3 minute read
Mainit na Panawagan
Nakapapasong sikat ng araw at maalinsangang mga silid-aralan ang kinakaharap ng mga MSUans arawaraw. Ito ay nagdudulot ng hindi komportableng pakiramdam na siyang nakaaapekto sa kalidad ng pag-aaral. Ang mas malala, kulang o hindi kaya ay sira-sira ang mga electric fan na siyang inaasahang makatutulong sana sa problemang ito.
Noong March 21, 2023 na ay idineklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na simula na ng tag-init at tagtuyot. Dahil matinding init na umabot hanggang 30°C, napagdesisyunan ng MSU-GSC admin na sa halip na face-to-face ay online class na lamang sa buong institusyon noong
Advertisement
March 27-31, 2023. Ito ay nakatulong sa mga guro at mag-aaral, lalo na sa Muslim Community, upang kahit papaano ay mabawasan ang epekto ng init lalo na at kasagsagan pa iyon ng Ramadan.
Subalit, ito ay nagmistulang ‘band-aid solution’ lamang sapagkat pagkatapos ng isang linggo ay balik na naman sa eskwela ang mga mag-aaral at mga guro. Kanya-kanyang diskarte na lamang sa pamamagitan ng pagdadala ng sariling portable electric fan at mga pamaypay nang sa gayon ay mapawi ang init na nararamdaman dahil ang ibang mga silid-aralan ay walang sapat na bentilasyon. Wala ring libreng drinking fountain sa loob ng paaralan maliban sa isa na nasa University Gymnasium at sobrang mahal ng mga de-bote at dehulugang tubig.
“Bilang isang mag-aaral, mahalaga para sa akin ang magkaroon ng komportableng lugar para makapagaral upang matuto sa leksyong itinuturo ng propesor. Kapag naman mainit ang panahon, nahihirapan akong makinig dahil sa nararamdamang init na dala ng panahon,” saad ni Shandee Athea Fulgencio, isang mag-aaral mula sa College of Natural Sciences and Mathematics (CNSM).
Kaugnay niyan, ayon sa online survey ng pinakamalaking organisasyon ng mga guro sa bansa, ang Alliance of Concerned Teachers (ACT), sa 11,706 na mga pampublikong guro sa Pilipinas mula March 24 to 27, ang matinding init ay lubos na nakaaapekto sa mga estudyante dahil ito ay sanhi ng kahirapan sa pagpopokus at pagliliban sa klase. Dagdag naman ni Vladimer Quetua, tagapangulo ng ACT, ang mga guro at mag-aaral ay nakararanas ng pananakit ng ulo, pagkahilo, at pagdurugo ng ilong dahil sa init, na siyang pinalala ng kakulangan ng pangkalusugang pasilidad at tauhan sa mga paaralan. Nasa 54.5% naman sa mga silid-aralan ay mayroon lamang 3-4 na electric fan para sa 35-50 na mga mag-aaral.
‘Masikip at hindi well-ventilated’ kung ilarawan ni Princess Rau Cunanan, isang mag-aaral mula sa College of Engineering, ang mga silid-aralan sa H-Building. Sa katunayan, ganito rin halos ang sitwasyon sa iba pang mga gusali ng Mindanao State University - General Santos City (MSU-GSC) kagaya na lamang ng College of Arts and Sciences (CAS), Gemma East, Gemma West, at sa mga bagong gusali ng College of Social Sciences and Humanities (CSSH) at CNSM. Sa katunayan, ibinahagi ni Mariya Nicole Silva, isang mag-aaral mula CSSH, sa isang Facebook post ang retrato ng ceiling fan sa Gemma West na mukhang malalaglag na anumang minuto mula ngayon. Umani naman ito ng sari-saring reaksyon ng pagkabahala mula sa mga
MSUan para sa kanilang kaligtasan. Kahit pa nagdadala ang mga guro at estudyante ng sariling tubig, hindi parin ito sapat dahil mas nakakauhaw ang matinding init. Higit na mahal ang bentahan ng mga de-boteng tubig sa mga kantina sa loob ng paaralan na nasa Php20.00 ang 500ml at Php30.00 naman ang isang litro. Samantala, Php15.00 at Php20.00 lamang sa labas ng paaralan ang mga ito, ayon sa pagkakabanggit. Sa kabilang banda, isa sa proyekto ng Supreme Student Council (SSC), pinakamataas na organisasyon ng mga mag-aaral ng MSU-GSC, noong unang semestre ng A.Y. 2022-2023 ay ang mga dagdag na drinking fountain. Ito ay napa-aprubahan na ng SSC subalit hanggang ngayon ay hindi pa ito nabili ng admin.
“Kung ninanais ng lahat ang magkaroon ng mataas na kalidad na edukasyon, sana ay bigyang-pansin ang pagpapaganda at pagsasaayos ng mga pasilidad ng ating paaralan. Ang “safety” at “welfare” ng mag-aaral ay dapat unahin upang makamit ang inaasamasam na kalidad na edukasyon,” dagdag pa ni Cunanan.
Hindi pabor sa Pilipinas ang pagtama ng face-to-face classes sa mga buwan ng Marso hanggang Mayo dahil ito ang pinakamainit na mga buwan ng taon. Patunay ang kakulangan ng sapat na bentilasyon sa bawat silid-aralan ng MSU-GSC na hindi ito napaghandaan ng administrasyon. Ang labis na init ay hindi lamang nakaaapekto sa pisikal na kalusugan, bagkus maging sa emosyonal at mental na kapasidad ng mga mag-aaral at mga guro. Mistulang hanggang wala pang napapahamak sa sira-sirang electric fan ay hindi muna ito prayoridad ng admin. Tila habang sila’y komportableng nakaupo sa naka-air conditioned na mga silid ay tagaktak ang pawis ng mga nasa labas. Hanggang kanilang natatamasa nang libre ang tubig mula sa kanilang dispenser ay hindi nila pagtutuonan ng pansin ang natutuyong lalamunan ng kanilang nasasakupan.
Kapag kaya sinubukang tumayo ng nakaupo ay makikita na nila ang kalagayan ng nasa ibaba? Sana oo. Nawa’y marinig ng nasa itaas ang mainit na panawagan ng bawat MSUan.
Mga sanggunian: https://www.philstar.com/ headlines/2023/03/28/2255097/teacher-survey-findsintolerable-summer-heat-affecting-attendance-learning https://en.climate-data.org/asia/philippines/southcotabato/general-santos-997978/t/march-3/