ekonomiya, at kung nasaan ang taong pinagkakatiwalaan ng tinatawag na karamihan. Si Tito nga ay isa roon, o tila ayun lang ang akala ko. Hindi ‘tulad noon, wala siyang masyadong sinasabi tungkol dito.

Nagpatuloy ako sa gawaing-bahay sa sumunod na araw. Rinig ko ang tawanan nila Tito at ng mga kumpare niya sa may terrace. “Nanghihinayang ka ba? Parang mali yung binoto natin,” saad ng kaibigan niya.

Hindi na ako nagtagal para pakinggan ang usapan nila nang bigla akong inutusan ni Tita na pumunta sa bangko. Untiunti na namang lumalakas ang ingay ng mundo sa pandinig ko.

Pero nangingibabaw ang sinabi ng kaibigan ni Tito kanina. Umasa ako. Hindi lang puro depensa sana ang itinawid niya sa’kin noon, kung ‘di pagpruweba na aangat talaga ang kalagayan namin.

Paano na at hindi na rin pala sila naniniwala ngayon. Matagal ko nang tinatanggap ang mga kailangan nating maranasan na pagsubok sa buhay, ngunit may mga pagkakataon din na hindi naman kinakailangang tiisin ang lahat, dahil nasa tao rin ang makakapagayos ng sistema.

Katulad ng mga ibon na nakahahanap ng lupa sa gitna ng dagat na mukhang walang hanggan, patuloy ko pa rin inaasam ang totoong pagbabago.

This article is from: