2 minute read
Hinahabing Pangarap
“Dream school nako ang MSU!”
Ito ang mga katagang madalas na sagot ng mga mga MSUan sa katanungang bakit ang Pamantasang Mindanao ang kanilang napiling Unibersidad na maging tagapaghabi ng kanilang mga pangarap. Karamihan din ay nagsasabi na ‘standard’ ang Pamantasan kung kaya dito nila itinuloy ang kanilang mga natatanging hangarin. Ngunit sa pagpasok nila sa kanilang tinatanaw na institusyon ay tunay nga ba nilang natamo ang kursong kanilang hinahangad? Tunay nga bang naisakatuparan ang pulso ng kanilang mga ambisyon?
Advertisement
Sa usapin ng pagpili ng kurso sa kolehiyo, hindi maikukubli ng katotohanan kung gaano kahirap ang pagpili nito – lalo pa’t ako ay isa ring Iskolar ng Bayan. Ito ang pinakamabigat na desisyon na kailangang malampasan ng bawat estudyante dahil para sa kanila ano nga ba ang mas matimbang, ang kursong ninanais ng kanilang mga magulang o ang nilalaman ng kanilang puso’t isipan.
Kung kaya ang pagpili ng kurso ay hindi parang pagpili lamang ng mga bilihin sa dibisorya na agad makukuha. Ang pagpili nito ay kailangan ng mahabang panahon na pagpapasya at higit sa lahat ay buo ang desisyon sapagkat ang kursong napili ay panghabambuhay na magiging susi para sa mga panibagong oportunidad. Magsisilbi itong katangi-tanging kayamanan na siyang mag-aangat sa isang indibidwal tungo sa rurok ng tagumpay.
PAGLALAYAG SA REYALIDAD
Bakit nga ba ito ang kursong napili ko?
Bakit nandito na ako ngayon?
Bakit patuloy akong nakikipagpatintero sa hamon na dala ng kursong ito?
Bakit ipinagpatuloy ko ito?
Ito ay ilan lamang sa mga katanungang tiyak kong tinatanong din ng mga MSUan sa kanilang sarili. Tiyak kong ang iilan ay hanggang ngayon hindi pa rin alam ang kasagutan at patuloy na umaapuhap ng pag-asa sa gitna ng paglalayag sa laban ng tadhana na kanilang nasimulan. Ngunit karamihan sa kanila ay nakuha naman ang kursong kanilang inaasam
Ito ang katanungang ibinato ko sa iilang MSUan na nanggaling sa iba’t ibang colleges. Sa aking pagtatanong, iba’t ibang sagot at perspektiba ang aking narinig at nabasa. Iba’t ibang rason kung bakit kanilang tinatahak ang kasalukuyang kurso nila. Mayroong positibo at mayroon ding negatibong mga sagot ngunit madalas talaga ay positibo ang aking naririnig.
Ayon nga kay Maureen Baludio mula sa College of Education na may kursong BSED Major in Mathematics, napili niya ang kanyang kurso dito sa Pamantasang Mindanao dahil alam niyang ito ay tunay na huhubog sa kanyang kakayahan at lalong mas papatibayin nito ang kanyang kakayahan at katibayan. Dito raw masusukat ang kanyang determinasyon at kalakasan upang paglabas niya ng paaralan ay buo niyang dala ang karangalan mula sa Pamantasan at handa raw niyang suungin ang totoong laban.
Sa katanuyan, pare-parehong mga kasagutan lamang ang aking narinig. Dito sa MSU nila ipinagpatuloy ang kanilang napiling kurso dahil alam nilang bukod nga sa “standard” ito ay mas lalong huhubugin ang kanilang mga natatanging kakayahan at talento dahil naniniwala silang susukatin talaga ng Pamantasan ang kanilang mga kagalingan hindi lamang sa larangan ng akademiko kundi pati na rin sa larangan ng isports. Dagdag pa, gusto rin nilang maging globally-competitive na sa paglabas nila sa apat na sulok ng institusyon kung saan masasabing sila ay tunay na handa sa pisikal, mental at emosyonal na mga hamon.
Matatag! May paninindigan!
Kaya saan man dadalhin ng agos ng panahon ang mga MSUan, alam kong sila ay tunay na handa sa anumang bakbakan na kanilang susuungin. Walang pag-aalinlangan na kahaharapin ang mga unos dahil alam kong hinulma sila ng
Pamantasan upang maging best version ng kanilang mga sarili.
Laging tatandaan na mahirap mang makapasok at makalabas ng Pamantasan ngunit kapag natapos mo na ang kursong dito ay iyong inaasam tiyak hahabulin ka ng mga oportunidad. Ano mang kurso ang tatahakin o kasalukuyang tinatahak, ang iyong determinasyon na marating ang dulo at makapagsuot ng sotra na toga ang siyang magiging unang sandata upang mapagtagumpayan ang landas na kasalukuyang binabagtas. Kaya saan ka man naroroon ay laging bigyang karangalan ang dakilang Pamantasan dahil ito ang humabi ng iyong mga natatanging pangarap at kinabukasan.
ScantheQRcodetocheck us out on Facebook!