2 minute read

BURNout: Ang Silakbo ng Katotohanan

Kamusta Na? Maayos pa ba ako?

Ilan lamang ito sa mga salitang patuloy nating tinatanong sa ating mga sarili bilang isang estudyante at higit sa lahat bilang isang Iskolar ng Bayan. Hindi natin mabulaanan sa ating mga natural na gawi na tayo ay minsan ng nasa yugto ng ating buhay na palagi na lang pagod at pagkukulang ang nararamdaman. Minsan, hindi maipagkakait ng tadhana na tayo ay ilagay sa laylayan ng pagkabigo lalo na sa mundo ng akademiko.

Advertisement

Ngunit hindi na lamang sa larangan ng akademiko sa ngayon ang pinoproblema ng bawat MSjUan. Kung dati ay stress at balisa lamang sa mga tambak na gawaing pampaaralan, sa ngayon, sumasakit na ang ulo dahil sa dalang suliranin ng init ng panahon na siyang mas lalong nagbigay perwisyo sa pag-aaral at lalo na sa kalusugan ng mga ito.

Kaya pa ba o kinakaya na lamang?

Ito ang katanungan na kung sasagutin ko ay may halong kasinungalingan. May pagkukunwaring sasagutin ko na, ‘kaya ko pa.’ Kaya ko pa, dahil wala naman sa bokabularyo ko ang salitang pagsuko. Sa kabila nga ng mga pagsubok na dala ng panahon sa mental man o pisikal na kalagayan nating lahat, patuloy pa rin ang takbo at ikot ng buhay upang maabot lamang ang tunay na kahulugan ng tagumpay.

Oo. Kaya ko pa. Kaya pa nating lahat. Sabi nga nila, init ka lang, MSjUan kami. Patuloy ang laban. Patuloy na lalaban. Patuloy sa inumpisahang laban. Bilang isang Iskolar ng Bayan, nakatatak na sa ating puso’t isipan ang kabanatan. Naging sandata na natin ito upang hindi magpatalo sa mga daluyong na sumusubok sa ating katatagan.

Kung iba naman ang tatanungin, iisa lamang ang kanilang magiging tugon, ito ay ang kinakaya na lamang nila. Bakit nga ba ito ang naging kanilang kasagutan? Syempre, lalayo pa ba tayo sa sagot na wala na silang ‘choice’ kundi ang palakasin na lamang ang kanilang tibay ng loob at determinasyon.

Karimlan ng Reyalidad

Sa kabilang banda, sa usapin ng reyalidad, sana mula buwan ng Marso hanggang buwan ng Mayo ay nararanasan na ng mga estudyante ang tinatawag na summer o sa madaling sabi ay nagpapakasaya na sila sa bakasyon. Sana tinatamasa na nila ang isa sa mga pinakasasabik na araw sa buhay nila kung saan makakasama ang kanilang pamilya sa outings dahil ito naman talaga ang nagiging ganap tuwing summer.

Ngunit patuloy na sumusuntok ang katotohanan na hindi pa pala katapusan ng klase ngayong panuruang taon. Hindi na ito ang mga araw na nakasanayan na ng mga mag-aaral. Hindi na ito ang mga araw na aakyat na naman sila sa entablado upang kumuha ng karangalan. Nakakalungkot mang isipin ngunit kailangang tanggapin dahil ito ang dalang pagsubok ng panahon - COVID Virus. Dahil dito, nasuspende ang klase ng mahigit 2 taon kaya ngayon ay umiba na ang naging iskedyul o kalendar ng klase.

BURNout Story!

Patunay ngang ‘we feels summer na’ dahil nga ang buwan ng Marso hanggang Mayo ay simbolo na na summer na talaga. Kaya bilang isang MSjUan, ramdam ko ang sakit ng init na dumadampi sa aking mga balat. Alas 7 pa lamang ng umaga dama ko na ang kakaibang usbong ng init sa ngayon. Hindi na tulad ng dati na madadala pa sa pagpapayong,pagsuot ng jacket at sombrero ang init na nadarama . Pero ngayon, masasabi kong ang init ngayon ay parang makakasunog na talaga ng balat at maaaari itong humantong sa pagkabahala sa kalusugan tulad na lamang ng sunBURN, dehydration, pagsusuka, pagkahilo at marami pang iba.

Sa katunayan, ayon nga sa PAG-ASA General Santos, umabot sa 32.7 degree celcius ang temperatura sa Gensan noong ika-23 ng Abril sa kasalukuyang taon. Ito ang naitalang pinakamainit na temperatura sa nasabing lungsod at ito ay maaaring umabot ang heat index hanggang 51 degree celcius. Kaya ang naging payo nila upang maiwasan ang anumang di kanais-nais na maging resulta ng tag-init ay uminom ng maraming tubig, iwasan ang palaging pag-inom ng softdrinks at gumamit ng mga kagamitang makapoprotekta sa katawan.

Pagsuong sa Katotohanan

Tama nga ang sabi nila na, ‘init ka lamang, MSUan kami.’ Huwag kakalimutan na nakakapagod man ang daluyong ng mga pagsubok laging pakatandaan na mas mahigit tayong malakas at matatag kaysa sa ating mga problemang kinakaharap.

‘Truly, we are one MSUan!’

KIMBIAN S. LIM

This article is from: