6 minute read

Banyuhay 2020 | Tomo I Blg XLVII

“Okay pa naman kasi kahit papaano may pasok pa tapos bigla nagkaroon ng pandemic dun na nag-umpisa ang crisis ng buhay,” ani Misis Maricris Fulugan o mas kilala natin bilang Ate Menchu, patungkol sa epekto ng pandemya sa kaniya. Si Ate Menchu ay tatlong taon nang nagtra-trabaho bilang utility staff ng QueSci at may tatlong anak na pinag-aaral. Aminadong puno ng pag-aalala si Ate Menchu sa sitwasyon ngayon dahil wala siyang permanenteng trabaho na susuporta sa kanilang pangangailangan. “[Yung] panggastos araw-araw wala ka nang inaasahan na kasunod ‘pag naubos na ‘yung konting ipon mo,” agam-agam nito. “Nakiusap ako sa isang kapatid ko na may tatlong anak na ako na lang maglalaba ng mga damit nila. Kahit papaano, binibigyan naman ako ng panggastos,” ang tugon ni Ate Menchu nang tanungin tungkol sa kaniyang pinagkakakitaan, lalo na ngayong mas mahirap humanap ng trabahong makadaragdag sa panggastos dahil sa epekto ng pandemya. “Bukod po sa paglalaba ko, may dati po kasi ako pinasukan na tahian po, nagextra din po ako kaso sa ngayon po mahina na kasi wala nang matahi –walang tela kasi pandemic walang deliver.” Mag-isa niyang tinataguyod at pinagaaral ang kaniyang mga anak. “Tatlo po sila, single mother po ako.” Dagdag pa niya na, “‘Yung anak ko sa probinsya hindi na nakapunta dito na dapat magbakasyon para makasama po namin siya, kaso wala po siyang masakyan.” Na kung tutuusin ay higit na malaking dagok sa kaniya bilang ina na malayo ang iyong anak lalo na ngayong mayroong pandemya. “Kaht papaano gagawan ko [ng] paraan para makapagpatuloy lang sila,” aniya tungkol sa pag-aaral ng kaniyang mga anak. Tunay na pursigido si Ate Menchu na mapagtapos sila. Isang kahanga-hangang kalidad na sa isang ina mo lang kadalasang makikita. Parang isang manlalayag na pursigidong sumuong sa dagat kahit pa malakas ang alon at hindi sigurado ang maiuuwing huli. Sa gantong sitwasyon ay mas lubos ang pasasalamat ni Ate Menchu sa mga kamag-anak na tumutulong sa kanila na makaraos ngayon. “Kahit papaano [tumutulong ang] mga kapatid ko na regular naman sa trabaho.” Buong puso rin ang pasasalamat niya sa ayuda ng gobyerno at ng QueScie Agapay sa tulong na ibinigay nila, “Saka po ‘yung ayuda ng Kisay agapay malaking tulong din po sa amin at ‘yung tulong na ibinigay ng mga GPTA officers. Laking tulong talaga po sa katulad namin.” Positibo man ang pananaw ni Ate Menchu sa buhay at hindi nakalilimutang magpasalamat ay aminado pa rin ito na mahirap talaga ang sitwasyon at kung may pagkakataon na makakausap niya ang presidente ay ito ang kanyang sasabihin, “Sana matulungan kami, mabigyang pansin [ang mga] katulad namin na nagsisikap para sa anak [namin] na makatapos.” Isa lamang si Ate Menchu sa marami pang mukha ng mga kapwa natin Pilipino na patuloy pa ring nakapagbibigay inspirasyon sa panahon ngayon. Isang ina at isang magulang na hindi lamang sarili ang iniisip ngunit pati na rin ang mga anak ngayong pandemya. Patuloy pa rin sa buhay na may positibong pananaw at moral na pinaninindigan. Sa labingtatlong taon niya bilang utility staff ng QueSci, tunay na isang malaking dagok para kay Ate Bhing ang pagsasara ng mga paaralan at pagkawala ng kaniyang pangunahing pinagkukunan ng pagkakakitaan. Nang kumustahin ang kaniyang kalagayan ngayon, ganito ang kaniyang naging tugon, “Kahit papaano ay nakakaraos naman, sa awa ng Diyos, at higit sa lahat ay walang sakit.” Bagaman hindi rin ganoon kaalwan ang buhay nila bago pa magkaroon ng pandemya, inamin ni Ate Bhing na talagang mas nahirapan pa sila ngayon. “Ngayong quarantine, napakahirap. Hindi ko inakala na mangyayari ang ganito sa buong mundo. Mahirap din ang buhay noon, pero okay naman dahil alam mo ang dapat mong gawin. Pero ngayon hindi mo na alam, kasi hindi mo nakikita ang kalaban mo.” Nakatulong din sa kanilang pamilya ang ayudang natanggap mula sa gobyerno. Aminado mang hindi ito sapat para tustusan ang lahat ng kanilang pangangailangan, lalo na ngayon na magbabalikeskwela na at wala pa ring magagamit ang kanyang mga anak sa darating na online class, ay positibo pa rin ang pananaw ni Ate

Bhing.“Nagtitinda ako ng meryenda at ulam online. Ako ang namamalengke at nagdedeliver,” aniya patungkol sa pag sideline niya upang may pagka-kitaan ngayong quarantine. Sa mga araw naman na hindi nai-pagbibili lahat ang kanayang itinitinda, dinidiskartehan na lamang ni Ate Bhing ang mga natitira upang hindi ito masayang. “Yung natira yun na lang ang hapunan namin. Hindi po maiwasan yung kaunti ang benta kasi yung mga suki ko minsan nagtitipid din, pinapautang ko nalang sa iba para meron pa akong masisingil,” sabi pa niya. Marami mang pinagdadaanan ngayon ay hindi pa rin niya nakalilimutan ang mag pasalamat sa Diyos at sa mga tumutulong sa kanya. May agam-agam man sa sitwasyon ngayon na mahirap, nakakatakot, at delikado ay matapang pa rin niyang sinusuong ang bawat araw para sa pamilya niya na tila sundalong buo ang loob sa bawat gyerang kahaharapin niya. Isa lamang si Ate Bhing sa marami pang mukha ng mga kapwa natin Pilipino na patuloy pa ring nakapag-bibigay inspirasyon sa panahon ngayon. Mga taong hindi lamang sarili ang iniisip ngunit pati na rin ang sitwasyon ng kababayan nating nahihirapan ngayong pandemya. Patuloy pa rin sa buhay na may positibong pananaw at moral na pinaninindigan. “Okay pa naman kami bago maglockdown. Pero ang laki ng pagbabago noong nag-quarantine na, dahil karamihan sa mga tao ay nawalan ng trabaho.” Anim na buwan na mula nang maideklara ang unang enhanced community quarantine na siyang naging dahilan sa pagkakasara ng ilang pampublikong lugar. At kasama sa mga naapektuhan nito ay si Ate Divine na pitong taon nang bahagi ng utility staff ng QueSci. “Dahil nawalan ako ng trabaho, ‘yung panggastos namin sa araw-araw ay nawala rin. Umaasa na lang kami sa tulong at ayudang binibigay ng gobyerno saka ng mga kaibigan ko.” Nakalulungkot, dahil bukod sa kaniya ay nawalan din ng trabaho ang kaniyang asawa. Ngunit kahit na may mga ayudang natatanggap, hindi pa rin nito nasasapatan ang pangangailangan ng kanilang pamilya. “Hindi kasi sapat sa isang buwan ang ayudang natatanggap namin, lalo na’t nasa malaking pamilya ako. ‘Pag naubos na ‘yung ayudang naibigay sa ‘min, mag-iisip ulit kung saan kukuha ng panggastos para sa mga susunod pa na buwan. Kaya mas nahirapan pa ang mga kagaya kong mahirap na, nawalan pa ng trabaho.” Kaya naman para may makain ang kanilang pamilya, silang mag-asawa ay dumidiskarte na lamang kung saan pwedeng kumita. “Minsan, may kumukuha sa ‘kin para maglinis ng bahay at magpalaba. ‘Yung nakukuha kong pera ay pinagkakasya ko na sa isang araw. At yung asawa kong, kasabay kong nawalan ng trabaho, ay sumasideline na rin ngayon.” Bukod sa problema kung anong ang kakainin sa arawaraw, isa pang hamon sa kanilang pamilya ang darating na pasukan. “Sa awa ng Diyos, oo, kasi gusto talaga nila tumuloy kahit na hindi sapat ‘yung gamit namin pang-online class nila,” sabi ni Ate Divine nang tanungin siya kung magpapatuloy ba sa pag-aaral ang kaniyang mga anak. “Hindi ko sana sila itutuloy [sa pagaaral], dahil may dalawa na akong college at dalawang high school, tapos ‘yung mga gamit pa pang-online ay cellphone lang at walang pang-internet. Pero dahil desidido sila na ituloy ‘yung pag-aaral nila, pagsisikapan ko na lang.”

Advertisement

Sa kabila ng mga pagsubok na napaharap sa kanilang pamilya buhat ng magkaroon ng pandemya, napapanatili pa rin ni Ate Divine ang positibong tingin niya sa buhay. At hindi pa rin siya nakakalimot na magpasalamat sa mga taong patuloy na nagbibigay ng tulong sa kaniya at sa kaniyang pamilya. “Nagpapasalamat ako sa gobyerno dahil kahit papaano ay nakatanggap ako ng ayuda mula sa kanila.” Ngunit kasabay nito ay may hinaing pa rin siya para sa mga nasa posisyon. “Kung bibigyan ako ng pagkakataon [makausap ang Presidente natin ngayon] hihingi ako ng tulong sa kaniya para sa pamilya ko at para sa pag-aaral ng mga anak ko.” Isa lamang si Ate Divine sa libolibong Pilipinong nawalan ng kabuhayan ngayon. At kahit patuloy pa ring tumataas ang kaso ng COVID-19 sa ating bansa, patuloy pa rin niyang gagawin ang kaniyang buong makakaya para maitaguyod ang kaniyang pamilya sa gitna ng pandemya.

This article is from: