3 minute read
Hindi pasisiil para sa mga kinitil
Hindi terorismo ang pagpuna sa gobyerno bagkus ay aktibismo, at ang tunay na terorismo ay ang pagsupil sa karapatang makapagsalita ng Pilipino laban sa hayok na pinaggagawa ng maraming politiko. Lubos na nakababahala sapagkat ang pangunahing nagiging hadlang sa pagganap ng karapatang ito ay ang takot sa pulang pantakip—ang takot na mahusgahan, maging katatawanan, maitakwil, mapagbintangan, at higit sa lahat, ang takot na patatahimikin—panandalian man o panghabangbuhay. Banta itong maituturing sa kamalayan ng masa—bagay na magbubunsod ng palaging pagbusal upang maglantad ng katotohanan sa isang bayang tanging hangad lamang ay kaunlaran.
Ayon sa International Peace Observers Network (IPON), ang salitang “red-tagging” ay gawa ng mga aktor ng Estado, partikular na ang mga ahensiya ng tagapagpatupad ng batas, upang publikong markahan ang mga indibiduwal, grupo, o institusiyon bilang kaakibat ng mga komunista o makakaliwang terorista. Hindi na nakagugulat ang punto na ang sinumang nagsasalita laban sa pamahalaan ay itinuturing na komunista, subersibo, o terorista. Hindi maitatangging isa ito sa mga naging dahilan kung bakit maraming buhay na ang nanganib at nalagas dahil hindi man lang nabigyan ng pagkakataon upang ipagtanggol ang sarili sa harap ng hukuman.
Advertisement
Sa anim na taong panunungkulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay laman na ng balita ang kampanyang “giyera kontra droga” ng kanyang rehimen. Subalit, lingid sa kaalaman ng marami ang tahimik na giyera sa likod ng kaganapan ng kaliwa’t kanang extra-judicial killings sa Pilipinas—ang giyera sa pagsang-ayon at ang makakaliwang terorismo. Nakapaninindig-balahibong isipin na ang red-tagging ay maihahambing na sa isang death warrant na sinang-ayunan naman ng Karapatan Alliance. Ang mga walang pinag-batayan na akusasiyon sa ilalim ng Anti-Terror Law at Executive Order No. 70, na naglunsad ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTFELCAC), ay ginagawang legal ang paglabag sa karapatang pantao ng sinumang kritiko ng nakaraang administrasyon. Gamit ang social media ay nagagawang akusahan ang mga mamamahayag na may kaugnayan sa New People’s Army (NPA).
Si Maria Ressa, isang Nobel Peace Prize awardee at binansagang mukha ng Press Freedom ng bansa, ay biktima rin ng ganitong uri ng pang-aakusa. Hindi lamang siya bagkus maging ang buong newsgroup ng Rappler ay ni-red-tag ni Communications Undersecretary at tagapagsalita ng NTFELCAC, Lorraine Badoy. Batay sa Facebook post ng nasabing pamahayagan, tinukoy na pula ang Rappler sapagkat ito ay kakampi umano at bokilya ng NPA at Communist Party of the Philippines (CPP). Subalit, pinabulaanan ni Badoy ang ibinibintang sa kanya at sabi nito na “there is no such thing as red-tagging.”
Natapos man ang rehimeng Duterte ngunit hindi ang naratibo ng red-tagging. Kung hindi matutumbasan ay marahil mahihigitan pa ng kasalukuyang pamahalaan ang kahindikhindik na kaso ng pagtukoy sa pula sa bansa. Kung nakaya nilang ired-tag ang malalaking tao sa mundo ng pamamahayag ay maliwanag pa sa kristal na tubig ang kahihinatnan ng maliliit na industriya ng midya. Mismong ang Bagwis, opisyal na pamahayagan ng mga mag-aaral sa Pamantasang MindanaoHeneral Santos, ay hindi nakaligtas sa mga akusasyong walang sapat na pinagbatayan. Kasagsagan ng linggo ng pag-alala sa ikagintong anibersaryo ng Batas Militar ay inulan ng pambabatikos at pang-reredtag ang tatlong posts ng publikasyon. Komento pa ni DeeJay Hicban, “Skwela mo oi. Ayaw mo pailad anang CPP-NPA-NDF.” Nakalulungkot isipin na hindi lubos na naintindihan ng nakararami ang nais iparating ng DP blast na post. Ang pagpanig sa katotohanan ay kailan man ay hindi magiging uri ng daan upang akusahan bilang kalaban ng bayan.
Mahalagang tantuin ang isinasaad sa Artikulo III, Seksyon 4 ng Saligang Batas 1987. Ang bawat Pilipino ay may karapatan sa pamamahayag ng kaniyang saloobin partikular sa maling pamamalakad ng gobyerno. Dito pa lang ay atin nang mapagtatanto ang pananakot sa mga manunulat na siyang nagsisilbing boses ng mga hindi makapagsalita ay pagtapak sa karapatan ng malayang pamamahayag, kaya ay nararapat na protektahan sila laban sa red-tagging. Ang Artikulo III, Seksyon 13 ng Saligang Batas 1987 naman ay kumikilala sa tungkulin ng mga kabataan sa pagbuo ng lipunan. Ang pagpapatahimik sa mga kritiko ay paglabag sa kanilang karapatan at paghadlang sa kanilang adhikain patungo sa isang mas progresibong lipunan.
Harinawang mapagtanto natin na ang paggiging kritikal sa kinauukulan ay hindi paggiging kalaban ng lipunan. Ang pananahimik ay pumapabor lamang sa mga mapang-api. Panahon na para punitin ang pulang pantakip na siyang pilit na nagpapatahimik sa atin at gamitin ito bilang simbolo ng katapangan at kagitingan para sa kaunlaran. Hangga’t hindi tuluyang tinutuldukan ang serye ng red-tagging sa bansa ay magpapatuloy ang kabanata ng pagkitil sa karapatang pantao ng mga Pilipino. Dumanak na ang maraming pula nang dahil sa pagtukoy-pula. Nararapat lamang na hindi tayo ay pasisiil—red-tagging ay itigil sapagkat maraming buhay na ang kinitil!