1 minute read

Dasal ng TagaKanayunan

By Michaela Ann Marie R. Razon

Ama namin abot langit ang hinagpis namin, Lupang ninuno ay balak agawin, Anong landas na ang aming tatahakin

Advertisement

Kung sa sinilangan ay patuloy na kaming papalayasin?

Sambahin ang ngalan mo ang tanging nagagawa Pagka’t ito lamang ang sandata naming mga maralita

Wala rin namang magawa kundi sumunod at lumuha

Laban sa mga taong nagiinteres sa aming lupa.

Mapasaamin nawa kung anuman ang nararapat, At kami nawa’y pagkalooban ng lakas na sapat Upang mapasan itong suliraning mabigat, At hiling naming lumaban sila ng patas at tapat.

Ang kaharian mo ay kung saan kami nakadepende, Dito rin kaming inaakusahang kasapi ng mga rebelde,

Pagod na kaming lumuha ng ga-balde, Katatanggol sa aming sarili laban sa mga naka-unipormeng berde.

Sundin ang loob mo, ‘yan ang aming gawi Kahit ang iilan sa amin ay tuluyan nang nakapiit, Sa kabila nito’y pananampalataya Sa’yo’y ‘di mababali, Sa tanging grasya mo na lamang kami kumakapit.

Dito sa lupa na kami ang may karapatan Sumibol ang aming kamalayan, Na hindi lahat ng kawani ay kakampi, ‘Pagka’t sila pa itong sa’min ay pasimunong nang-aapi.

Para nang sa langit, kami nuo’y matiwasay Kapayapaan at kaligtasan lamang ang sigaw ng aming pusong dalisay, Sana’y ang mga higante ay lumisan nang tuluyan ‘Yan ang tanging dasal naming mga taga-kanayunan.

This article is from: